Code 24/7
Code 24/7
Sulat ni Cassandra Capellan
Kuha ni April Isorena
“Makapangyarihan ang pag-ibig na hawak mo sa ‘yong kamay...”
Mabisang inilalarawan ng Eraserheads sa kanilang awiting “Huwag Kang Matakot” ang panata ng mga taong buong pusong naglalaan ng bahagi ng kanilang buhay upang manatiling nasa tabi ng iba at magsilbing sandigan sa kabila ng mga pagsubok at kawalang-katiyakan. Gayundin, na ang ugat ng kaligtasan ay nasa kamay ng mga indibidwal na may walang-tawad na dedikasyon at pagmamalasakit sa kapwa.
Sa ganitong diwa, higit ding isinasabuhay ng Emergency Response Team ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina ang makataong uri ng paglilingkod. Sa kanilang kahandaang tumugon sa oras ng pangangailangan, naiuukit sa isip ng mga mag-aaral at kawani ng unibersidad na palaging mayroong aagapay sa kanilang kalusugan anuman ang panahon.
Sapagkat sa bawat pagtitipon ng mga mag-aaral, hindi mawawala ang presensya nila sa mga kasuotang pusikit na asul. Tungkulin nila ang maging alerto at dumating nang may baong lakas at abilidad na mag–responde sa sinumang lalapit sa kanilang may iniindang sakit.
Taong 2023 nang binuo ang PLMar-ERT bilang pormal na organisasyon ng mga mag-aaral. Wika ni Dra. Sheryl Guevara, isa sa kanilang mga tagapayo, nagsimula ito nang kinailangan niyang paramihin ang mga volunteers bilang pantulong medikal sa mga nagsasagawa ng ROTC trainings tuwing Linggo. Mas pinalawig niya pa ang inisyatibong ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng first-aid sa mga mag-aaral na kasama rin sa parehong ideya. Dito naging pormal na organisasyon ang ERT nang binuo ang estruktura, prinsipyo, at katuturan nito sa pamantasan.
Ngayo’y kinikilala na sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan, nagsasagawa rin ng internal trainings ang ERT upang palakasin ang kahandaan nila sa mga operasyon. Makikita rin sila hindi lamang kaugnay ng pamantasan kundi pati na rin sa labas nito: sa pagsasanay ng pagiging bumbero, pag-responde sa gitna ng city-wide events, at pagsasaayos ng ilang evacuation areas sa panahon ng tag-ulan ay ilan lang sa kanilang makabuluhang gawain para sa lipunan.
Isang pagyakap sa reyalidad ang pagiging miyembro ng ERT. Hindi ka nito hihintaying maging handa, bagkus ay palagi itong kumakabit sa salitang “oo” bilang sagot sa tawag ng pangangailangan. Saad nga ni Nathaniel Palma, kasalukuyang pangulo ng organisasyon, hindi naman nila hinahanap ang pinakamagaling sa tungkulin. Bagkus ay higit pa nito ang taong buo ang loob sa pagtupad nito. Alam kung paano balansehin ito kasabay ng mga gawaing pang-akademiko, handang dagdagan ang kaalaman, at palawakin ang isip sa mga posibilidad.
Sa paningin ng mga miyembro nito, higit nilang nauunawaan ang mga aral na naidudulot sa kanila ng organisasyon. Sa pagbabahagi ni Dustine Binlayo, kasalukuyang Training Development Officer, marami sa kanilang mga karanasan ang kapupulutan ng tamang pakikisama sa kapwa. Dito nagmumula ang respeto sa tungkulin at sa ngalan ng organisasyon kung paano maging isang ganap na responder. Higit sa lahat, nais din nilang baunin patawid ng kolehiyo ang pagiging mapagkumbaba sa lahat ng oras. Sa kabila ng mga parangal at tagumpay, ang isang miyembro ay mahalaga pa ring nakapaglalaan ng espasyo tungo sa tuloy-tuloy nilang kaunlaran.
Sa pagtutulay ng panganib at kaligtasan sa pamamagitan ng agarang pagreresponde, nakikita sa mga student volunteers ang dedikasyong magkaroon hindi ng kapangyarihan, bagkus ang mapagkumbabang mga palad na humahaplos sa lahat ng may iniinda. Sa kanilang mga kamay na bukas 24/7, hindi mapapantayan ang kanilang kahandaan sa hudyat ng sakuna. Ang kanilang tahimik ngunit matatag at huwarang presensya ang palaging aantabay sa lahat.