HINDI LAHAT NG KAYAMANAN AY NAMIMINA
Mga Munting Bahandi ng Sibuyan Island
HINDI LAHAT NG KAYAMANAN AY NAMIMINA
Mga Munting Bahandi ng Sibuyan Island
The Link, Agosto 20, 2026
ni Carl Aiden B. Villangca
Mga munting kaluskos sa ilalim ng naglalakihang dahon, at mararahang talon sa basang lumot ang bubungad sa unang pagtapak sa Sibuyan. Sa unang tingin, tila karaniwan lamang ang mga ito, mga pamilyar na bakas ng buhay sa isang kagubatan. Ngunit sa isla ng Sibuyan, Romblon, bawat yabag, kaluskos, at huni ay maaaring nagmumula sa isang nilalang na walang ibang kinikilalang tahanan kundi ang islang ito.
Sa puso nitong ating bansa matatagpuan ang Sibuyan, isang islang napapaligiran ng malalim na karagatan at natatakpan ng makakapal na kagubatan at kabundukan. Sa gitna ng likas na kariktang ito ay matayog na nakatindig ang Mount Guiting-Guiting, na umaabot sa humigit-kumulang 2,058 metro ang taas. Dagdag pa riyan, natatangi ang Sibuyan dahil sa angkin nitong mga likas na yamang dito lamang din matatagpuan. Ang pambihirang mga kayamanang ito ang nagbigay rito ng bansag na “Galapagos of Asia.”
Ngunit, habang patuloy na sinisiyasat ng mga siyentipiko ang mayamang ugnayan ng kalikasan sa Sibuyan, kasabay ring nahuhukay ang isang madilim na katotohanan—ang banta ng pagmimina na nagbabadya sa isla.
Matagal nang naging sentro ng pagtutol at pagtatalo sa isla ang pagmimina. Katunayan, taong 2023, nagkasa ng malawakang kilos-protesta ang mga lokal laban sa operasyon ng Altai Philippines Mining Corporation, na siya namang kinatigan ng Korte Suprema matapos nitong maglabas ng kautusan hinggil sa usapin ng pagmimina sa Sibuyan. Sa isang islang itinatampok ang mayamang ugnayan ng kalikasan, na siyang tunay na kayamanang hindi na kailangang hukayin pa, sapagkat matagal ng nakalantad at nakalatag sa isla. Kaya naman, niyayanig tayo ng isang napakahalagang tanong—ano na lamang ang mangyayari sa mga itinuturing na kayamanan ng Sibuyan kung hahayaan nating hukayin na lamang nila ang kanilang mga tahanan?
HINDI PANGKARANIWANG DAGA
Maliit man kung titignan, isa ito sa mga kayamanang nanganganib na mawala sa Sibuyan. Sa unang tingin, isa lamang itong daga na maaaring hindi man lang mapansin sa ilalim ng makakapal na dahon. Ngunit sa isang isla na hitik sa mga natatanging nilalang, ang munting hayop na ito ay bahagi ng yamang-buhay na hindi matatagpuan saan man sa mundo.
Taong 1992, natuklasan sa hilagang-kanlurang bahagi ng Mount Guiting-Guiting ang isang kakaibang uri ng daga. Gayunpaman, hindi ito agad naiulat sa publiko sa kadahilanang hindi ito kinilala ng mga dalubhasa. Paglipas ng mahigit dalawang dekada, pormal na inilarawan ng mga mananaliksik na sina Eric A. Rickart, Lawrence R. Heaney, Steven M. Goodman, at Sharon Jansa ang dagang ito at binansagang Chrotomys sibuyanensis.
Tinatawag itong Sibuyan striped shrew-rat, isang maliit na dagang kabilang sa liping Chrotomys. Ang mga Chrotomys ay pangkat ng mga dagang matatagpuan lamang sa Pilipinas, at karaniwang kumakain ng mga hayop na walang gulugod gaya ng mga uod.
Hindi lamang pangalan ang naiiba rito. Sa masusing pagsusuri sa katawan nito, napansin ng mga dalubhasa ang mga katangiang naghihiwalay dito sa iba pang malalapit na uri ng daga, Kabilang na rito ang mas maikling buntot, natatanging sukat at hugis ng bungo, at iba pang pagkakaiba sa mga buto at ngipin.
Higit pa rito, ang Chrotomys sibuyanensis ay kabilang sa mga natatanging nilalang na iniuugnay sa Sibuyan, na matagal nang nahiwalay sa malaking bahagi ng ating kapuluan. Ang ganitong pagkakahiwalay ng isang pulo ay maaaring magbigay-daan sa pagkakabuo at pagkakaiba ng mga uri ng hayop na matatagpuan dito sa paglipas ng panahon.
Kapag palaka ang pinag-uusapan, “kokak” agad ang karaniwang pumapasok sa ating isip. Ngunit sa kagubatan ng Sibuyan, may isang munting palaka na may ibang himig. Ang Platymantis guiting ay naglalabas ng maikli at paulit-ulit na huni na maihahambing sa tunog ng pag-click, isang katangiang nakatulong sa mga mananaliksik upang matukoy ito.
Gayunman, hindi lamang sa huni naiiba ang palakang ito. Bago ito kinilala bilang isang panibagong tuklas na uri ng palaka, napagkamalan muna itong uri ng Platymantis pygmaeus, isa ring klase ng palakang nagmumula sa Luzon. Kaya, taong 2004, ang mga palakang mula sa kapuluan ng Lalawigan ng Romblon ay iniugnay pa sa nasabing uri dahil sa kanilang mga pagkakahawig. Kinailangan ng mga mananaliksik na muling suriin ang mga palaka upang matukoy kung tunay nga bang kabilang lamang ang mga ito sa iisang uri.
Nito lamang taong ito, pormal na itong kinilala bilang Platymantis guiting, na ipinangalan sa Mount Guiting-Guiting sa Sibuyan kung saan ito uanng namataan.
Tinatayang nasa 14 milimetro lamang ang haba ng Platymantis guiting, mas maliit kumpara sa maraming uri ng karaniwang palaka. Ngunit ang maliit nitong katawan ay naglalaman ng impormasyong hindi agad nababasa sa unang tingin. Sa loob ng mahigit dalawang dekada, ang palakang ito ay naroon na sa kagubatan ng Romblon, ngunit iba ang pangalang ibinibigay sa atin ng agham.
Ang pagkakatuklas sa Platymantis guiting ay nagpapakita kung gaano karami ang maaaring hindi pa natin ganap na nakikilala sa yamang-buhay ng Sibuyan. Sa isang islang nahaharap sa mga usapin tungkol sa pagmimina at paggamit ng likas na yaman, ang bawat bagong uri ng hayop at halamang natutuklasan ay nagiging patunay na ang halaga ng kagubatan ay hindi lamang nasusukat sa mga yamang maaaring makuha mula rito.
Kaya naman, sa likod ng isang mumunting daga at kagila-gilalas na palaka ay natatago ang isang mahalagang kwento. Ang kagubatan ng Sibuyan ay hindi lamang tirahan ng mga hayop. Isa rin itong buhay na bakas ng pagbabago sa kalikasan, kung saan ang bawat nilalang ay tanda ng mahabang kasaysayang hindi na maaaring maibalik kapag hinayaan nating mawala.