Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni OIC-Regional Director Jenivie Diaz-Aguallo ang mahalagang papel ng mga OFC Leaders sa patuloy na pagpapalawak ng serbisyo ng OWWA.
"Padami nang padami ang mga OFWs at kanilang mga pamilya na nangangailangan ng agarang tulong. Kaya mahalagang mas mapalalim pa ang inyong kaalaman tungkol sa OWWA at higit pang mapaigting ang inyong mga inisyatibo sa pagbibigay ng serbisyong may puso," saad ni RD Aguallo.
"Hindi na natin afford na magsayang ng kahit isang araw na hindi tayo nakapagbibigay ng agarang aksyon at dekalidad na serbisyo," dagdag pa niya.
Naging tampok sa programa ang talakayan ukol sa Civil Society Organization (CSO) Accreditation and Registration, na pinangunahan ni Mr. Ramon E. Mendizabal, CDS II ng Cooperative Development Authority (CDA) Sorsogon.
Ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagiging isang duly recognized organization at ang mga benepisyong kaakibat nito sa pagpapalakas ng mga samahan.
Samantala, pinangunahan naman ni Ms. Kay Villamor, OWWO III, ang sesyon tungkol sa "Empowering OFW Family Circles as Civil Society Organizations," kung saan naging aktibo ang mga kalahok sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan, saloobin, katanungan, at mga mungkahi bilang mga organisadong grupo ng mga OFWs.
Mas lalo namang nahubog ang pagkakaisa, pagtutulungan, at leadership skills ng mga OFC Leaders sa pamamagitan ng iba't ibang Team Building Activities. Nagbigay rin ng kulay at kasiyahan sa programa ang Socials kung saan ipinamalas ng ating mga OFC Leaders ang kanilang talento at magandang pagsasamahan habang suot ang kani-kanilang makukulay na Tropical/Hawaiian attire.
Bilang bahagi ng adbokasiya ng OWWA sa pangangalaga ng kalusugan, nagsagawa rin ng Zumba Wellness Dance Hataw sa pangalawang araw ng pagsasanay, upang masiguro na nananatiling aktibo, masigla, at physically fit ang mga kalahok bago ang pagtatapos ng programa.
Pinangunahan din ni RD Aguallo ang mahalagang talakayan hinggil sa election ng OFC Officers, kung saan napagkasunduan ng mga lider ang mga pangkalahatang kwalipikasyon, guidelines at alituntunin sa pagpili ng mga opisyal ng OFC upang higit na mapatatag ang organisasyon sa rehiyon.
Sa kabuuan, naging makabuluhan ang isinagawang FORA cum Capability Building Training na hindi lamang nagbigay ng bagong kaalaman at kasanayan sa mga OFC Leaders, kundi lalo ring nagpatibay sa kanilang mahalagang tungkulin bilang katuwang ng OWWA sa paghahatid ng maagap, episyente, at serbisyong may malasakit para sa bawat OFW at kanilang pamilya.
For downloadable photos, click this link: https://drive.google.com/drive/folders/1cWj3-_LFyBAeC8jTkJUiWQAJqKjYOlsa?usp=sharing