Sulat ni Cassandra Capellan
Kuha ni Kael Reña
“Kaya ko ‘to,” sambit niya upang aluin ang sarili.
Alam niyang hindi sasapat ang kabuuang kita sa matumal na araw na iyon para may maiuwi sa hapagkainan. Panigurado’y sapat lang ang dadaaning piso upang isiksik ito sa pagpaparte niya ng iba’t ibang gastusin sa isang linggo. Ngunit sa kabila ng lahat, kabisado na ni Jo kung paano umiikot ang mundo sa paligid niya, sa kaniyang pamilya, at sa kaniyang pag-aaral. Alam niya, na ang lahat ng sinimulang pangarap ay marapat na naisasakatuparan; kaya’t kinakailangang paghirapan ito upang matamo ang tagumpay na walang kasingtamis.
Iyon din naman ang gusto ni Jo.
Sa loob ng makitid na pampasaherong e-jeep na siya mismong bahagi ng mabilis at maalab na tibok ng buhay-lungsod, isa lamang ang hinangad ni Joanna: ang magkaroon ng payak na kabuhayan sa pamamagitan ng pamamasada bilang isang konduktora.
Kasabay ng pagsikat ng araw ay ang unang byahe nila paikot ng lungsod, handa para sa buong araw na pamamasada. Mangongolekta siya ng bayad mula sa mga pasahero at magtuturo din ng iba’t ibang destinasyon. Bukal sa loob niyang aalalayan ang bawat isang pasahero, bata o matanda, magmula sa kanilang pag-akyat hanggang sa pagbaba. Katulad ng marami, sakripisyong maituturing ang pagtayo ng higit pa sa labindalawang oras bilang bahagi ng kaniyang trabaho. Sa pagkokonduktora, kailangan nilang umabot sa binigay na quota. Kapag nakaabot doon, mas malaki ang maiuuwi. Kaya naman madalas ay hatinggabi na sila gumagarahe at mula roo’y saka pa lamang makakapagpahinga.
Higit pa sa pagod at puyat, may mga sandaling susubok sa kanilang pasensya na talagang hindi maiiwasan. Minsan nang dinanas ni Jo ang hirap ng pakikisalamuha sa mga pasaherong hindi maunawain. Nagdudulot pa ito ng mas malaking bigat sa balikat niyang marami nang pinapasan.
“Oh, ito na piso mo!”, ang natatanging kataga na nag-iwan ng lamat sa damdamin ni Jo, kasunod ng malupit na mura hatid sa kaniya. Sa kaniyang pagdaramdam, aniya’y “Sinabi niya iyon na para bang siya na yung nagpakain sa’yo buong buhay mo?”
Sa sandaling iyon, isa siyang konduktora na humihingi lamang ng sapat na bilang ng pasahe sa mga sumasakay. Ngunit kagaya ng lahat, tao pa rin siya na may karapatan sa pagkakaroon ng dignidad na hindi dapat niyuyurakan ninuman.
Bukod sa pagiging isang passenger assistant, marubdob na tinatahak ni Joanna ang mas malalalim pang kalsada ng pagiging isang asawa, ina, at estudyante sa kolehiyo. Iyan ang marami pang landasing hindi lubusang masisilayan ng mga pasahero sa likod ng kaniyang malugod na disposisyon.
“Ang nakakatuwa sa mga anak ko, naiintindihan nila na kailangan kong mag-work para sa kanila,” aniya, sa pagpapaliwanag sa kaniyang mga anak na ang bawat oras na ginugugol niya sa kaniyang trabaho ay tanging para matugunan ang kanilang pangangailangan at mapagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Sa kabila ng pagod, nananatili sa puso niya ang isang pangarap: hangad niyang mapalaki sila nang maayos at maging mabubuting tao.
Sa gitna ng lahat ng tungkuling ito, paano nga ba ang pakiramdam ng maging isang superwoman sa sariling kwento—walang kápa, pero may lakas na hindi mo aakalaing kaya mo? Tunay na kahanga-hanga ang larawan ng isang inang nagsusumikap sa buhay, sapagkat hindi na rin nagawang ipagliban ni Jo ang pangarap niya para sa sarili. Nitong taon lamang, napagdesisyunan niyang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral at pumasok na sa kolehiyo.
“Ang goal ko lang, matapos ko kung ano ang kailangang tapusin. Hindi mataas ang expectation ko sa sarili ko, pero binibigay ko pa rin ang best ko. Sa ganoon, minsan sumusobra pa ang balik sa’yo,” makahulugan niyang sambit nang subukang ilarawan ang buhay niya bilang isang kolehiyala.
“Kapag may failure ako, ipinagpapasalamat ko. Kasi sa failure na ‘yon, natututo ako,” aniya bilang pagpapakita ng kaniyang pagtingin sa mga kabiguang hindi dapat itinuturing na hadlang, bagkus isang matatag na hakbang tungo sa kaniyang pag-unlad.
Hindi naman palaging madilim ang tingin niya sa buhay. “Kung dati, colorless ‘yan lahat. Pero ngayon, kahit pa may problema ako, ang tingin ko sa paligid mabulaklak, makulay. Naglalakad ako roon ngayon.”
Tulad ng isang jeepney na may katiyakan sa kaniyang ruta, nakatuon ang isip ni Jo sa bawat isang pangarap na nais niyang marating nang may positibong pag-iisip. Tunay na kahanga-hanga ang isang taong may matatag na paniniwala sa pag-asa. Ang pagiging kuntento niya sa buhay ay hindi pumipigil sa pangarap niya, kundi nagtuturo pang mas pahalagahan ang mga yamang mayroon siya ngayon. Para kay Jo, ang simpleng tuwa ng kaniyang pamilya, maayos na daloy ng trabaho, at ang regalo ng pagkakataong mag-aral ang nagbibigay motibasyon sa kaniya upang magpatuloy.
“Pagod na ako sa byahe, pero sa buhay? Hindi pa!” ang nakatawa niyang sambit bago lingunin ang kumpol ng mga byaherong naghihintay sa tawag niya. Sa maliit na boses ngunit may buong enerhiyang pagsigaw, agad niyang nahikayat ang mga pasahero at naghatid sa kanila ng ginhawa matapos ang isang mahabang araw.