LOS BAÑOS, LAGUNA – matagumpay na nagpapatuloy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 4A (BFAR 4A) sa pangunguna ng Regional Fisheries Training and Fisherfolk Coordination Division at Fisheries Production and Support Services Division (FPSSD) sa kanilang mandato na linangin at ibahagi ang kaalaman at kasanayan sa Freshwater Aquaculture partikular na ang patungkol sa mga makabagong teknolohiya ng pagpisa at pagpaparami ng mga itlog ng tilapia at fry sa mga lokal na Fisheries Extension Officers, pribadong fish farm owners, at maging mga mag-aaral sa rehiyon.
Nito lamang nakaraang Biyernes, Enero 19, 2024, dalawampu't tatlong mag-aaral ng Bachelor in Technical-Vocational Teacher Education - Agri Fishery Arts at BS Entrepreneurship – Agri-Business mula sa Westbridge Institute of Technology Inc.– Cabuyao ang pinaunlakan ng BFAR 4A para sa isang site visit upang turuan ng pangunahing kasanayan sa Freshwater Aquaculture. Pinangunahan ni G. Leo Carandang ng FPSSD ang aktibidad kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na mainspeksyon ang Hatchery Facility ng kagawaran para sa ulang (shrimp) at tilapia kung saan tinuruan din sila ng pangunahing kaalaman sa pagpaparami ng tilapia gamit ang Intensive Hatchery.
Taong 2019 nang pasimulan ng BFAR 4A ang implementasyon at operasyon ng kanilang Tilapia Intensive Hatchery bilang bahagi ng Tilapia Commodity Program kasama ang Departamento ng Agrikultura o DA na naglalayong gumamit ng mga makabago ngunit abot-kayang teknolohiya sa pagpaparami at pagculture ng mga tilapia.
Kaiba sa tradisyunal na pagculture ng tilapia kung saan hinihintay munang mapisa at maging tilapia fry ang mga itlog bago kuhanin, kaagad nang hinaharvest mula sa bibig ng tilapia ang mga itlog saka inilalagak sa isang hatching jar upang doon hintaying mapisa ang mga itlog at maiwasan ang kanibalismo sa pagitan ng mga tilapia fry. (Larawan mula sa BFAR 4A Facebook Page)
Ayon kay Carandang, matagumpay ang implementasyon at operasyon ng Tilapia Intensive Hatchery sa Laguna sapagkat mula sa dalawa hanggang tatlong milyong (2,000,000 - 3,000,000) itlog ng tilapia na target nila noon kada taon gamit ang tradisyunal na pamamaraan ng pagpaparami, umaabot na sa limang milyong semilya (5,000,000) ng tilapia ang nakukuha nila hanggang nitong nakaraang taon at plano pang pataasin sa anim na milyon (6,000,000) ngayong taon.
Ani pa G. Carandang, mas mainam daw ang paggamit ng intensive hatchery technology sa mga tilapia sapagkat “…marami kaming napoproduce kasi egg pa lamang ng tilapia kinocollect na namin yan [ mula sa bibig ng babaeng tilapia] then ipiniplace namin into [hatching] jar then dun na hinahatch. Yung ordinary or yung traditional huhulihin lamang [ay] mga fry. Fry na, kaso nagkakaroon doon ng cannibalism [habang nasa loob pa ng bibig ng babaeng tilapia] kaya yung dami ng fry [na nakukuha] medyo umoonti kasi nagkakaroon ng cannibalism.”
Dahil sa tagumpay ng intensive hatchery technology na magparami ng mga tilapia fry, malaking tulong ang naidudulot nito sa sektor ng agrikultura at pangingisda sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng sustinableng pamamaraan sa pagpaparami ng supply ng mga tilapia maging sa mga seeding operations ng BFAR 4A kung saan naglalagay ng mga tilapia fingerlings sa mga ilog at lawa bilang bahagi ng kanilang Balik Sigla sa Ilog at Lawa (BaSiL) program.
Bukod pa rito, libre ring namimigay ng mga tilapia fingerlings mula sa pasilidad ang BFAR 4A at nagsasagawa ng mga libreng pagsasanay at workshop upang mas maparami pa ang mga may kasanayan sa paggamit ng teknolohiya sa rehiyon.
Sa mga nagnanais humingi ng suportang teknikal upang magpasimula ng kanilang sariling tilapia intensive hatchery o interesadong humingi ng mga libreng fingerlings mula sa kanilang tanggapan, maaaring magpadala ng liham sa tanggapan ng kanilang Regional Director Sammy A. Malvas o magtungo sa kanilang opisina sa Brgy. Bambang, sa bayan ng Los Baños.