ARALIN BILANG 8
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Pagpapatotoo
TALIBUKAS:
Isa sa pinakadakilang tungkulin ng isang tunay na mananampalataya ay ang magbigay ng patotoo sa iba tungkol sa kaniyang pananampalataya.
Ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo sa atin na ang pantas ay humihikayat ng mga kaluluwa (Mga Kawikaan 11:30). Ang bawat isang tunay na Kristiano ay inaasahang magdadala ng mga kaluluwa sa paanan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagpapatotoo.
I. ANG MGA DAHILAN NG PAGPAPATOTOO
Anu-ano ang mga dahilan kung bakit tayo ay nararapat na magpatotoo sa mga tao tungkol sa ginawa ng Dios sa atin?
A. Ang bagay na ito ay iniutos ng Panginoong Hesus bilang huling habilin Niya bago umakyat sa langit (Mateo 28:18-20;
Mga Gawa 1:7, 8)
B. Ang kahalagahan ng kaluluwa ng tao.
Sa pamantayan ng Dios ang kaluluwa ng isang tao ay higit na mas mahalaga kaysa buong sanlibutan at mga kayamanan nito. (Markos 8:35-38)
C. Ang pagiging makatotohanan ng Impiyerno.
Ang Bagong Tipan ay mayroong 264 na kapitulo o kabanata. Sa loob nito ay binabanggit ang tungkol sa Impiyerno sa humigit kumulang na 234 na ulit. Ang Panginoong Hesus ay bumanggit ng higit na maraming beses tungkol sa paksang ito kaysa sa paksa ng langit. Sa Markos 9:42-50, tinukoy Niya na ang dakong ito ay isang dako ng pagdurusa.
Sa dahilang mayroong isang dako ng pagdurusa, tayo ay nararapat na gumawa upang maibahagi ang TANGING paraan ng pag-iwas sa lugar na ito.
D. Pagmamahal sa may kasambahay.
Kung mahal mo ang iyong mga kasambahay ay nararapat mong ibahagi sa kanila ang magandang balitang ito.
E. Gantimpalang naghihintay sa isang tunay na mananampalatayang matapat na naglilingkod sa Dios sa ganitong paraan.
F. Pansariling kasiyahan sa puso ng isang tunay na mananampalataya na hindi lamang niya mabibigyan ng kaluguran ang Dios sa pagsunod sa utos Niya kundi maiiwas niya ang isang tao sa pagkapahamak.
G. Ang katuwaan ng langit na ibubunga ng kaligtasan ng kaluluwa. (Lukas 15: 7, 10)
H. Ang paghihirap ng Panginoong Hesus sa krus.
Kung Siyang Dios ay naghirap sa krus at namatay para sa kaluluwa ng tao, tayo pa kayang mga anak Niya ang hindi magmalasakit?
II. MGA KATANGIAN NG ISANG MAGPAPATOTOO
A. Kinakailangang siya ay isang tunay na Kristiano o mananampalataya.
B. Kinakailangang siya ay nabubuhay ng isang malinis at maayos na pamumuhay.
Ang mga tao ng sanlibutan ay walang dahilang maniwala na sinumang hindi kinakikitaan ng pagbabagong buhay sapagkat walang bisa sa kaniyang buhay ang kaniyang itinuturo.
C. Siya ay may marubdob na pag-ibig sa mga kaluluwa.
D. Siya ay may sapat na kaalaman sa Biblia upang malaya at maayos niyang maibahagi ang katotohanang nangyayari sa kanya.
E. Siya ay dapat mapanalanginin at laging nanghihing na mabigyan ng pagkakataong maibahagi ang Salita ng Dios.
F. Ang kaniyang buhay ay suko sa Dios at siya ay handang sumunod sa ipinag-utos ng Panginoon.
Kung maramdaman niyang siya ay inuutusang magsalita, nararapat na siya ay handang lagi na gawin ito.
G. Siya ay nararapat na maging matiyaga.
Ang tao ay hindi nararapat piliting tumanggap kay Kristo. Maraming tao ang nagkunwaring tumanggap ngunit hindi naunawaang lubusan ang kanilang ginawang hakbang bunga ng sapilitang pagpapagawa sa kanila ng bagay na ito.
