Lipas na ang panahon, ngunit hindi ang isang tanyag na bilin ni Gat Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, na “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan.” Palatandaan ito na ang isang nilalang ay hindi dapat makalimot, lalo’t higit sa kanyang kasaysayan, upang makatamo ng isang matingkad na kinabukasan. Ito ang itinataguyod ng taumbayan ngayon.
Sa muling pag-upo ng isang Marcos, maraming sibilyan, kalakha’y kabataan, ang nangasiwa sa pagkakaroon ng digital archiving na may layuning kolektahin, preserbahin at sagipin ang mga dokumento, anekdota, o lathalaing makasaysayan partikular na ang mga likhang nailimbag noong yugto ng Batas Militar at labanan ang pananalakay ng sistematikong mis- at disimpormasyon.
Bisperas ng Halalan 2022 nang unang lumitaw ang mga Google Drive link mula sa Demokrasya PH na naglalaman ng arkibo ng ilang ebidensya, hatol ng iba’t ibang Korte Suprema, at mga kopya ng librong tungkol sa Martial Law at pamilyang Marcos. Gumulong ang pagkalat ng mga link na ito sa kasuluk-sulukan ng social media, na mayroong kaakibat na pangungumbinsi sa taumbayan kung bakit pigilan ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan at kung bakit hindi na dapat pang maulit ang malagim na bahaging ito ng ating kasaysayan.
Maaalalang humigit-kumulang 10 bilyong dolyar ang halaga ng binulsang buwis ng mga Marcos sa 20-taong panunungkulan nito at ayon sa Amnesty International, hindi bababa sa 100,000 katao ang nakaranas ng human rights violations (HRVs) tulad ng iligal na pagkakakulong, tortyur, pamamaslang, at iba pang porma ng pagpuputol sa boses ng pagtutol noong kasagsagan ng Batas Militar.
Magmula nang bumalik ang pamilyang Marcos noong 1992 matapos ang kanilang pagtakas sa Pilipinas noong 1986 hanggang sa kasalukuyan, walang hiningi na kapatawaran, ni hindi inamin ng pamilya ang mga atraso nito sa mga Pilipino. Labis ang paghuhugas-kamay ng pamilya, partikular na ng unico hijo nitong si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa usapin ng mga pang-aabusong naganap noong Martial Law. Lumalaganap ang mga pekeng datos hinggil sa kalidad ng buhay noon at sari-saring black propaganda mula sa mga Marcos na matagal nang hinahambalos ang mga pahayagan, aklat, at kokote.
Talamak ngayon ang mga maling balita at pambabaluktot sa kasaysayan mula sa mga online platforms tulad ng Facebook, Youtube, at Tiktok magpahanggang sa lansangan. Ibinunyag ng Tsek.ph, isang fact-checking organization, na 92% ng mga kumakalat na disimpormasyon noong panahon ng kampanya para sa Halalan 2022 ay pumapabor kay Bongbong Marcos. Halimbawa nito ang mga kasinungalingan patungkol sa ekonomiya noon na tinagurian umamong “Golden Age” sa kabila ng mga datos ng pagtaas ng bilang ng umemployment at inflation rate noong panahon ng diktador.
Kaugnay pa rito, isang pag-aaral nina Dr. Jason Cabañes at Dr. Jonathan Corpus Ong ng University of Massachusetts Amherst (UMass) ang nagpapakita sa pagkakasangkot ng Marcos clan bilang “mga arkitekto ng disimpormasyon,” na pawang plano ng pamilya upang “ibalik ang kapangyarihang pampulitika” sa kanilang dinastiya. Makikita ang pagtitiyaga ng pamilyang Marcos na idaan sa santong-paspasan ang pagpapasakamay sa Malacañang sa pamamagitan ng lantarang pagpapalunok ng mga kabalintunaan at huwad na kasaysayan upang bilugin ang ulo ng taumbayan at kalauna’y malimutan ang pagmamalabis ng pamilya.
Kung gayon, kumbinsido ang Project Gunita, isang online Martial Law files archive, na “maaaring mapigilan ng isang aklat o publikasyon mula noong Marcos era ang disimpormasyon,” ani Karl Patrick Suyat, co-founder ng online archive.
Para sa Project Gunita, primaryang nabuo ang kanilang inisyatiba mula sa pangambang “burahin” ng paparating na rehimen ni Marcos Jr. ang mga tala noong Batas Militar. May batayan ang pangambang ito sapagkat nakatatak na sa pangalan ng mga Marcos ang pagmamalupit at pagbabawal sa mga kritikal at “mapanghimagsik” na materyal laban sa gobyerno.
Labis din ang pangre-red-tag (pagbabansag sa mga personalidad at/o institusyon bilang subersibo o komunista) ng pamahalaan sa mga silid-aklatan, awtor, at librong may kinalaman sa totoong kaganapan noong Martial Law. Kabilang sa mga biktima ng red-tagging ay si National Artist for Literature Bienvenido Lumbera, ang Adarna House, Inc. na kilalang naglilimbag ng mga librong pambata hinggil sa Batas Militar, ang La Solidaridad Bookshop na pagmamay-ari ni F. Sionil Jose na isa ring pambansang alagad ng sining, at marami pang iba. Tila maaaninag na si Joseph McCarthy sa anino ni Bongbong Marcos dahil sa pagsisikap nitong puntiryahin ang mga literatura at burahin ang ating kasaysayan.