KOMERSYO NG KAMATAYAN
KOMERSYO NG KAMATAYAN
August 24, 2026
Ni Carlos Jossiah J. Jallorina
Sabi ng matatanda, habang may buhay, may pag-asa. Ngunit para kay Bobet, kahit matagal na niyang nilisan ang mundo, marami pa rin ang umaasa sa kanyang alaala. May mga umaasang kikita at aasenso, may mga umaasang sisikat at magiging tanyag ang pangalan, may umaasang magkaroon ng tinig sa isang usaping hindi naman kanila, at mayroon ding mga umaasang madaragdagan ang itim na marka sa kanilang mga balota.
Nitong ika-24 ng Hunyo, taong kasalukuyan, ay naihimlay na sa kanyang huling hantungan si Rene Clert “Bobet” N. Baterbonia na tubong Talacogon, Agusan del Sur. Libo-libong tagahanga at tagasuporta ang nakiramay, bitbit ang panawagang katarungan para sa maagang pagkasawi ng atletang nagsisimula pa lamang na abutin ang kanyang mga pangarap. Kabilang si Bobet sa dalawang manlalaro ng Ateneo Blue Eagles Men’s Basketball Team na nasawi matapos malunod sa karagatang sakop ng Aurora sa isang team-building activity ng nasabing koponan noong ika-8 ng Hunyo, 2026.
Batay sa mga nakalap ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) mula sa mga testigo na naroon sa mismong lugar ng insidente, lumalabas na nagkaroon ng malaking kapabayaan sa seguridad ng mga manlalaro. Walang sapat na kagamitan gaya ng mga salbabida o nakatalagang mga rescuer sa kabila ng banta malalakas na alon. Ngunit, habang nagluluksa ang pamilya at naghahangad ng paglilinaw ang publiko, tila mas mabilis pa ang ilan na gamitin ang trahedya bilang kasangkapan sa kani-kanilang mga interes at pansariling layunin.
Ang masakit na katotohanan ay kung gaano kadaling mabulag ang lipunan sa ningning ng panibagong usapin, ay ganoon din kadaling nabubura ang hangganan ng tunay na pakikiramay at ng hayag na pananamantala.
Unang sinakyan ang isyu ng mga taong uhaw sa atensyon sa social media. Biglang umusbong ang mga content creator na nagmistulang mga imbestigador, gamit ang mukha at kuwento ni Bobet para lamang makalikom ng milyun-milyong views at likes. Sa bawat video na nilalapatan ng malungkot na musika, may katumbas na kita mula sa monetisasyon—isang komersyalisasyon ng pagdadalamhati ng pamilyang hindi man lang nila kakilala.
Hindi rin nagpahuli ang ilang mga pulitiko at pampublikong panauhin. Sa isang iglap, biglang naglabasan ang mga pahayag ng "pakikiramay" na mas nakatutok pa ang kuha ng kamera sa mukha ng nagpapadala ng bulaklak kaysa sa mismong kabaong. Ang pangalang Bobet ay naging sangkap sa mga press release, isang madaling paraan upang magmukhang may malasakit sa mata ng mga botante sa darating na halalan.
Pati na rin ang iba't ibang grupo na may ipinaglalabang adbokasiya ay mabilis na kinasangkapan ang nangyari. Ginamit ang kanyang pangalan upang isulong ang kani-kanilang layunin—mula sa reporma sa larong pampalakasan hanggang sa mga pampolitikang panawagan—nang hindi man lang kinokonsulta ang mga naiwang nagluluksa. Samakatuwid, ang sigaw para sa katarungan ay nalunod sa ingay ng mga boses na naghahangad lamang ng pansariling pakikinabang.
Minsan pa'y habang nag-i-scroll ako sa Facebook ay nakakita ako ng pagkaing ipinangalan sa kanya—Peanut Butterbonia. Napaisip tuloy ako kung hanggang saan nga ba ang hangganan ng kawalan ng respeto ng tao kapag pera na ang nakataya. Isang simpleng meryenda, ginawang kasangkapan upang makahakot ng mga mamimili gamit ang pangalan ng isang taong mainit pa ang lupang pinaghimlayan. Ang nakalulungkot, hindi na ito tungkol sa pag-alala; ito ay purong pagsasamantala na ibinalot sa pabalat ng negosyo.
Ito ang nakalulungkot na mukha ng ating lipunan ngayon: ang komersyo ng kamatayan. Ang buhay ng isang kabataang puno pa sana ng pangarap ay inilalako sa merkado ng katanyagan, kita, at kapangyarihan.
Kung talagang hangad natin ang katarungan at kapayapaan para kay Bobet at sa kanyang pamilya, dapat na nating itigil ang ganitong uri ng komersyalisasyon. Kaya, nararapat na iwan na lamang sa National Bureau of Investigation (NBI) at PNP ang imbestigasyon. Huwag nang gumawa ng bersyon ng kuwento na lalo lamang nagpapagulo sa usapin at nagpapasakit sa damdamin ng mga naulila.
Gayundin, kasama ng paghimlay sa katawan ni Bobet, pahimlayin na natin ang poot sa ating mga puso na naghahasik ng pagkakahati-hati.
Sa huli, ang tunay na pagpaparangal sa yumao ay hindi nasusukat sa ingay ng ating panawagan o sa dami ng ating shares sa internet. Nasusukat ito sa ating kakayahang manahimik, gumalang, at magbigay-daan sa hustisya nang walang hinihinging kapalit. Dahil sa mundong ginawang negosyo pati ang pagluluksa, ang pinakamataas na uri ng pakikiramay ay ang pagkilala sa nangyaring trahedya bilang isang buhay na maagang nawala—hindi bilang isang pagkakataong dapat pagsamantalahan at pakinabangan.