Bata, Bata… Paano Ka Hinubog?
Bata, Bata… Paano Ka Hinubog?
Sulat ni sampaguita
Likha ni Ellena Santana
Talamak ang mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng kabataan sa loob ng paaralan. Kabilang na rito ang mga kamakailang pangyayari ng pamamaril sa loob ng paaralan sa magkaibang panig ng bansa—ang school shooting sa lungsod ng Tacloban at Zamboanga. Nag-aaral at menor de edad lamang ang mga suspek sa parehong lugar. Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng takot at pagkabahala sa mga mamamayan. Sino ba namang mag-aakala na ang minsang tinatawag nating pangalawang tahanan ay unti-unti nang nawawalan ng kahulugan bilang isang ligtas na kanlungan?
Kaakibat nito, hindi maiiwasang ibaling ang atensyon sa mga posibleng dahilan kung bakit nasasangkot madalas ibunubunton ang sisi sa video games, lalo na kapag ito ay naglalaman ng mga pakikipaglaban o karahasan. May ilan ding naniniwala na ang batas na nagtatanggol sa kabataan ang ugat kung bakit nagkaroon sila ng ‘criminal mind’, o ang impluwensiya sa kanilang pag-iisip tungo sa paggawa ng krimen.
Ang paglalaro ay nagsisilbing libangan ng kabataan at matatanda. Sa kabila ng napakaraming salik na nakaaapekto sa gawaing ito, hindi sapat ang mga naturang video games upang maging dahilan ng pagiging kriminal ng isang tao. Gayundin, hindi dapat tingnan bilang ugat ang batas sapagkat nilikha ito upang protektahan ang kabataan laban sa posibilidad na mas lumala pa ang kanilang pagkakasangkot sa krimen. Kung gayon, saan nga ba talaga nagmumula ang ganitong pag-iisip?
Ayon sa World Health Organization (2025), isa sa bawat pitong may edad na 10 hanggang 19 ang nakararanas ng karamdaman sa pag-iisip sa buong mundo. Katumbas ito ng 15% ng kabuuang pasanin ng mga sakit sa buong mundo para sa pangkat ng edad na ito. Sa Pilipinas naman, ang bilang ng kabataang Pilipinong nakararanas ng depresyon ay dumoble sa loob lamang ng walong taon (Calbaza, 2025).
Mahalagang salik sa pag-unlad at pag-uugali ng isang bata ang kapaligirang kanyang kinalalakihan. Ayon kay John Locke, ang bawat isa ay isang “tabula rasa” o isang blangkong papel, na inuukitan ng mga letra noong kanilang kapanahunan. Ipinahihiwatig ng konseptong ito na ang karanasan at kapaligiran ay may mahalagang papel sa paghubog ng kaalaman at pag-unawa ng tao habang siya ay lumalaki. Kaugnay nito, binigyang-diin ng behaviorism ni John B. Watson ang mahalagang papel ng kapaligiran at mga panlabas na karanasan sa paghubog ng pag-uugali ng isang tao.
Kapag ang isang blangkong papel ay minarkahan, ginusot, at pinunit nang paulit-ulit, nakatitiyak na ang may-ari nito ay namumuhay nang kaaba-aba. Ganoon din ang isang bata. Sa bawat pananakit, pagpapabaya, at pagkakalantad sa hindi kanais-nais na pag-uugali, may mga karanasang maaaring mag-iwan ng bakas sa kaniyang pag-iisip at damdamin. Ang mga karanasang ito ay maaaring mag-iwan ng malalim na sugat sa kanilang pag-iisip at damdamin at makaapekto sa paraan ng kanilang pagtingin sa sarili, sa kapwa, at sa mundong kanilang ginagalawan.
Sa pagtalakay sa mga insidente sa Tacloban at Zamboanga, mahalagang suriin hindi lamang ang naging pagkilos ng mga batang sangkot kundi maging ang mga pangyayaring nakapaligid sa kanila. Kabilang dito ang antas ng paggabay, ang kapaligirang kanilang kinalakhan, at ang paraan ng pag-iingat sa mga kagamitang maaaring makapinsala. Gayunpaman, ang mga salik na ito ay hindi dapat ituring na tanging paliwanag sa naturang mga insidente. Hindi lamang ito usaping pagkakamali, kundi repleksyon din ng kapaligirang humuhubog sa kanilang pagkatao. Hindi lamang ito dapat tingnan bilang isang usapin ng pagkakamali ng mga indibidwal, kundi bilang pagkakataon upang suriin ang mas malawak na mga salik na maaaring nakaiimpluwensiya sa kanilang pagkilos.
Sapagkat sa huli, ang paghubog sa isang bata ay hindi lamang responsibilidad ng paaralan o ng lipunan, kundi isang pananagutang nagsisimula sa tahanan.