Ika-25 ng Pebrero, 2026
[The People's Column]
Ni Leocas Samoel O. Encarnacion
Iginuhit ni Sage Raguel T. Eden
Kwarenta anyos. Apat na dekada na ang lumipas mula nang muling magising ang sambayanang Pilipino mula sa mahabang bangungot ng diktadurang Marcos. Apat na dekada na mula nang mapatalsik ang isang rehimen na minsang umangkin sa buong bansa bilang sarili nitong pag-aari. Sa isang mapayapang rebolusyong pinanday hindi ng bala o ano pa mang sandata, kundi ng pananalig, lakas ng loob, at pagkakaisa, muling naipanumbalik ang tunay na demokrasya. Nakaukit na sa kasaysayan ang 1986 People Power Revolution bilang patunay na may kapangyarihan ang taumbayan—kapangyarihang kayang magpahinto ng mga tangke, magpatumba ng tiraniya, at magpabago ng takbo ng kasaysayan ng isang bansa.
Ngunit matapos ang apatnapung taon, nananatili ang tanong na tila kumakatok sa konsensya ng bawat Pilipino—Ano na ang EDSA para sa iyo? Isa na lamang ba itong pahina sa aklat ng Araling Panlipunan? Isang petsa sa kalendaryo na ipinagdiriwang tuwing sasapit ang Pebrero 25, ngunit kinalilimutan sa araw-araw? O isa pa rin itong buhay na paalala na ang kalayaan ay hindi natatapos sa isang mapayapang rebolusyon—ito’y responsibilidad na kailangang pangalagaan ng bawat salinlahi?
Kung sisilipin natin ang EDSA ngayon, tila nag-iba na ang anyo ng larawang minsang gumising sa diwang makabayan. Ang kalsadang dating punô ng mga Pilipinong nagdarasal sa harap ng naglalakihang mga tangke, ngayo’y puno na lamang ng mga sasakyang naghahabol ng oras sa trabaho. Ang mga kampong militar na minsang magkatapat sa panig ng kapangyarihan at ng bayan, ngayo’y napapalibutan na ng naglalakihang gusali at mall. Ang lugar na minsang saksi sa panalangin at sakripisyo ay tila isa na lamang karaniwang lansangan sa lungsod. At higit sa lahat, ang pamilyang pinatalsik noon ng sambayanan ay muli ngayong nakabalik sa puwesto ng kapangyarihan. Para bang ang dating isinuka ng bayan sa EDSA ay muling nilulunok ng sambayanan sa kasalukuyan.
Dito tayo iminumulat sa mas masakit na katotohanan. Muli tayong hinahamon ng kasaysayang tila umiikot lamang, kung saan ang katiwalian ay nananatili, ang agwat sa pagitan ng mga mahirap at mayaman ay patuloy na lumalawak, at ang kapangyarihan ay naipapasa sa parehong mga apelyido at angkan. At sa gitna ng lahat ng ito, ang karaniwang mamamayan ay patuloy na kumakayod, umaasang balang araw ay mararamdaman din niya ang bunga ng kalayaang ipinaglaban noong 1986. Sa ganitong kalagayan, napapaisip tayo kung tunay nga bang nagbago ang sistema, o nagpalit lamang ng mukha ang mga nang-aapi sa bayan.
Upang maunawaan ito, kailangan nating balikan ang madilim na yugto ng Batas Militar. Noong ipataw ang Martial Law noong 1972, libo-libong Pilipino ang dinakip nang walang warrant, ikinulong, pinahirapan, at pilit pinatahimik. Marami ang nawala at hindi na muling nakita, na ngayo’y tinaguriang Desaparecidos. Bilyun-bilyong piso mula sa kaban ng bayan ang sinasabing ninakaw at itinago sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang kalayaan sa pamamahayag ay sinupil, ang oposisyon ay sinindak at pilit pinatahimik, at ang takot ay naging bahagi ng araw-araw na pamumuhay ng mamamayan. Ito ang kontekstong nagluwal sa rebolusyon sa EDSA—isang pagsabog ng matagal na pinipigilang pagdaing ng ating bayan.
