ACLE RECRUITMENT 2025, matagumpay na naisagawa
August 6, 2025
Tasya Arabela Palon
ACLE RECRUITMENT 2025, matagumpay na naisagawa
August 6, 2025
Tasya Arabela Palon
Litrato | Tasya Palon
MAYNILA, PILIPINAS—Opisyal na pinasinayaan ang Alternative Classroom Learning Experience (ACLE) Recruitment Week 2025 sa pamamagitan ng ACLE Exhibit na ginanap sa unang palapag ng St. Vincent Ferrer Building, noong Lunes hanggang Huwebes, Agosto 4-7, 2025.
Ang nasabing ACLE Recruitment ay inorganisa at pinangunahan ng Letran Senior High School Student Council (LSHSSC), sa pangunguna nina G. John Cris Tababa, Student Council Adviser, at G. Jerry Escultura, Student Development Coordinator.
Tampok sa exhibit ngayong taon ang mga arcade games, tulad ng Super Mario, Minecraft, Tetris, at iba pa.
Sa isang pahayag ni Clarence Pedralvez, LSHSSC Recognized Student Clubs and Organizations (RSCO) Senator, ipinahayag niya ang kanyang malakas na pananampalataya sa Diyos na, aniya, ang siyang nagbigay daan sa kanya tungo sa matagumpay na pagbubukas ng ACLE Recruitment ngayong taon.
“Una sa lahat, bago pa talaga mag-pasukan inayos ko na talaga mga gagawin ko for this event. So, during those moments, kausap ko talaga si Lord at lagi ko talagang sinabi sa kanya na, "Lord, bigyan niyo po ako ng lakas upang maisagawa ito ng tama," kung kaya't una kong pasasalamatan ay si Lord kasi sa buong journey ko, siya yung nandyan na gumabay sa akin,” saad ni Pedralvez.
Nagpaabot din si Pedralvez ng kanyang pasasalamat sa mga taong tumulong at sumuporta upang maisakatuparan ang ACLE Exhibit.
“Sa ating Senior High School Principal, Ms. Geraldine Lagmay, sa ating Student Coordinator Development na si Mr. Jerry Escultura, sa mga ACLE Advisers at students na sobrang hands-on sa kanilang mga booth, at syempre sa minamahal kong student councils na naging katuwang ko sa pagsasagawa ng event na ito simula umpisa hanggang dulo—hindi ito magiging posible kung wala ang kanilang suporta at gabay sa event na ito,” wika niya.
Ang ACLE ay binubuo ng iba’t ibang kategorya ng club, simula sa Academic Clubs; Letran Senior Squires Executives-LSSE, Letran SHS Creative Hub, The Letran SHS Erudites, Letran SHS Team of Quatre Epices, Interest Clubs; Letran SHS Danza En Ritmo Performing Group, The Templar, Letran SHS Impresarios Guild, Letran SHS - Squires Athletic Alliance, Socio-Civic Clubs; Letran i-Volunteer, Letran SHS Verdure Club, at ang Religious Club; Letran SHS St. Vincent Liem de la Paz Youth Ministry.
Samantala, sa isang panayam kay Hershey Mellorida mula sa ABM12B, ibinahagi niya ang kanyang inasahan at pananaw sa ACLE Recruitment ngayong taon.
“In-expect ko talaga sa ACLE Recruitment for this year is level up from previous year. And for me naman, super level up ang recruitment event ngayon from the theme [and] to how the volunteers and the council executed it,” ani ni Mellorida.
Bilang dagdag, pinuri rin niya ang mga disenyo at interaktibong aspekto na itinampok sa ACLE Exhibit ngayong taon.
“Siguro ‘interactive’ kasi ‘yung booth was very well-designed by each club and also ‘yung tokens na hinulog ng mga students sa booth ng mga clubs,” saad pa niya.
Isinagawa naman ang online registration noong Agosto 5 hanggang Agosto 6.