ARALIN BILANG 11
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Paghanap Ng Kalooban Ng Dios
TALIBUKAS:
Ang Dios ay may layunin sa bawat buhay. "... niyaong mga tinawag alinsunod sa Kaniyang nasa" ang wika sa Roma 8:28. Ninanais ng Dios na ipahayag Niya ang Kaniyang layunin at kalooban sa Kaniyang mga tinawag. May nagsabi na higit na interesado ang Panginoon sa pagpapahayag ng Kaniyang kalooban sa atin kaysa sa ating pagnanasa na malaman ito. Ngunit matitiyak natin na ang Panginoon ay maghahayag ng Kaniyang kalooban:
I. SA KANIYANG MGA HINIRANG
"... dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig." (Juan 10:27)
Maghahayag ng Kaniyang kalooban si Kristo sa mga Kristiano. Ang sinumang ipinanganak na muli ay tiyak na makakarinig ng Kaniyang tinig.
II. SA MGA KRISTIANONG DUMIRINIG NG KANIYANG TINIG
A. Ang Panginoon ay nangungusap sa atin ngayon sa pamamagitan ng Kaniyang Salita.
Kinakailangang tayo'y lumakad na malapit kay Hesus upang mapakinggan natin ang Kaniyang tinig at malaman ang Kaniyang kalooban. Narinig ni Apostol Juan ang Panginoon mula sa Krus sapagkat siya ay malapit sa Kaniya.
Kinailangan ang ating mga pandinig ay nakahanda sa bawat sasabihin Niya. Halimbawa, ang istasyon ng isang radio ay ating naririnig kung ito'y nakapihit dito. Kung ibig nating malaman ang Kaniyang kalooban sa bawat pangyayari sa ating buhay, kinakailangang lagi tayong handang makinig sa Kaniyang Salita.
Kinakailangan ang masusing pag-aaral upang marinig si Kristo. Lagi tayong nakikinig sa ating kinahihiligang pakinggan.
May dalawang batang lalaki na kapwa naglalakad sa lansangan. Ang isang bata'y mahilig sa pera kaya't nang makarinig ng isang kalansing ay dali-daling pumunta sa lugar ng kinabagsakan at kanyang nakita ang piso. lyong isa namang bata'y mahilig sa ganda ng kalikasan kaya't hindi niya narinig ang kalansing ng pera. Sa kabilang dako, ang batang ito'y nakarinig ng lagaslas ng tubig, ngunit ito naman ay hindi narinig ng unang bata. Ang dalawang batang ito'y narinig ang nais nilang marinig.
B. Ang Panginoon ay nakikipag-usap sa atin ngayon sa pamamagitang ng Kaniyang Espiritu. (Roma 8:14)
Ang Espiritu ang pumapatnubay sa ating paraang hindi laban sa Salita ng Dios.
C. Ang Panginoon ay pumapatnubay sa atin ngayon sa pamamagitan ng mga pangyayari.
Ang isang taong may ka-kayahang magsalita ng iba't-ibang wika ay pinangungunahan ng Panginoon at marami pang iba.
III. SA MGA KRISTIANONG HANDANG SUMUNOD
"...at sila'y sumusunod sa akin." (Juan 10:27)
Ang Panginoon ay nangungusap doon sa mga nakahandang sumunod sa Kaniya. Nakahanda ba tayong sumunod sa Kaniya? Nakahanda ba tayong sumunod kahit na ito ay humantong sa pagsasakripisyo? Kung tayo'y handa nang sumunod sa Kaniyang kalooban, ano man ang mangyari ay tiyak na malalaman natin ang kalooban ng Dios.
TALIWAKAS:
Tanging ang isang tunay na Kristiano ang may tiyak na layunin sa kaniyang buhay sapagkat may balak and Dios para sa kaniya.
Ang tunay na tagumpay ng isang tao ay ang pagkasumpong niya sa kalooban ng Dios at sa pagpatupad nito.