by: Princess Glyza Bermudez
Sa mga huling sandali ni Simoun—si Ibarra—sa "El Filibusterismo," habang tinatakas niya ang kanyang mga sugat, pasan ang bigat ng kanyang kabiguang maghiganti, nagpasya siyang isuko na ang kanyang buhay. Sa pag-inom niya ng lason, inakala niyang iyon na ang katapusan. Unti-unting nanlalabo ang kanyang paningin, nararamdaman ang malamig na yakap ng kamatayan.
Ngunit sa halip na pumanaw, bigla siyang nakaramdam ng kakaibang liwanag. Ang naririnig niyang tunog ng mga lumang kanyon at mga yabag ng mga nag-aalsa ay unti-unting napalitan ng mga tunog na hindi niya maipaliwanag—ang ugong ng mga sasakyan, mga tinig ng mga tao sa malayo, at tila kakaibang musika. Nagmulat siya ng mata at biglang nagising sa isang lugar na hindi niya kilala. Sa kanyang paligid ay mga makikinis na daan, mga sasakyang hindi gumagamit ng kabayo, at mga gusaling napakataas. Natulala si Ibarra, nananatiling nakahiga sa gitna ng isang daanan ng parke.
“Nasaan ako?” ang kanyang tanong sa sarili. Dinalirot niya ang kanyang dibdib—wala nang kirot mula sa kanyang mga sugat, ngunit ang puso niya ay nananatiling mabigat. "Ito ba'y kabilang buhay? O isang biro ng kapalaran?"
Habang pinagmamasdan niya ang paligid, isang dalaga ang biglang lumapit sa kanya. Nakasuot ito ng simpleng damit, may bitbit na maliit na aparato sa kamay. "Kuya, okay ka lang ba?" tanong nito, ang tono'y puno ng pag-aalala.
Bumaling si Ibarra sa dalaga, napansin agad ang kakaibang paggamit nito ng Tagalog—magaan, moderno. "Ako’y... nawawala. Ano itong kinalalagyan ko?" tanong niya, ang bawat salitang binibigkas ay puno ng lalim, gaya ng Tagalog noong kanyang panahon.
Ang dalaga’y nagulat sa paraan ng pagsasalita niya, ngunit ngumiti. "Nasa Maynila ka, kuya. Ano bang nangyari sa'yo? Parang ang lalim ng salita mo."
“Maynila?” bulong ni Ibarra, bakas sa kanyang mukha ang pagkabalisa. “Ngunit hindi ganito ang Maynila. Saan napunta ang mga kalyeng dinaanan ng aking mga paa noon? Ang mga kabalyerong naglalakbay? At ikaw, ineng... bakit napakagaan ng wika mong gamitin?”
Nag-isip sandali ang dalaga, tila sinusukat ang kanyang mga tanong. "Ah, baka nalilito ka lang, kuya. Ako nga pala si Mia," pakilala ng dalaga. "Ano bang pangalan mo?"
Saglit na nagdadalawang-isip si Ibarra, ngunit nagpasya rin siyang magpakilala. "Ako'y si Crisostomo Ibarra."
Napangiti si Mia, iniisip na nagbibiro ang lalaking kaharap. "Ibarra? Tulad nung nasa libro? Kakaiba ka ha," biro niya, ngunit bakas pa rin ang kaba sa kanyang boses.
Subalit nang makita niyang seryoso ang mga mata ng lalaki, naisip niyang baka hindi siya nagbibiro. "Teka, totoo ba 'yang sinasabi mo?" tanong ni Mia, halatang naguguluhan.
Habang nagpapatuloy ang kanilang pag-uusap, ipinakilala ni Mia si Ibarra sa makabagong mundo. Ipinakita niya ang mga teknolohiyang hindi kailanman inakala ni Ibarra na posibleng mangyari. Ang mga aparato, mga ilaw na hindi na mula sa kandila, at ang mga sasakyang lumilipad sa mga kalsada. Bagaman labis na nahihilo sa pagbabago, naintindihan ni Ibarra na tila ibang panahon na nga ito.
Ngunit kahit moderno na ang lahat, napansin ni Ibarra ang mga katulad na problema mula sa kanyang panahon. "Marami pa ring naghihirap," sabi niya habang pinagmamasdan ang mga batang lansangan. "Marami pa rin ang walang katarungan."