Ngunit sa likod ng mga bilang at datos ay ang mga tunay na buhay na nasira—mga pangarap na maagang nilagot, at mga pamilyang iniwang nangungulila at nagdadalamhati. Isa na rito ang aking kapwa Lourdesianong si Luis Manuel “Boyet” Mijares. Walang pakundangang dinakip, walang awang pinahirapan, at inagawan ng kinabukasan—kahit wala siyang tunay na kasalanan kundi ang manindigan para sa katotohanan. Ang kanyang kuwento ay hindi naiiba sa kuwento ng marami noong panahong iyon: mga kabataang may pangarap, ginawang biktima ng kapangyarihang walang pananagutan. Sa kanyang pagkawala, mas lalong nagiging totoo ang katagang ang kalayaan ay may katumbas na sakripisyo, at ang demokrasya ay kailangan pang tubusin ng dugo at luha ng mga Pilipinong naglakas-loob tumindig.
Sinubukang ikubli ang katotohanan noon. Ngunit gaano man kadilim ang gabi, hindi nito kayang lunurin ang liwanag. Sapagkat ang EDSA ay hindi lamang rebolusyon laban sa isang pamilya o isang tao. Ito ay rebolusyon laban sa kawalan ng katarungan. Hindi ito tungkol sa apelyido o kulay ng politika; ito’y tungkol sa masidhing pag-ibig ng mga Pilipino sa lupang sinilangan at sa karapatang mabuhay nang malaya at marangal.
At kung tutuusin, ang apoy ng EDSA ay hindi biglang sumiklab noong 1986. Ito’y apoy na matagal nang nag-aalab sa kasaysayan ng ating bansa. Mula pa noong 1896, nang itaas ng mga Katipunero ang bandila ng himagsikan laban sa kolonyal na kapangyarihan, hanggang sa iba’t ibang yugto ng pakikibaka para sa kalayaan. Ang pinagkaiba lamang: noon, dayuhan ang umaalipin sa atin; ngayon, kapwa Pilipino na. At ito ang mas masaklap na katotohanan—na ang kamay na minsang humawak ng sandata laban sa mananakop ay siya ring kamay na ngayon ay umaapi sa sariling bayan.
Sa ganitong punto, tila nagiging makahulugan ang babala ni Jose Rizal: “Pasasaan pa ang kalayaan, kung ang mga nang-aalipin ngayon ay sila rin namang mang-aalipin bukas?” Isang paalalang hindi natatapos ang pakikibaka sa pagpapatalsik ng dayuhan o diktador; nagpapatuloy ito sa pagbabantay laban sa anumang anyo ng pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ngunit kung noon ay mga baril, tangke, at sundalo ang lantad na mukha ng panunupil, ngayon ay mas mapanlinlang at mas tahimik ang mga sandatang ginagamit laban sa katotohanan. Sa kasalukuyang panahon, ang pagpapakalat ng maling impormasyon at propaganda sa makabagong teknolohiya ang naging panibagong instrumento ng panlilinlang. Isang click, isang post, isang share—ay sapat na upang mabago ang isip ng marami. Mas napapadali ito sapagkat nagkukubli tayong parang mga anino sa likod ng screen, walang mukha, walang pangalan, walang pananagutan. Sa mundong ito ng mabilis na daloy ng impormasyon, ang kasinungalingan ay naipapasa bilang katotohanan, at ang katotohanan ay itinatanghal bilang paninira.
Kaya’t hindi na nakapagtataka kung bakit maraming kabataan ngayon ang hindi na batid ang tunay na nangyari noong Batas Militar, at ang tunay na naging mitsa ng pag-aaklas sa EDSA. May mga nagsasabing “disiplina” raw iyon. May nagsasabing “maunlad” daw noon, may nagsasabing “masarap kasi ang Nutribun.” Ngunit sa likod ng mga salitang ito ay ang tinig ng mga nawawala, ng mga pinahirapan, at ng mga pamilyang inulila. Ito ang panganib ng paglimot—sapagkat kapag ibinaon natin sa limot ang alaala ng kasaysayan, mas madali na nating ulitin ang mga pagkakamaling nagdala sa atin sa pinakamadilim na yugto nito.