H. Siya ay dapat maging maunawain.
Ang pag-unawa sa damdamin at suliranin ng kapwa ay magdudulot ng higit na mabisang paraan ng pag-abot sa kalagayan ng taong nais nating madala sa Panginoon.
III. MGA PARAAN NG PAGPAPATOTOO
A. Mga dapat ihanda bago makipag-usap:
Maging malinis sa sariling katawan sapagkat ito ay isa sa mga magandang patotoo na ikaw ay tunay na binago na ni Kristo.
Maghanda ng "gospel tract" na ibibigay pagkatapos kausapin ang tao.
Maglagay ng palatandaan sa mga talatang gagamitin upang hindi malito sa paghahanap habang nakikipag- usap.
Ihanda ang sarili sa pamamagitan ng panalangin bago lumakad.
Kung may kasama, pagkasunduan muna kung sino ang taga-pagsalita upang maiwasan ang magulong pakikipag-usap. Kung magkaminsan, ang magkakasama pa ang nagtatalu-talo.
B. Mga dapat gawin habang nasa tahanan o lugar na patutunguhan:
Igalang ang tahanang patutunguhan, maging maliit o malaki, sa pamamagitan ng pagkatok ng marahan.
Magpakilala (kung hindi pa kilala) at sabihin ang kinaanibang kapilya.
Humanap ng pagkakataong mabuksan ang pakikipag-usap:
a. Humanap ng kapuri-puring bagay at pansinin iyon ng may pagpuri.
b. Humanap ng mga bagay na may kinalaman sa Dios at gawing daan sa pagpapatotoo. Huwag aatakihin o pipintasan ang napansing bagay o ang relihiyong kinaaaniban ng may-ari ng bahay.
c. Tandaang kayo ay panauhin at gamitin lamang ang mga nabanggit na bagay upang maging daan sa pagpapatotoo.
Maging magalang sa lahat ng oras. Gumamit ng "po" at opo".
Kung ang tao y mahirap pagpaliwanagan, laging maging matiyaga at huwag mawawalan ng tiwala sa Dios at sa sarili.
Laging tanganan ang Biblia at basahin ang talata mula roon. Kung maaari, ang taong kinakausap ang pabasahin.
C. Mga paraang maaaring gamitin:
Daan ng kapanganakang-muli (The New Birth Approach)
Mga hakbang sa paggamit nito:
a. Ipakita ang pangangailangan ng tao upang maligtas. Ang tanging kailangan ng tao ay ang ipanganak ng muli. (Juan 3:3)
b. Ipakita kung bakit kailangan ito. Ang taong makasalanan ay hindi maaaring mapunta sa langit sa pamamagitan ng kaniyang sarili sapagkat siya ay anak ng Diablo. (Juan 8:44)
c. Ipakitang sa kabila ng katotohanang ang tao ay anak ng Diablo, siya ay iniibig pa rin ng Dios.
Ang tao bagaman makasalanan ay inibig ng Dios kaya ipinadala Niya ang Kaniyang Bugtong na Anak. (Juan 3:16)
d. Ipakitang ang taong hindi pa ipinanganak na muli ay hinatulan na. (Juan 3:18)
Ang taong ito ay tiyak na tutungo sa lugar ng kaparusahan sapagkat siya ay hinatulan na at ang kaniyang tanging pag-asa ay ang alok ng Dios na siya ay ipinganak na muli.
e. Ipakita kung ano ang kahulugan ng kapangakang muli sa ganitong paraan:
i. Ang tao ay ipinanganak na likas na makasalanan (Mga Awit 51:5) kaya siya ay tinukoy na anak ng Diablo (Juan 8:44) at dahil dito, siya ay kasama ng Diablong dadalhin sa impiyerno (Mateo 25: 41).
ii. Ang tanging lunas sa kalagayang ito ay ang pagkalipat ng tao mula sa pamilya ng Diablo tungo sa pamilya ng Dios.
iii. Ipaliwanag na ang kapanganakang-muli ay ang kababalaghang gagawin ng Dios sa isang makasalanang tao (anak ng Diablo) upang siya ay magkaroon ng karapatang maging anak ng Dios at makatungo sa tahanan ng Dios. (I Hari 8:30)
f. Ipakita kung paano ipapanganak na muli ang isang tao.