Sumang-ayon si Mia, ngunit may halong pag-asa ang kanyang mga mata. "Oo, kuya. Marami pa ring problema, pero mas may pag-asa ngayon. Puwede ka pang makatulong."
Habang lumilipas ang araw, dahan-dahang natutunan ni Ibarra ang makabagong mundo kasama si Mia. Ang dalaga ang naging gabay niya, hindi lamang sa teknolohiya kundi pati na rin sa paghahanap ng bagong dahilan upang magpatuloy sa buhay. Unti-unting humilom ang mga sugat sa kanyang puso, hindi lamang sa tulong ng panahon kundi dahil na rin sa pagkakaibigan at malasakit ni Mia.
Sa huli, natutunan ni Ibarra na ang mga sugat ng nakaraan ay hindi kailangang maging balakid sa pagtahak sa bagong daan. At sa makabagong panahon, natagpuan niya ang bagong layunin—hindi na bilang Simoun, kundi bilang Ibarra na muling bumangon para sa kapakanan ng iba.
by: Issa Thea Vaness Arbes
Tumatakbo ako ngayon papunta sa museum na i-to-tour namin ng biglang tumunog ang aking cellphone. Kinuha ko ang aking cellphone at tinignan kung sino tumatawag.
Si Stacy, ang aking kaibigan. Sinagot ko ang kanyang tawag.
"Klay! Asa'n ka na? Bakit ang tagal mo! Mag-uumpisa na 'yung tour sa museum." sabi ni Stacy.
"Andito na ako! Nasa entrance na ako ng museum." hinihingal kong sabi. Pagkapasok ko sa entrance, nakita kong kumaway ang aking kaibigan.
"Klay! Dito! Halika na!" kumakaway niyang sabi. Pinatay ko ang tawag at nilagay sa bulsa ang aking cellphone. Naglakad ako papunta sa kanya.
"Bakit ang tagal mo? Buti na lang naka-abot ka. Baka bugahan ka na naman ng dragon dahil nalate ka na naman. Remember the last time na nalate ka ng dating? Galit na galit sa'yo si Sir, kulang na lang mag-apoy na 'yung ilong niya sa galit." natatawa niyang sabi.
Ngumiwi ako ng maalala ko ang nangyari noon na nalate ako. Hindi ko naman gusto na malate ako, okay? Nakalimutan ko lang mag-alarm kaya late akong nagising.
"Okay, okay! Huwag mo nang ipaalala sa'kin," sabi ko habang tumatawa rin. Sabay kaming naglakad ni Stacy papasok sa museum. Kasama namin ang ilang mga kaklase at mga kaibigan, handa nang matuto at masilayan ang mga kagila-gilalas na eksibit sa loob.
Pagkapasok namin, agad kaming sinalubong ng tour guide na nagsimulang magpaliwanag tungkol sa kasaysayan ng museo at ilan sa mga pinakatanyag na paintings. Habang nagsasalita ang tour guide, napansin kong may isang eksibit sa dulo ng silid.
Hindi ko maiwasang mapatingin doon. May isang painting na tila may kakaibang enerhiya. Isa itong larawan ng isang babae, nakasuot ng isang tradisyunal na damit, may mga bulaklak sa buhok, at may malungkot na ekspresyon sa mukha.
Napatigil ako.
“Uy, Klay! Bakit parang tulala ka diyan?” tanong ni Stacy, na hindi pa napapansin ang painting.
"H-ha? Wala, wala." Pilit kong ngumiti at sinundan ang grupo.
Pero hindi ko mapigilang lingunin muli ang painting. Sa gilid ng aking mata, napansin ko na may isang lalaking nakatayo sa harap ng larawan, matagal na siyang nakatingin dito. Tahimik lang siya, tila nawawala sa sariling mundo.
Kakaiba ang kanyang aura, parang hindi siya nababagay sa paligid—parang... siya'y nagmula sa ibang panahon.
Napansin kong dahan-dahan akong napalapit sa kanya. Hindi ko mapigilang huminto sa tabi niya. Tahimik lang kaming dalawa, pareho kaming nakatingin sa larawan. Ang babae sa painting ay maganda, ngunit tila may lungkot sa kanyang mga mata.