Sa kasawiang palad, ganap na nga nating hinayaang makabalik ang dating pinatalsik ng bayan. Kung babalikan ko ang nangyaring halalan noong 2022, madalas akong sabihan ng aking lolo at lola na “Bata ka pa, huwag kang makialam sa politika.” Higit kong ipinagtataka noon kung papaanong muli nilang nagawang tanggapin na mailuklok sa kapangyarihan ang dati na nilang ipinagtabuyan. Hanggang napagtanto ko, ito’y dahil sa mas matusong kalaban—ang makabagong teknolohiya na ginagamit bilang instrumento ng panlilinlang.
Sa gitna ng ganitong kalagayan, naalala ko ang araw na ako’y nakiisa sa Trillion Peso March laban sa katiwalian noong ika-21 ng Setyembre. Hindi ako halos payagan ng aking mga magulang. “Sa dami ng tao roon, magiging ligtas ka ba?” “Paano kung magkagulo?” Kaya sinamahan nila ako bilang bahagi ng delegasyon ng Paaralang Lourdes ng Mandaluyong—bitbit ang mga rosaryo at ang imahen ng Mahal na Birhen, upang manatiling panatag ang kanilang kalooban.
Mula Crame hanggang Galleria, dinaluyong ng mga tao ang lansangan ng EDSA. Iisa ang sigaw ng bayan: panagutin ang may sala. Sa ilalim ng tirik na araw at sa pabugso-bugsong ulan, libo-libo ang nagmartsa upang ipakita ang masidhing pagmamahal sa bayan. Bata, matanda, lahat ay nakikiisa, kahit pa yaong mga hindi pa naman naisisilang noong EDSA. Doon ko muling nasilayan ang diwa ng bayanihan—ang parehong diwa na nanindigan noong 1986, at noong 1896 pa. At bagama’t wala na kaming kaharap na tangke o sundalo, dama ko sa bawat hakbang ang bigat ng kasaysayan. Sapagkat ang pakikibaka para sa katotohanan ay hindi natatapos sa isang henerasyon; ito’y ipinapasa tulad ng sulo na kailangang panatilihing nagliliyab.
Dito ko napagtanto na buhay na buhay ang diwa ng EDSA. Nananalaytay ito sa dugo ng lahat sa atin, at nananatiling nag-aalab ang parehong apoy—apoy ng pag-asa. Sapagkat ang pag-asa ay hindi lamang payak na paghihintay na sana’y may magbago. Bagkus, ang tunay na pag-asa ay paninindigang magsilbing liwanag sa gitna ng dilim—ang paniniwala at pagtitiwala na may darating na bukas, kahit sa harap ng kasalukuyang kadilimang sumasaklaw sa ating bayan.
Gayundin, hindi maikakaila na ang EDSA ay hindi lamang pampolitikal na pangyayari, kundi isang paggising sa tila natutulog na pananampalataya ng mga Pilipino. Sa harap ng mga naglalakihang tangke at barikada ng mga militar, tinapatan ito ng taumbayan na ang tanging bitbit ay mga rosaryo. Ang mga madre ay nagbigkis at nakiusap sa mga sundalo, ang mga pari ay walang patid ang pag-aalay ng misa sa lansangan, at ang mga obispo ay nakiisa sa panawagang papanumbalikin ang demokrasya sa ating bayan. Sa pagkakataong ito, ang pag-asa at pananampalataya ang naging kalasag ng ating demokrasya.
Bago pa man sumiklab ang EDSA, nagpaalala na ang Simbahan sa pamamagitan ng liham ng CBCP sa mga mananampalataya na pinamagatang “We Must Obey God Rather Than Men.” Ilang araw bago ang People Power, nanawagan ang mga obispo na sa oras ng tunggalian ng konsensya at kapangyarihan, ang dapat manaig ay ang kalooban ng Poong Maykapal at ang katotohanan—hindi ang utos ng mga makapangyarihan. Ang liham na ito ang nagbigay-lakas ng loob sa maraming Pilipino na manindigan, hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi sa pamamagitan ng pananalangin at mapayapang pakikibaka.
Hanggang ngayon, nananatili ang parehong hamon: sa harap ng lantarang kasinungalingan, mananahimik ba tayo? Sa harap ng hayag na katiwalian, magbubulag-bulagan ba tayo? O susundin natin ang tinig ng konsensya—ang tinig ng Diyos na kumakatok sa ating mga isip at puso, nananawagang ipaglaban ang katotohanan?
