ARALIN BILANG 7
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Pagbibigay Sa Panginoon
TALIBUKAS:
Ang isang tunay na Kristiano ay nararapat na umibig sa Panginoong Hesus. Ang pag-ibig na ito ay sinusukat sa kaniyang pagsunod sa mga utos ng Dios.
Ang sabi ng Panginoon, "Kung ako'y inyong iniibig, sundin ninyo ang aking mga utos." (Juan 14:15)
Ang isang taong umiibig ay hindi makakaiwas na magbigay. Ang isang lalaking nagmamahal sa isang babae ay nagpapahayag ng kanyang damdamin sa pamamagitan ng pagkakaloob. Siya ay nagbibigay ng panahon, ng kanyang sarili at ng kanyang salapi.
ANG ISANG TAO AY MAARING MAGBIGAY NG HINDI UMIIBIG, NGUNIT ANG ISANG UMIIBIG AY HINDI MAAARING HINDI MAGBIGAY.
Samakatuwid, ang paksang ito ay isa sa mga batayan ng ating pag-ibig sa Dios. Kung tutuusin, ang pinakamabisang paraan ng pagkakamit mula sa Dios ng mga pagpapalang kailangan natin ay sa pamamagitan ng pagbibigay.
I. ANG PAMANTAYAN NG PAGBIBIGAY
A. Ang pagbibigay ng ikapu
Ang Biblia ay tahasang nagtuturo na ang ika-sampung bahagi ng lahat ng ating kinikita ay hindi atin sapagkat ito ay sa Dios (Malakias 3:7-10)
a. Sang-ayon sa Malakias 3:8, ang hindi pagbibigay ng ika-sampung bahagi ay katumbas ng pagnanakaw sa Dios sapagkat ito ay hindi atin.
Ito ay hindi ibinigay bilang isang bahagi ng kautusan. Ang patunay dito ay ang katotohanang bago pa magkaroon ng kautusan, ang pagbibigay ng ikapu ay tinutupad ng mga banal.
a. Si Abraham ay nauna sa kautusan ngunit siya ay nagbigay ng ikapu. (Hebreo 7:1-4)
b. Gayon din si Jacob; siya ay nagbigay ng ikapu sa Panginoon at sa pamamagitan nito, ang biyaya ng Dios ay dumaloy sa kanya.
Hindi rin maikakatuwiran na ang pag-iikapu ay hindi itinuturo sa Bagong Tipan sapagkat maging ang Panginoong Hesus ay nagsabi na ang pagbibigay nito ay nararapat. Tinambalan pa niya ito ng mga ibang katangian nararapat na maging kaugnay ng gawaing ito. (Mateo 23:23)
B. Ang pagbibigay ng kusang loob ("love offering").
Ang pagbibigay ng kusang loob ay hindi lamang pagbabahagi ng ating kinikita kundi pagkakaloob ng may katuwaan. Hindi ito dapat maging mabigat sa loob na paghahandog. (Il Corinto 9:5-8)
Ang pagbibigay ng kusang loob ay hindi nangangahulugang wawalaing kabuluhan na ang ikapu. Ang kusang loob na pagbibigay ay nararapat na manggaling sa ating mga salapi, samakatuwid ay sa maiiwan sa atin matapos bawasin ang ikapu.
ANG PAGBABALIK NG IKAPU SA DIOS AY HINDI PAGBIBIGAY KUNG TUTUUSIN. ITO AY PAGBABALIK LAMANG NG HINDI ATIN. TAYO AY KATIWALA LAMANG NG BAGAY NA ITO.
Ang pagbibigay (mula sa naiwan matapos alisin at ibalik sa Dios ang ikapu) na may katuwaan ay nakalulugod sa Dios. (II Corinto 9:7)
C. Ang pagkakaloob na may pagpapakasakit ("sacrificial offering").
Ipinakita ni Apostol Pablo ang pinakamataas na uri ng pagkakaloob, ang pagbibigay nang may pagpapakasakit. (II Corinto 8:2)
Ang uri ng pagkakaloob na ito ay hindi maaaring gawin ng sinoman hanggat hindi niya nagagawa ang dalawang nauna. Ito ang pagkakaloob sa gitna ng pangangailangan tulad ng balong pinuri ng Panginoong Hesus dahil sa pagbibigay nito ng higit.
II. ANO ANG NARARAPAT IBIGAY
Ang salitang pagbibigay laban sa maraming paniwala ay hindi lamang tumutukoy sa pagkakaloob ng salapi. Sa Banal na Kasulatan ay binabanggit na maraming nararapat ibigay ang isang tunay na Kristiano.
Kinakailang ibigay natin ang ating mga katawan bilang handog sa Panginoon. (Roma 12:1, 2)
Kinakailangan din naman tayong magbigay ng pasasalamat sa Dios sa laat ng mga bagay na tinatanggap natin mula sa Kaniya. (I Tesalonica 5:18)
Kinakailangang tayo ay magbigay sa Dios ng ating panahon.
Panahon sa pagbubulay-bulay. (I Timoteo 4:13)
Panahon sa pakikinig. (Hebreo 2:1)
Panahon sa pananalangin. (Mga Gawa 6:4)
4. Panahon sa pagdalo sa kapulungan. (Hebreo 10:25)
Panahon sa pagpapatotoo. (Mateo 28:18-20)
III. MGA GANTIMPALA SA PAGBIBIGAY
A. Ang pagbibigay ng ikapu ang siyang tanging paraan tungo sa maka-Dios na kasaganaang pamumuhay. Ang pangako ng Dios ay bubuksan Niya ang pinto ng langit at ibubuhos ang di-mabilang na mga pagpapala. (Malakias 3:10, 11)
B. Ito ay isang nakalulugod na bagay sa Dios. Samakatuwid, ito ay nagbibigay kasiyahan sa Dios. (Filipos 4:18; Roma 12:1, 2)
C. Sa pamamagitan ng pagbibigay, tayo ay nag-iimpok ng kayamanan
D. Tayo ay ituturing ng Dios na pinagpala. (Mga Gawa 20:35)
TALIWAKAS:
Ang lihim ng pagiging milyonaryo ni R.G. Letourneau, isang mananampalatayang mangangalakal ay ang kaniyang pagbibigay ng ikasampung bahagi ng kaniyang kinikita. At habang pinagpala siya ng Dios, siya ay nagpatuloy na nagbigay ng higit pa sa bahagi na hinihingi ng Dios sa kanya.
Kaya maraming Kristiano ang walang kasiyahan, masuliranin at hindi mabigyan ng pagpapala ng Dios ay sapagkat hindi sila mapagkatiwalaan ng Dios sa maliit na bahagi ng pagkakaloob.
Ang tinutukoy ni Apostol Pablo sa I Corinto 16:2 na pagkakaloob ng pantay-pantay ay tiyak na matutupad lamang sa pamantayan ng Dios. Hindi sa pamamagitan ng ikapu ay pantay-pantay batay sa dami ng kaloob. Ang pamantayan ng ikapu ay pantay-pantay batay sa porsiyento. Ang pagkakaloob ayon sa katuwaan ay pantay-patay ayon sa damdamin ng tao, at ang pagkakaloob naman ng may pagpapasakit ay pantay-pantay ayon sa kakayahan ng tao.