Ang Hunyo ay itinalaga bilang “Pride Month” sa maraming bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas. Sa buwan na ito ipinagdiriwang ang mga tagumpay na nakamit sa pagsusulong ng LGBTQIA+ visibility. Ginagamit din ang okasyon na ito upang patuloy na ipaglaban ang pantay na hustisya at pantay na pagkakataon para sa mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer, intersex, asexual — o sinumang tao, anuman ang kaniyang kasarian at sexual orientation.
Nitong mga nakaraang araw ay lalong lumakas ang panawagang maipasa ang panukalang naglalayong ipagbawal ang diskriminasyon sa batayan ng sexual orientation, gender identity at gender expression o ang SOGIE Equality Bill, hindi lamang dahil sa Pride Month ngunit dahil sa insidente ng diskriminasyong naranasan kamakailan ni Sass Sasot.
Inimbitahan si Sass na maging guest speaker sa isang graduation ceremony ng isang high school sa Cavite. Nagsasalita na siya sa entablado nang biglang pinatayan siya ng mikropono at ilaw. Hindi daw gusto ng grupo ng simbahan na may-ari ng lugar na may miyembro ng LGBTQIA+ community na nagsasalita sa kanilang entablado.
Sa pagtakbo ng oras mula sa nakaraan, mas lumalim ang ating pang-unawa at pagtanggap sa iba't ibang aspeto ng lipunan, kasama na ang komunidad ng LGBTQIA +. Ang komunidad na ito ay nagiging bahagi ng ating buhay, nagbibigay-kulay sa ating kultura, at nagtataglay ng ibat ibang kwento ng pagsubok, pagmamahal, at tagumpay na tiyak na kapupulutan ng aral ng henerasyon sa kasalukuyan.
Ang pagiging iba mula sa karamihan ay hindi isang sakit na pinandidirihan at iniiwasan bagkus isa itong pribelehiyo mula sa sariling pagkatao, Sa pagsapit ng aking edad na labing-walong maraming bagay ang aking napagtanto mula sa simpleng mga bagay hanggang sa pinakamahirap na desisyon at sa mga karanasang aking pinagdaan nakilala ko ang tunay na ako na kabahagi ng isang makulay na bahaghari. Nagmula sa pagtanggi sa pagiging halata at pag arte sa pagiging matigas sa tuwing nakikita ni itay at inay hanggang sa gabi gabing patago habang naiyak dulot ng latay ni Itay dahil lamang hindi tanggap ang aking identidad, Mahirap ang pagiging iba sapagkat hindi sigurado ang simpatya mula sa pananaw ng ibang tao dulot ng diskriminasyon at panlalait na parang isang baril na kumasa mula sa kanilang mga bunganga.
Sa kabila ng mga hamon na aking hinaharap, pipiliing magpatuloy upang makarating sa destinasyon at makamit ang karapatan at tunay na pagkilala. Ang pagiging miyembro ng komunidad ng mga LGBTQIA+ ay hindi lamang isang paksa na nababasa mula sa mga pahina ng dyaryo isa itong mahalagang bahagi ng aking buhay na may kwentong may kwenta at pagiging tapat sa aking sariling pagkakakilanlan at pagtatanggol sa nakakubling pangarap.
Sa gitna ng mga pag-aalsa at patuloy na pagbabago, nasilayan ko ang kahalagahan ng pagsuporta at pag-unawa sa bawat isa. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng boses upang makibaka sa kung ano ang tama at nararapat, sa bawat kasuluk -sulukan ng mga damdamin nakatago ang makulay na buhay at nawa magawang yakapin ang totoong sarili at ipaglaban ang karapatan na maging maligaya at makamit ang makataranungan lipunan para sa lahat.
Ang bawat kulay ng Bahaghari ay isang daan tungo sa pinanday na kalayaan. Sa kabila ng mga pagkukulang at kahinaan sa likod nito ang panawagan na may kanya-kanyang espesyal na bahagi ang mga LGBTQIA + sa paglikha ng mas makulay na mundo.