“Kilala mo ba siya?” bulong ko nang hindi ko namamalayan. Hindi ko inaasahang sasagot siya, ngunit narinig ko ang kanyang malalim na tinig.
“Siya ang buhay ko. Ang aking Maria Clara.”
Napalingon ako sa kanya. Tumama ang mga mata ko sa kanyang malalim na tingin. Ang kanyang mga mata... parang puno ng kasaysayan, puno ng kirot at pangungulila. May pakiramdam akong nakita ko na siya noon, pero hindi ko matandaan kung saan.
"Maria Clara?" tanong ko, naguguluhan.
Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya pabalik sa painting, na para bang hinahanap ang isang bagay na hindi na babalik.
Sa isip ko, imposible. Si Maria Clara? Pero 'di ba... 'yon 'yung karakter mula sa Noli Me Tangere? Isa lang 'yon sa mga kuwento ni Rizal. Pero ang lalaking ito, para siyang tunay—masyadong totoo para maging kathang-isip lang.
Napalunok ako. "Ikaw... sino ka?" tanong ko, mas naiintriga na ngayon.
Saglit siyang tumingin sa akin, at sa kanyang mga mata, para bang sinasabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na hindi ko pa nauunawaan. “Ibarra,” sagot niya sa mababang tinig, puno ng kalungkutan.
Nanlaki ang mga mata ko. Crisostomo Ibarra? Imposible! Hindi puwede. Fiction lang sila! Pero bakit parang napakatotoo ng lahat ng ito?
“Paanong—?” Naputol ang tanong ko nang biglang tumunog ang cellphone ko. Nagulat ako at agad itong kinuha sa bulsa.
"Klay! Saan ka na? Nasa ibang gallery na kami!" tawag ni Stacy.
"H-ha? Oo, papunta na ako!" sagot ko, habol ang hininga, hindi pa rin makapaniwala sa nangyayari. Tumingin ako muli sa lalaki, pero... wala na siya. Sa kinalalagyan niya kanina, tanging ako na lang ang naroon, at ang larawan ni Maria Clara.
Tumingin ako sa paligid, nagtataka kung saan siya nagpunta. Pero kahit ilang beses kong pagmasdan ang bawat sulok, wala na ang lalaking iyon.
Iniwan ko ang lugar na may maraming tanong sa aking isipan. Sino nga ba siya? At paano siya naugnay sa isang kuwentong itinuring kong kathang-isip lamang?
Bago ako lumabas ng gallery, huminto ako muli sa harap ng painting. Ang mga mata ni Maria Clara ay parang may gustong sabihin—parang siya rin ay naghihintay ng sagot na hindi ko pa kayang maunawaan.
At habang palabas na ako, hindi ko mapigilan ang tanong sa aking sarili: Babalik pa kaya siya?
by: Celesse Aisle Nacpil
Tahimik ang gabi, maliban sa mga malayong tunog ng sasakyang dumadaan sa labas. Nakatayo si Crisostomo Ibarra—o Simoun—sa harap ng salamin sa madilim na silid ng kaniyang hotel na tinutuluyan. Tila banyaga sa kanya ang kanyang repleksyon. Ang makabagong kasuotan ay hindi niya inaasahan na parang bumabagay sa kanyang katawan, at ang mga liwanag sa labas ay parang masyadong maliwanag at artipisyal. Ilang panahon na ba ang lumipas? Ang mundo'y patuloy na umaandar, ngunit narito siya—buhay, tila wala sa tamang lugar sa hindi malamang dahilan.
Hinaplos niya ang kanyang baba, habang umiikot sa kaniyang isipan ang mga alaala ng rebolusyon at kamatayan. Ang mga huling salita ni Elias, na binigkas nang hirap na hirap sa tabi ng ilog, ay muling umaalingawngaw sa kaniyang tenga: "Mamamatay ako nang di man lang nasisilayan ang pagsikat ng araw sa aking bayan... ngunit mamamatay ako sa pag-asang ang kinabukasan ay magdadala ng kalayaan..."
