Sa katapusan ng aralin, ang bawat mag-aaral ay inaasahang:
a. Nasusuri ang kaugnayan ng pisikal na heograpiya sa pagbuo at pag-unlad ng kultura ng mga unang tao.
b. Nailalahad ang mga yugto ng pag-unlad ng kultura mula Paleolitiko hanggang Neolitiko.
c. Napahahalagahan ang proseso ng Neolithic at Urban Revolution sa pagbuo at pag-unlad ng kultura ng mga unang tao.
Sa araling ito ay pagtutuonan natin ng pansin ang pamumuhay at kultura ng mga unang tao. Pag-aaralan din natin kung paano sila nakikiangkop sa kanilang kapaligiran na siya ding nagdulot ng pag-unlad ng kanilang pamumuhay.
Tingnan ang mga larawan sa ibaba batay iba't ibang sinaunang panahon at sagutin ang mga sumusunod na katanungan.
1. Ano ang iyong napansin sa mga larawan?
2. Ano ang pinagkaiba ng mga nasa larawan base sa uri ng pamumuhay?
Ngayong natukoy mo na ang pagkakaiba ng pamumuhay sa iba’t ibang panahon, sa araling ito ay tatalakayin natin kung paano umunlad at nagbago ang kultura ng mga sinaunang tao. Tatalakayin din natin kung paano nakaimpluwensiya ang pisikal na heograpiya sa pagbuo at pag-unlad ng kanilang kultura.
Ang ebolusyong kultural ay tumutukoy sa proseso ng pag-unlad sa paraan ng pamumuhay ng mga unang tao dulot sa pakikiayon sa mga pagbabagong nagaganap sa kanilang kapaligiran. Maaaring masalamin ang mga pagbabagong ito sa pananamit, kagamitang ginagamit at uri ng pamumuhay.
Ang ebolusyong kultural ay karaniwang nahahati sa dalawang malalawak na kultura- ang Panahong Paleolitiko (Panahon ng Lumang Bato) at Panahong Neolitiko (Panahon ng Bagong Bato). Samantala, may iilang bansa sa Asya na sinasabing dumaan sa Panahong Mesolitiko, o transisyonal na panahon pagitan ng Panahong Paleolitiko at Panahong Neolitiko.
Ang panahong Paleolitiko o ang Lumang Bato (Old Stone Age) ay ang pinakamaagang panahon ng pag-unlad ng tao. Nagmula ang salitang “paleolitiko” sa katagang Greek na palaois o “matanda/luma” at lithos “bato.”
Sinasabing dito nagsimula ang pagamit ng mga kasangkapang bato ng mga hominid. Sa panahong ito, nagkaroon ng pagbabagong pisikal at anyo ang tao mula sa pagiging isang malabakulaw na nilalang hanggang sa pagiging Homo Sapiens. Ang pinakamaagang hominid, na mas kilala bilang mga mga Australopithecine, ay hindi pa lumilikha ng mga kasangkapan.
Ang mga Homo Habilis ay mas mukhang tao kung ihahambing sa mga mas nauna sa kanila. Sila ay gumagamit ng mga kasangkapang Olduvan o kagamitang bato na maliliit at magaspang. Sinundan ang Homo Habilis ng mga Homo Erectus. Nagpamalas ang mga ito ng angking kakayahan sa paggawa ng mg kagamitang bata. Sila rin ang ipinapalagay na unang gumamit ng apoy at nangaso.
Paraan ng Pamumuhay
Lubusang umasa sa kanilang kapaligiran ang mga unang tao noong Panahong Paleolitiko. Pangangaso at pangangalap ang pangunahing kabuhayan ng mga tao nang mga panahong ito. Bumuo ng tribo ang mga unang tao. Mga kalalakihan ang inatasang mangaso at maging pinuno ng tribo samantalang ang mga kababaihan ang nangangalap ng pagkain at kumakalinga sa kanilang mga anak. Ang pinuno ng tribo ang siyang inatasang humarap sa mga pagsubok mula sa tribo at panganib na mula sa kapaligiran. Sila rin ang nagpanatili ng kaayusan sa lipunan sa pamamagitan ng pangangasiwa ng distribusyon ng mga imbak na pagkain. Lagalag, o walang permanenteng tahanan ang mga unang tao. Kadalasan, sumisilong lamang sila sa mga yungib o kuweba tuwing sasapit ang gabi, tuwing umuulan at sa panahon ng taglamig.
