ANG MUNTING KAHARIAN NG ISLA SIBUYAN
Sa pagitan ng pag-iral at banta ng pagkawala
ANG MUNTING KAHARIAN NG ISLA SIBUYAN
Sa pagitan ng pag-iral at banta ng pagkawala
The Link, Agosto 25, 2026
ni Ambrosius L. Wono
Sa kailaliman ng gabi sa kagubatan ng Sibuyan, may dalawang matang kumikinang na parang ginto, at tahimik na nagmamasid mula sa mataas na sanga ng punong kahoy. Samantala, sa kabundukang madalas balutin ng hamog at ulap, may mga makukulay na basong nag-aabang sa lupa ng kanilang susunod na huli.
Hindi sila mga alamat, ni mahiwagang mga nilalang. Sila ang mga totoong nagmamay-ari ng tinaguriang Galapagos ng Asya—ang Romblon boobook (Ninox rombloni) at ang Sibuyan pitcher plant (Nepenthes sibuyanensis). Dalawang pambihirang likha na sa islang ito lamang sa buong mundo matatagpuan, ngunit ngayon ay tahimik na nakikipaglaban para sa kanilang kaligtasan.
Sa unang tingin, agad mapapansin ang kakaibang mukha ng Romblon boobook. Hindi gaya ng mga karaniwang kuwago na kilala sa kanilang mga ear tufts, ang kuwagong ito ay may malinis at pabilog na hubog ng ulo na pinaliligiran ng mahahabang balahibo sa mukha. Kakaiba rin ang kanilang mga mata, na kung pagmamasdan ay tila kumikinang na ginto.
Bilang isang nocturnal o aktibong hayop sa gabi, ginagamit nito ang dilim upang maghanap ng makakain gaya ng mga maliliit na insekto, daga, butiki, at palaka. Ngunit, sa kabila ng pangahas na uri ng pamumuhay, hindi nila kayang takasan ang pinakamalaking banta sa kanilang tahanan.
Batay sa International Union for Conversation of Nature (IUCN) Red List, ang Romblon boobook ay itinuturing nang endangered. Samakatuwid, unti-unti nang nababawasan ang bilang nila sa kagubatan ng Sibuyan. Sa kasalukuyan, tinatayang mas mababa na sa 250 ang kabuuang populasyon nito. Ang patuloy na pagtotroso, pagsasaka sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga talahiban o pagkakaingin, at ang banta ng pagmimina ang siyang mga dahilan kung bakit sa paglipas ng panahon, ay tila unti-unting inihahawla ang kanilang uri sa sarili nilang tahanan. Bagamat protektadong lugar ang Mount Guiting-Guiting, nananatili pa ring banta ang pagtotroso na mga lokal mismo ang gumagawa. Higit sa lahat, wala pa ring tiyak at konkretong plano ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang maligtas sa tuluyang pagkalipol ang mga kuwagong ito.
Kung sa mga sanga ng puno at papawirin naghahari ang kuwago, sa matataas na bahagi naman ng Mount Guiting-Guiting at Mount Mayo nagkukubli ang kamangha-manghang Sibuyan Pitcher Plant (Nepenthes sibuyanensis.) Ngunit, huwag kang magpapabulag sa matingkad nitong mga kulay at kagila-gilalas na hugis, dahil isa itong patibong na tahimik na nag-aabang ng kanyang susunod na biktima.
Ang mga dahon nitong pinaghalong dilaw at berde ang kulay ay natatangi dahil sa mahahabang tendrils sa dulo nito—na umaabot nang hanggang isang metro ang haba. Dahil sa haba ng mga dahong ito, ang mga nabubuong hugis-basong patibong o bitag (pitchers) ay direktang umuusbong mula sa lupa o nakasabit sa mas maliliit na halaman.
Sa ganitong paraan, madali itong nakapagmamasid sa kanyang paligid—agad nitong binibitag ang mga insektong gumagapang upang kumuha ng sapat na sustansyang hindi kayang ibigay ng lupang kanyang kinatatayuan. Dahil liblib at mahirap marating ang kanilang kinalalagyan, ilang ulit pa lamang ito nasusuri ng mga dalubhasa sa Sibuyan.
Gawa ng limitado pa lamang ang kaalaman at mga hakbang upang maprotektahan ito, ang Nepenthes sibuyanensis ay nakatala bilang vulnerable sa IUCN Red List. Bagamat maraming banta sa bilang ng mga ito buhat ng patuloy na pagmimina at pagtotroso sa paligid ng Sibuyan, maituturing pa rin itong ligtas mula sa tuluyang pagkalipol dahil matatagpuan lamang ito sa mga liblib na bahagi ng kagubatan— dahil para maging mailap ito sa paningin ng mga tao.
Sa susunod na gabi, maaaring muling sumilay ang dalawang matang tila ginto mula sa matataas na sanga ng puno. Mula naman sa lupa, manatiling bukas ang mga hugis-basong patibong, tahimik na naghihintay sa gitna ng hamog ng kabundukan. Ngunit kung magpapatuloy ang pagkapinsala sa kanilang tahanan, ang mga mata sa dilim ay pipikit at ang mga baso sa lupa ay unti-unting magsasara hanggang sa ang kagubatan ay maging isang lupaing alaala na lamang ng mga munting nilalang na minsa'y pinagharian ang paraiso.
Sila ay mga pahiwatig—mga tagapagpaalala na ang tunay na yaman ay ang kanilang patuloy na pag-iral at pagyabong. Ang totoong kayamanan ng Sibuyan ay hindi nakatago sa anyo ng mga mineral na kailangan pang hukayin, kundi nasa mismong pagtibok ng mga pusong namumuhay sa kagubatan. Sa pamamagitan ng makatao at may malasakit na pangangasiwa sa kalikasan, matitiyak na ang mga munting hiyas na ito ay mananatiling malayang nagmamatyag, naghahari, at nabubuhay sa Sibuyan upang matunghayan ng mga susunod pang salinlahi.