"Elias..." mariing bulong ni Ibarra, binibigkas ang pangalang parang matagal nang nalimutan. Ang lalaking nag-alay ng kaniyang buhay para sa kaniya, para sa isang Pilipinas na tila hindi naman ata natupad. Sa kaniyang paghahangad ng paghihiganti, si Ibarra'y tuluyang nagpakain sa kaniyang galit at pighati, at sumunod sa isang madilim na landas—isang landas na nagdala ng kapahamakan sa maraming buhay, pati na rin sa kaniyang sariling kaluluwa. Simoun—isang pangalang tila dala ang lahat ng poot, sakit, hinanakit, galit, at pighati.
Biglang lumamig ang paligid, lamig na nanuot sa kaniyang katawan. Lumingon si Ibarra at biglang bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Naroroon siya.
Si Maria Clara, nakatayo malapit sa bintana, suot ang puting damit na kumikislap sa ilalim ng ilaw ng siyudad. Panatag ang kaniyang mukha, ngunit ang kaniyang mata ay halatang nagdadala ng lungkot na naging bangungot ni Ibarra sa maraming taon. Hindi nagsalita ang dalaga, ngunit sapat na ang kaniyang presensya upang pukawin ang pinakamasakit na bahagi sa puso ni Ibarra. Para sakanya, si Maria Clara ang paalala ng lahat ng kaniyang nawala—ng lahat ng kanyang iniwan.
"Ginawa ko iyon lahat para sa iyo..." bulong ni Ibarra, habang lumalapit ng isang hakbang. "Binuhay kong muli ang puso kong nasawi bilang si Simoun... para sa iyo..."
Hindi umimik si Maria Clara, ngunit ang kaniyang titig ay sapat na para matauhan si Ibarra sa katotohanang matagal na niyang sinisikap na ibaon at takbuhan. Hindi. Hindi para sa kanyang irog, kundi para sa sarili—para sa paghihiganti, hindi para sa pag-ibig o tunay na kalayaan.
Tahimik ang bumalot sa pagitan nila, ngunit ang paligid ay bigat na bigat sa mga salitang kailanman ay hindi nasambit. Nayukom ang mga kamao ni Ibarra. Tinanggap na niya ang lahat ng nangyari at kaniyang mga naging desisyon, 'di ba? Naipaliwanag na rin niya sa sarili kung bakit kinakailangang mabuhay si Simoun para sa bayan. Ngunit bakit tila ang presensya ni Maria Clara, na parang isang kaluluwang hindi matahimik, ay tila nagsasabi ng ibang kuwento?
Mula sa likod ni Maria Clara, lumitaw pa ang isang pigura—si Elias. Matatag ang kaniyang postura, ngunit batid pa rin sa kaniyang mga titig ang pag-asa na minsan na niya'y ipinaramdam sa lahat hanggang sa huling sandali.
"Simoun..." mababa ang boses ni Elias, isang bulong ngunit umaalingawngaw tulad ng mga alaala ng isang nakalimutang panahon. "Ito ba ang kalayaang ipinaglaban natin? Ibarra?"
Napansandal si Ibarra dahil sa bigat ng tingin ng dalawang kaluluwa. Nabigo siya. Sa pagpapalamon sa kaniyang galit at paghahanap ng paghihiganti, kinalimutan niya ang pangarap ni Elias na kalayaan, at winasak niya ang buhay ni Maria Clara na hindi na maisasaayos kailanman. At ngayon, kahit na nakalipas na ang napaka-habang panahon, tila hinahabol pa rin siya ng nakaraan.
"Bakit ngayon pa?" bulong ni Ibarra, nanginig ang kanyang tinig. "Bakit ako naririto?"
Lumapit si Elias. "Sapagkat ang nakaraan ay hindi nawawala, Ibarra. Ito'y nananatili—sa alaala, sa dugo, at sa lupa mismo. Nakikita mo ngayon ang mundong itinayo mula sa mga abo ng mga desisyong ginawa mo noon. Ngunit may pag-asa pa para sa bumawi."
Dahan-dahang tumango si Maria Clara. Lumambot ang kaniyang tingin, ngunit nanatili ang lungkot sa kaniyang mga mata.
Napaluhod si Ibarra, habang bumabalot sa kanya ang bigat ng pagkaunawa. Pagbawi. Posible pa bang mangyari, sa kabila ng kaniyang mga kasalanan? Paano? Sa mundong ito, sa modernong panahon na tila nakalimutan na ang mga pangarap ng nakaraan, saan kaya siya mag-uumpisa?