Nagsilbing isang transisyon ng panahon sa kulturang neolitiko. Nagsimula ang pagtunaw ng glacier umusbong ang mga kagubatan, mga ilog at dagat. Nanirahan ang mga ito sa mga pangpang at nadagdagan ang pinagkukunan ng mga pagkain. Nagsimula nang matunaw ang makakapal na yelo sa pagtatapos ng panahong Pleistocene kaya’t lalong lumawak ang mga lupang maaaring panahan ng mga tao. Bagama’t nananatiling bato ang mga kasangkapang gamit ng mga tao noong panahong mesolitiko lumiit naman ang mga ito at naging mas pino.
Ang panahong Neolitiko o ang Panahon ng Bagong Bato (New Stone Age) ay ang pinakahuli sa panahon ng pag-unlad ng tao. Ito ay hango sa salitang Griyego na naois “bago” at lithos “bato.” Ito ay ginagamit sa arkeolohiya at antropolohiya upang italaga ang isang antas ng ebolusyong pangkalinangan o pagbabago sa pamumuhay at teknolohiya.
Ang pangunahing tanda na ang isang lipunan ay dumating na sa Panahong Neolitiko ay ang pagkakaroon ng agrikultura at pagkaalam ng pagpapaamo sa mga hayop. Gumamit na rin sila ng makinis na uri ng bato tulad ng jade upang gumawa ng iba’t ibang uri ng armas at kasangkapan. Sa panahon rin ng neolitiko, natutunan ng mga tao ang pagtatanim at paglinang ng lupa na tinatawag na agrikultura. Bunsod ng pagtaas ng populasyon, umigting ang matinding kompetisyon sa limitadong pinagkukunan ng mga pagkain na siyang naging dahilan ng pag-usbong ng dalawang pagbabago at ang isa riot ay tinawag na Neolithic Revolution.
Ang Neolithic Revolution Mula sa pangangaso at pangangalap, ang pagsasaka at pagpapaamo ng mga hayop ay naging tanda na hindi maaaring lubusang umasa sa kapaligiran. Ito ang nagbigay daan upang matutong magsaka at mag-alaga ng mga hayop ang mga tao na sa kinalaunan ay tinawag na Neolithic Revolution. Nagsimula silang magsaka sa pamamagitan ng pagkakaingin o pagsusunog ng baka bakanteng lupain sa kagubatan upang pagtaniman ng mga halaman. Natutunan din nilang mag-alaga ng mga hayop tulad ng baka, tupa, manok at baboy. Ito ang napagkukunan nila ng iba pang produkto tulad ng gatas, itlog at karne.
Bunsod sa pagbabagong naganap sa kabuhayan ng tao natuto na silang magtayo ng permanenteng tirahan na tinawag na Urban Revolution. Dahil sa seguridad sa pagkain, hindi na nagpalipat-lipat ng tirahan ang mga tao upang mapangalagaan at maprotektahan ang kanilang mga pananim at mga alagang hayop. Sa madaling salita, mahalagang matutunan natin Ang Mga Unang Tao sa Daigdig at mga pagbabagong naganap simula nito hanggang sa kasalukuyan sapagkat sa ganitong paraan nalalaman natin kung saan nagmula ang mga tradisyon at kulturang ating ginagawa at pinapamalas ng bawat isa sa kasalukuyan. Mahalaga din na malaman natin ang mga bagay-bagay na ito upang mas matututunan nating mapahalagahan ang mga bagay na meron tayo ngayon.
Checkpoint 1.
Sagutan ang gawain sa inyong libro pahina 36 (C. Pagsagot sa Tsart)
Checkpoint 2
1. Paano nakatulong ang proseso ng Neolithic at Urban Revolution sa pagbabago at pag-unlad ng pamumuhay ng mga sinaunang tao?
2. Paano nakatulong ang pisikal na heograpiya sa mga sinaunang tao tungo sa pagbabago at pag-unlad ng kanilang kultura?
Panoorin ang video sa ibaba na nanggaling sa Youtube channel ni Ser Ian's Class.
I-click ang link para sa inyong unang paglalapat: Paglalapat 2