Flood Control Projects ng DPWH, Iniimbestigahan ng Senado
Agosto 26, 2025
Maria Jhoanna Briol
Flood Control Projects ng DPWH, Iniimbestigahan ng Senado
Agosto 26, 2025
Maria Jhoanna Briol
Litrato | The Manila Times
MAYNILA, PILIPINAS — Iniimbestigahan ngayon ng Senado ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa sunod-sunod na pagdinig sa kabila ng iba't ibang iregularidad ng flood control projects na isinagawa ng ahensya mula 2024.
Nagsimula ang imbestigasyon noong Agosto 19 matapos ang sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Hulyo, na ito namang nagsiwalat sa kawalang-bisa ng mga proyekto ng DPWH maging ang mga anomalya sa mga kontraktor ng ahensya.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng Senado hinggil sa flood control system ng pamahalaan, lumitaw ang mga ‘ghost projects’ na idineklarang natapos umano kahit wala namang naisagawa.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech, laganap at sistematiko ang korapsyon na nagaganap sa mga naturang proyekto, na aniya’y binabawasan ang pondong nakalaan sa bawat kontrata.
“Halimbawa, sa P100 million na pondo para sa flood control project, kung ibabawas ang maximum allowable deductions, P82 million ang matitira para sa proyekto,” pahayag ni Sen. Lacson sa kanyang talumpati.
Ibinunyag niya rin ang ‘pie-sharing’ sa pagitan ng iba’t ibang ahensiya, pulitiko, at nangongontrata, kung saan nakakakuha ng 8-10% ang mga kawani ng DPWH.
“Mr. President, ang matitirang pondo para sa pagpapatayo ng proyekto ay napakasuwerte nang umabot sa 40% o 40 million pesos alinsunod sa ating halimbawang 100 milyong pisong pondo para sa proyekto,” dagdag ng senador.
Sa Lungsod ng Maynila, malaking bahagi ng pondo ang inilaan para sa pagpapatupad ng flood control projects sa National Capital Region (NCR).
Sa 1,058 na proyekto na isinagawa sa rehiyon, pinakamalaking bahagi nito ang nakatuon sa lungsod, kung saan umabot sa 215 flood control projects na nagkakahalaga ng P14.46 bilyon ang naisagawa.
Sa kabila ng mahigit 200 na proyekto, nakararanas pa rin ng matinding pagbaha ang lungsod, na siyang sanhi ng matinding perwisyo sa mga Manileño.
Kasunod nito, nagpahayag ng pagkadismaya si Mayor Isko Moreno sa isang livestream noong Agosto 22, na aniya tila hindi pinag-aaralan at binibigyang-halaga ang mga naturang proyekto.
“Iyang mga programa na ‘yan, walang due notice, wala kaming impormasyon, hindi ipinaalam, hindi nabigyan ng pahintulot ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila” ani ni Moreno.
Nanawagan din ang alkalde na isama ang Maynila sa iniimbestigahan ng Senado hinggil sa flood control projects sa lungsod.
“Alam naman ng mga taga-Maynila ‘yan eh. So they should be investigated also. Kaya nga welcome development ‘yung ginawa sa Senado. Nagpapagawa ng flood control na hindi tumatakbo, o tapos parang wala lang.” dagdag ng alkalde.
Patuloy namang pinag-aaralan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan kung paano magiging epektibo ang mga proyekto at kung anong benepisyo ang maibibigay nito sa publiko.
Kamakailan, naglunsad ng pook-sapot ang Opisina ng Pangulo kung saan maaaring ireklamo ang isang flood control project na may iregularidad.
Senate probes into the adequacy and effectiveness of the government’s flood control system
https://www.youtube.com/watch?v=7SM0OSam730
Are there ghost projects? DPWH comes clean on flood control
Lacson: Only 40% of flood control project funds go to implementation
Maynila na muling binaha nitong Biyernes, may pinakamaraming flood control projects sa NCR
Mayor Isko Moreno, nanawagan sa Senado na isama sa imbestigasyon ang flood control.. | Saksi