"Kailangan mo lang alalahanin, Ibarra." sabi ni Elias. "Hindi pa tapos ang laban. Hindi kailanman natapos."
Mabilis na dumaloy ang mga bagay bagay kay Ibarra—ang rebolusyonaryo ng nakaraan, at ang mga mukha ng mga nagpoprotesta sa kasalukuyan na nakita niyang nagmamartsa para sa hustisya sa mga kalye ng Maynila. Iba na ang kanilang mga sigaw, at tila ilang daang taon na rin ang lumipas, ngunit pareho pa rin ang layuning dala ng mga sigaw na ito—kalayaan mula sa mga abusadong nang-aapi, at dignidad at pantay na tingin sa mga tao.
Hindi namatay ang laban sa panahon nila. Nagpatuloy ito.
Nilingon niya si Maria Clara, at sa kabila ng lungkot sa kaniyang mga mata, bakas rito ang kapatawaran at pag-intindi. Si Elias naman ay tumango, tulad ng dati, ay puno ng pananalig. Muli, tila nahanap ni Ibarra ang liwanag na kay tagal niyang hinahanap.
"Hindi pa tapos," bulong ni Ibarra, puno ng determinasyon. "At magpapatuloy ako."
by: Marygail Angelique Cesar
Madilim at malamig ang gabi, sa lilim ng mga puno sa tabi ng lawa, nag-iisa si Elias, tahimik na pinagmamasdan ang mabagal na agos ng tubig. Ang hangin ay malamig, ngunit mas malamig ang lamig sa kanyang puso. Isang mabigat na lihim ang bumabagabag sa kanya—isang lihim na tila kumakain sa kanyang kaluluwa.
“Lahat ng ito, kasinungalingan pala,” bulong niya sa kanyang sarili. “Ang buhay ko, ang mga pangarap ko, ang aking pakikibaka… lahat ito’y mga aninong hinabol ko, hindi ko nalaman na ako pala’y isang bahagi rin ng sistema ng kasamaan na aking kinasusuklaman.”
Sa bawat gabing nagdaan, naiisip ni Elias kung bakit ganito kabigat ang kanyang kapalaran. Ipinanganak siyang alipin ng kalupitan—biktima ng mga pangyayaring hindi niya pinili. Subalit sa paglalakbay niya, nadiskubre niya ang mapait na katotohanan: ang kanyang pamilya ang siyang sanhi ng maraming kasalanan, ang mga sugat na minana niya ay likha ng sariling dugo.
“Ang pagkamatay ng aking mga mahal sa buhay… ang mga sugat na dala ko, ang mga taong naging biktima ng kasaysayan… lahat ito’y bunga ng kasalanan ng aking ama at ng aming angkan. Ako, na ang layunin ay kalayaan, ay kasangkapan pala ng pagkawasak.” Tumigil si Elias, dama ang bigat ng bawat salitang bumibigat sa kanyang dibdib.
Dumating siya sa puntong hindi na niya alam kung ano pa ang dapat niyang ipaglaban. Paano siya lalaban sa isang sistemang siya mismo ay bahagi? Paano niya itatama ang kasamaan kung ang pinagmulan nito ay ang kanyang sariling laman at dugo?
“Hindi ko na kayang mabuhay sa ilalim ng kasinungalingang ito,” sabi ni Elias sa sarili, ang kanyang mga kamao’y mahigpit na nakasara, ang galit ay naglalagablab sa kanyang mga mata. "Ang dugo ko'y hindi na dapat dumaloy sa hinaharap. Ang mga susunod na salinlahi'y hindi dapat madungisan ng pagkakamali ng aking pamilya."
Ngunit may isa pang sugat na kailangang isara—ang sugat na dala ng kanyang ugnayan kay Ibarra. Ang binatang ipinaglaban niya, ang binatang nagbigay sa kanya ng pag-asa. Ngunit ngayon, sa ilalim ng liwanag ng buwan, ang katotohanang si Ibarra ay tagapagmana ng kasalanang sanhi ng kanyang pagkawasak ay tila isang malupit na biro ng tadhana.