Ipakita muna ang maling paraan.
i. Hindi sa pamamagitan ng binyag o bautismo maaring ipanganak na muli ang tao. Inihalimbawa ang magnanakaw sa krus na hindi nabautismuhan ngunit pinangakuang dadalhin sa paraiso. Sa kabilang dako si Hudas ay nabinyagan ngunit hindi na ligtas. (Efeso 2:8, 9; Tito 3:5)
ii. Hindi sa pamamagitan ng mabuting gawa maaaring magnanakaw sa krus ay hindi nakagawa ng mabuti ngunit naligtas. (Efeso 2:8, 9; Tito 3:5)
iii. Hindi sa pagiging kasapi ng Iglesia maaaring ipan ga nak na muli. (Mga Gawa 16:30, 31)
Ipakita ang tamang paraan.
Ang maliligtas ay iyong sasampalataya at tatanggap kay Kristo na Siya ay Anak ng Dios. (Juan 1:12)
i. Kinakailangan niyang tanggapin o kilalanin na siya ay makasalanan.
ii. Magpasiyang tanggihan at pagsisihan o talikuran ang kasalanan.
iii. Mataimtim na anyayahan niya ang Panginoong Hesus sa pamamagitan ng dalangin na pumasok sa kaniyang puso at buhay.
iv. Hilingin niyang linisin siya at gawing anak ng Dios.
v. Ipaalam sa kaniya na ang kaniyang ginagawa ay isang kasunduan o isang kontrata na dapat niyang sundin o ingatan. Ang kapanganakang-muli ay isang kasunduang higit pa sa pag-aasawa sa dahilang ito ay hindi lamang pang-habambuhay sa lupa kundi pangwalang-hanggan.
g. Ipakita na kung buong taimtim niyang ginawa ito at taos sa kaniyang puso, siya ay pinagkalooban na ng karapatang maging anak ng Dios. Siya ay hindi na patungong impeyerno sapagkat siya ay naipanganak ng muli.
i. Ipakita sa kaniya ang mga bagong kaugnayan at bagong tungkulin tulad ng panalangin, pagdalo sa pagsamba at iba pa.
ii. Daang ginagamit ang mga talata sa Aklat ng Mga Taga Roma: (Roman's Road)
Ipakitang ang tao ay makasalanan. (Roma 3:10, 23)
Ipakita ang kabayaran ng kasalanan. (Roma 6:23)
Ipakitang ang Dios ay nagnanasa na tayo ay bigyan ng buhay na walang hanggan. (Roma 6:23)
Ipakita ang tanging paraan. (Roma 10:9, 10)
iii. Maaari ring gamitin ang paraang sumusunod:
Kilalanin mo sa harapan ng Dios na ikaw ay makasalanan. (Roma 3:10, 23)
Pagsisihan mo ang lahat ng iyong kasalanan. (1 Juan 1:9; Mga Gawa 17:30)
Sa pamamagitan ng pananampalataya ay buksan mo ang pintuan ng iyong puso at anyayahan mo si Kristo Hesus na pumasok (Apocalipsis 3:20; Juan 1:12)
TALIWAKAS:
Kapag ang isang tao ay handa nang tumanggap sa Panginoon at handa ng ibigay ang kaniyang buhay sa Dios, siya ay maaari mong pangunahan sa isang dalangin ng pagsisisi at pagtanggap kay Kristo.
Higit na mabuti kung siya ay mananalangin ng nakaluhod ngunit maaari ring gawin ito sa ano mang puwestong hindi makakaabala sa kaniya.
Pagkatapos nito, kunin mo ang kaniyang pangalan at tirahan (kung hindi mo pa alam ito) at ipadalaw sa kapulungang malapit sa kaniya, isang kapulungang nagtuturo ng wasto at ayon sa Salita ng Dios.
Bigyan din siya ng babasahing makakatulong sa kaniya.