ARALIN BILANG 17
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
Faithful Witness Community Baptist Church of Binangonan Inc.
"Backsliding" O Pagtalikod
TALIBUKAS:
Kung minsan ay makikita natin ang isang masipag at matapat na miyembro ng isang kapulungang nangangaral ng Salita ng Dios na nanlalamig at hindi na makikita sa loob ng kapulungan pagkalipas ng ilang panahon. Bakit nagaganap ang mga bagay na ito? Ano ang kahulugan nito?
I. ANG KAHULUGAN NG "BACKSLIDING" O PAGTALIKOD
A. Ang salitang "backsliding" ay nangangahulugan ng pagtalikod ng puso sa Dios.
Ang isa sa mga halimbawa nito ay matatagpuan sa:
"At ang Panginoo'y nagalit kay Solomon dahil sa ang kaniyang puso ay humialay sa
Panginoon, sa Dios ng Israel na nagpakita sa kanyang makalawa." (I Hari 11:9)
B. Ito ay panlalamig ng pag-ibig sa Dios: (Apokalipsis 2:4)
Ang tanging maaaring mag-"backslide" ay iyong mga mananampalataya lamang-Ang mga hindi tunay na mananampalataya ay hindi maaaring mag- "backslide" sapagka't ginagawa lamang nila ang likas nilang ugali at ito ay hindi dapat pagtakhan. Kung minsan ay may mga taong nagkukunwaring tumanggap, nagpapabautismo at nagpapakita ng larawan ng pagbabago ngunit hindi nangangahulugang sila nga ay tunay na Kristiano.
Walang makakapagsabi kung ang isang taong tumaliwas ay tunay na ligtas o hindi. Ang tanging nakakaalam kaniyang puso ay ang Dios at ang kaniyang sarili. Subalit matitiyak natin na ang isang nag-"backslide" ay hindi magkakaroon ng kapayapaan at tiyak na siya'y manunumbalik.
II. ANG DAHILAN NG "BACKSLIDING" PAGTALIKOD:
Nais kong tiyakin sa inyo na walang "backsliding" na nangyari ng bigla. Ito ay isang banayad at paunti-unting paraan. Kaya nga bago natin mahalata sa panlabas na anyo ang pag-"babackslide", tiyak na ang puso ng "backslider" ay matagal nang malayo sa Dios.
A. Dahilan sa panloob:
1. Pagbaliwala at di pagsa-alang-alang ng kahinaan.
Halimbawa: Si Haring David.
Hindi niya isinaalang-alang ang kaniyang kahinaan kaya siya ay nagkasala. (II Samuel 11:1-27)
2. Kakulangan ng panalangin
Ang hindi pananalangin ay kasalanan sa Dios. (I Samuel 12:23)
3. Pagsuway o di pagsunod sa kalooban ng Dios. (I Samuel 15:11 ; Efeso 4:30)
Nararapat na huwag nating pighatiin ang Banal na Espiritu Santo.
4. Lihim na pag-ibig sa sanlibutan.
Si Demas ay tumalikod sa Dios sapagkat inibig niya ang sanlibutan. (2 Timoteo 4:10)
5. Kapalaluan.
Ang kapalaluan ang simula ng pagbagsak. (Kawikaan 16:18)
B. Panlabas na dahilan:
1. Pagkukulang sa pagdalo sa pagsamba.
"...huwag pabayaan ang ating pagkakatipon..." (Hebreo 10:25)
Ang isang Kristiano ay dapat na kasamang sumasamba ng kaniyang kapwa Kristiano. Sa ganitong paraan ay lalakas ang kaniyang loob na makipagbaka sa sanlibutan.
2. Pag-ibig sa salapi at mga bagay sa daigdig na ito. (Josue 7:1-24; I Timoteo 6:10)
Ang magkaroon ng kayamanan, maging ito ay salapi, lupa, tahanan, at iba pa ay hindi masama. Ang masama ay pakaibigin natin ito ng higit sa pag-ibig natin sa Dios at sa Kaniyang gawain. Ito ay nangyari kay Achan.
3. Pakikipag-ugnay o "compromise"
Si Lot ay nakipag-inuman at gumawa ng hindi dapat sa harapan ng Dios.
4. Pagpapabaya sa pagbasa ng Biblia.
Tayo ay pinaaalalahanan na mag-aral ng Salita ng Dios upang maging karapat-dapat sa harapan ng Dios. (II Timoteo 2:15)
5. Pagpapabaya na magbigay ng patotoo sa ginawa ng Dios sa inyo.
Tayo ay pinaaalalahanan na ang sinumang magmamakahiya sa Panginoon sa harap ng tao ay ipagmamakahiya din naman Niya sa harap ng Dios Ama. (Mateo 10:33)
6. Hindi pagsisisi ng kasalanan.
Kapag nalaman ng isang tao na siya ay nagkasala sa Panginoon ay nararapat niyang pagsisihan ito kaagad.
III. MGA DAPAT ISALOOB NG ISANG "BACKSLIDER"
A. Ang bunga ng "backsliding"
Kung anuman ang itinanim, ito rin ang aanihin. Ito ay maliwanag na tinukoy ng mga talatang nabanggit sa: (Job 4:8; Galacia 6:7, 8)
Ang panlalamig ng mananampalataya ay nagbubunga ng hindi mabuti.
1. Ito ay nag-bubunga ng pagkapariwara ng pamilya (Genesis 19:1-38)
a. Ang asawa ni Lot ay napahamak.
Ito ay naging haliging asin. (Genesis 19:26)
b. Ang kaniyang anak ay napariwara rin. (Genesis 19:33-38)
2. Pagkawala ng kapayapaan, katuwaan at kasiyahan. Si Haring David, matapos magkasala ay sinulat niya ang Mga Awit 51:1-19
3. Pagkawala ng gantimpala. (1 Corinto 3:15)
Ang bawat mananampalataya ay may mga tatanggaping gantimpala.
Ang pagtalikod ay nagbubunga ng pagkawala nito. Napakalaking kahihiyan kung talos nating alam ng Dios ang lahat ng ating mga ginagawa.
4. Pagpalo ng Dios. (Hebreo 12:6, 7)
Ang mga tunay na anak ay pinapalo.
a. Sa pamamagitan ng paghipo sa mga ari-arian.
b. Sa pamamagitan ng karamdaman.
c. Sa pamamagitan ng kamatayan.
B. Ang pangako sa "backslider":
1. Ang pinto ay bukas sa kaniyang pagbabalik. (Jeremias 3:22)
Halimbawa: Ang alibughang anak
2. Ang Dios ay handang magpatawad.
Ang Dios ay handang magpatawad anumang oras na tayo ay bumalik sa Kaniya. (Oseas 14:4)
TALIWAKAS:
Ang isa sa pinakamahirap tanggapin ng tao ay ang kaniyang pagkukulang at pagkakamali. Ngunit ang tao ay makasusumpong ng pag-asa sa kaniyang panlulupaypay, ang tao ay nararapat na magbalik sa Dios, magpuri at maglingkod ng buong puso.