"Ikaw, Ibarra... ikaw ang hindi mo alam na dahilan ng lahat ng ito," bulong niya habang dumadampi sa hangin ang pangalan ng kaibigan. "Ang dugo ng iyong ama ay naghatid sa akin sa puntong ito. Ikaw, na siyang pinag-uukulan ng aking pangarap ng pagbabago, ay bahagi rin ng sistemang pilit kong nilalabanan."
Tahimik niyang tinawag si Ibarra upang magkita. Ito na ang gabing matatapos ang lahat—ang mga sugat, ang galit, ang pighati.
…
"Elías," wika ni Ibarra. "Bakit mo ako pinatawag dito? Ano ang dahilan ng iyong mga pasaring?"
Ngunit hindi sumagot si Elias kaagad. Tahimik siyang tumitig kay Ibarra, tila sinusukat ang bigat ng kanyang mga salita. Lumangoy ang kanyang mga mata sa madilim na tubig ng lawa, na parang naghahanap ng kasagutan sa ilalim ng mga alon.
"Ako'y nagdusa, Ibarra," ani Elias sa isang tinig na puno ng pighati. "Ngunit ang aking mga sugat ay hindi dahil sa iyo, kundi dahil sa dugo ng aking angkan. Sa mga kamay ng aking ama, mga kapatid... sa kanilang pagkakamali at kasalanan."
Nagulat si Ibarra sa rebelasyon, ngunit bago pa siya makapagsalita, itinaas ni Elias ang kanyang kamay.
"Ang pamilyang inakala kong biktima ng kalupitan... sila pala ang ugat ng aking paghihirap. Sila ang nagdala sa akin sa landas ng sakit, sa landas na nagtulak sa akin upang maghimagsik laban sa mga kapangyarihan, laban sa lipunan, laban sa sarili ko."
Bumigat ang hangin sa paligid nila. Dumadagundong sa puso ni Elias ang bawat pintig ng kanyang galit at hinagpis.
"At ikaw, Ibarra... ikaw ang isa sa mga bunga ng kasalanan ng aking angkan. Ikaw ay isinilang sa kagandahang-loob, sa karunungan, ngunit sa kabila ng lahat, sa ilalim ng lahat ng iyon—ang iyong dugo ay dumadaloy dahil sa pagkakamali ng aking pamilya."
Napalunok si Ibarra, hindi sigurado kung ano ang naririnig niya. "Ano ang ibig mong sabihin?"
"Ang iyong ama... siya ang dahilan kung bakit ang aking pamilya ay winasak. Siya ang dahilan ng pagkamatay ng aking mga mahal sa buhay. At ngayon, ikaw ang tagapagmana ng kanyang yaman at kapangyarihan." Lumapit si Elias kay Ibarra, at sa kanyang mga mata, may apoy na hindi pa nakita ni Ibarra noon.
"Kailangan itong matapos."
Bago pa man makapagtanong si Ibarra, mabilis na kumilos si Elias. Sa isang kisapmata, isang kutsilyo ang tumusok sa dibdib ni Ibarra. Bumagsak siya sa lupa, hindi makapaniwala sa mga nangyayari.
"Elias..." bulong ni Ibarra habang unti-unting nawawalan ng lakas ang kanyang katawan.
"Para sa kalayaan, Ibarra," sagot ni Elias, mga luha'y pumapatak sa kanyang mga mata, ngunit wala nang babalikan. "Para sa mga kaluluwa ng mga nasawi. Ang kasalanan ng ating mga ninuno ay hindi na dapat dalhin ng mga susunod na henerasyon."
Pagkatapos, sa gitna ng kadiliman, hinarap ni Elias ang lawa. Hawak ang kutsilyong pumatay kay Ibarra, itinusok niya ito sa kanyang sariling dibdib. Pumailanlang ang kirot, ngunit hindi ito mas matindi sa kirot na dala ng kanyang pagkilala sa sariling kasaysayan.
Unti-unti siyang bumagsak sa lupa, katabi ng katawang wala nang buhay ni Ibarra. Sa kanyang mga huling hininga, isang payapang ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Hindi dahil sa nagwagi siya, kundi dahil natapos na rin ang siklo ng paghihiganti at galit.
Ang kalayaan ay dumarating sa iba’t ibang anyo—at para kay Elias, ito ay sa anyo ng kamatayan.