Sapagkat sa kasalukuyan, bawat Pilipino ay may sariling EDSA na kinakaharap. Ang EDSA ng bawat batang nagnanais matuto, subalit hindi makapag-aral dahil sa kakulangan ng suporta at pasilidad. Ang EDSA ng bawat magulang na kumakayod at lumalaban nang patas ngunit hirap na hirap pa rin, dahil ginugulangan at nilalamangan. Ang EDSA ng bawat Overseas Filipino Worker (OFW), na tinaguriang bayani, ngunit sa katunayan ay biktima ng sistema at ng nakahihilakbot na katotohanang kinakailangan pang lisanin ang bayang sinilangan upang maabot ang pangarap na magandang kinabukasan. Ang EDSA ng bawat "lulong" umano sa droga, na kung hindi nakapiit ay nakahandusay na sa kanto. Ang EDSA ng mga mangingisda sa West Philippine Sea, na hindi tangke ang kaharap, kundi ang naglalakihang barko ng mga dayuhan. Ang EDSA ng mga magsasaka ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya, at kung saan pang dako ng bansa na pilit binubutas at minimina, na ang kaharap ay hindi tangke kundi mga panghukay at bulldozer. Ang EDSA ng mga nalililinlang, na ang kaharap ay hamon ng kasaysayan na pilit binabaluktot at ipinagkukubli sa likod ng makabagong teknolohiya. Ang EDSA ng bawat isa sa atin na naghahangad ng tunay na pagbabago.
Sa huli, nasa ating mga kabataan ang pagbabagong ito. Hanggang sa panahon ngayon, napaghuhugutan pa rin natin ng mahalagang aral ang katagang binitawan ni Dr. Jose Rizal—“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Marahil, ang tinutukoy niyang pag-asa ay hindi naman nangangahulugang wala nang mang-aapi o wala nang maghihirap, sapagkat walang perpektong lipunan at walang perpektong bayan. Bagkus, tumutukoy ito sa kakaibang paninindigan ng mga kabataan—ang pangangahas na manatili sa tuwid na daan, kahit pa mahirap at nag-iisa. Nasa atin kung hahayaan nating maging palamuti na lamang sa kasaysayan ang EDSA, o isasabuhay natin ang diwa nito—ang diwa ng katapangan, ng pag-asa, at ng pananampalataya. Hindi darating ang tunay na pagbabago kung patuloy tayong magbubulag-bulagan sa kasinungalingan, o magpapadala sa kulay at apelyido. Mangyayari lamang ito kung matututo tayong itakwil ang mga sistemang nagpalugmok at patuloy na nagpapahirap sa bayan. Anang Lualhati Bautista, “Ang payapang pampang ay para lamang sa mga pangahas na sasalunga sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos.”
Hindi natin dapat kalimutan ang mga nabulid sa dilim. Sapagkat bagama’t mapayapa ang EDSA, ang daan patungo rito ay tigmak ng dugo at luha. Sina Ka Andres, Pepe, Ninoy, at Boyet ay parang mga kandilang nagliwanag at inubos ang sarili upang tayo’y humantong sa kalayaang minimithi.
Ngayon, tayo—ang kabataan—ang tinatawag na magsindi muli ng liwanag na ito. Hindi bilang tagapagmana lamang ng kasaysayan, kundi bilang tagapagpatuloy ng pakikibaka. Sapagkat ang apoy ng EDSA ay hindi kailanman namatay. Ito’y patuloy na nagliliyab sa puso ng bawat Pilipinong hindi sumusuko at hindi nagpapasiil.
Dahil kung mayroon mang itinuro sa atin ang EDSA, ito’y ang katotohanang hindi kailanman mabubulag ang katarungan, hindi kailanman mabubusalan ang tinig ng sambayanan, hindi kailanman maipagkukubli ang katotohanan, at hindi kailanman magmamaliw ang pag-asa at pananampalataya ng taumbayan. Kahit anong sikap na burahin ang alaala ng EDSA sa ating mga libro at kalendaryo, nakaukit na ito sa damdamin ng bawat Pilipino. At ngayon, nasa atin kung isasabuhay ba natin ang aral nito o hahayaang mabaon sa limot. Ito ang aking EDSA—EDSAng puno ng pag-asa. EDSAng may tunay na kwenta.