TALAAN NG NILALAMAN
Isinulat ni Bien Sagun
Walang eksaktong bilang ang makapagpahayag ng hustong porsyento ng mga Pilipinong naninirahan sa kahirapan at patuloy na nakikibaka sa mga suliraning dulot nito. Ang ilan ay tila nawawalan na ng kapag-asahan upang baklasin ang tanikala ng kahirapan, na mahigpit na gumagapos sa milyong-milyong pamilya sa bansa. Naisin man nilang lumaya ay patuloy pa rin silang hinihila pababa ng iba pang mga suliraning kaakibat nito. Ang kahirapan ay tumutukoy sa sitwasyon ng isang tao na nakahahadlang sa pagkamit ng mga pangunahing pangangailangan, gaya ng edukasyon, disenteng pamumuhay, sapat na pagkain, at pundamental na pangangalaga sa kalusugan. Kaakibat nito ang pagkakaroon ng kakulangan sa pinagkukunan ng kita at pagtugon sa pangangailangang pisikal at sikolohikal.
Maraming salik ang nagiging sanhi at patuloy na nagpapayabong sa isyu ng kahirapan sa bansa. Ang mga ito ay nagsisilbing daluyan ng malayang batis na patuloy na nagpapahirap sa hindi mabilang na mamamayan. Magmula noong panahong napagtagumpayan natin ang kasarinlan ng bansang pilipinas, hindi pa rin tayo tuluyang nakalaya sa pananakop ng kahirapan sa ating inang bayan. Marami pa rin sa mga kapwa nating Pilipino ang lugmok, at naghihikahos na takasan ang mga salik na nagbabaon sa kanila sa bangungot ng kahirapan.
Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng nakararami sa hamong dulot ng patuloy na paglaganap ng kahirapan sa bansa. Nananatili pa rin itong pagsubok para sa mga nanunungkulan at sa mga taong uhaw sa pagbabago at kapag-asahan. May mga indibidwal na kinikilatis at patuloy na sinusuri ang mga inisyatibang binubuo ng mga namamahala, at naglalayong gisingin ang tulog nilang kapangyarihan. Ito ay nakapagpamulat sa nakararami, at nagpasimula ng mga aktibidad na naglalayong himukin ang kinauukulan at ang diwa ng sambayanan—naglalayong lumaban para sa muling pagkuha ng kasarinlan ng bansa, kalayaan mula sa kahirapan.
Isinulat nina Tedrick Hernandez at Carlos Dela Masa
Upang mas maunawaan ang sakop at tindi ng kahirapan sa bansa, mahalagang silipin rin ang kasaysayan ng lawak at laki nito. Ayon sa makasaysayan na saliksik ng Asian Development Bank (2009), gamit ang metodolohiya ng National Statistics Coordination Board na sinimulan noong 1985, gawing pabago-bago ang poverty incidence kada 3 taon: 44.2% noong 1985, 40.2% noong 1988 (-4.0%); 39.9% noong 1991 (-0.3%); 35.5% noong 1994 (-4.4%); 31.8% noong 1997 (-3.7%); at 33.7% noong 2000 (+1.9%). Para naman sa mga taong 2000, 2003, at 2006, ang poverty incidence among families sa pangkalahatang populasyon ay 27.5% (0.0%), 24.4% (-3.1%), at 26.9% (+2.5%) ayon sa pagkakabanggit. Ang may pinaka-mababang average poverty incidence na rehiyon ay ang NCR (5.9%; 5.8%, 4.8%, 7.1%), habang ang may pinaka-mataas naman ay ang ARMM (51.5%; 53.8%, 45.4%, 55.3%).
Sa pangkalahatang pag-unawa, sinabi ng Asian Development Bank sa kanilang saliksik na ang pangunahing dahilan para sa pagtaas ng poverty rate ay ang mababang kalidad at bilang ng mga trabahong inihahandog. Malaking dahilan rin ang pagtaas ng inflation rate lalo na sa mga panahon ng delubyo, mabilis na pagtaas ng populasyon, at matalas na economic inequality sa mga panlipunang uri na siyang nagsisilbing sagabal sa economic expansion. Napatunayan rin nila sa mga metodolohiyang istatistikal na hindi nabubuhat ng economic growth ang poverty rate sa bansa, at kinakailangan pa ng mas epektibong saliksik para sa talamak na kahirapan upang makahanap ng mas makabuluhan at mas sistematikong mga paraan upang malubsan ang isyu ng kahirapan sa bansa.
Para naman sa kasalukuyan, ayon sa Philippine Statistics Authority (2022) sa kanilang latest report, 18.1% ng populasyon ng Pilipinas ay namumuhay sa ilalim ng poverty threshold, o 19.9 milyong Pilipino. Ito ay mas mataas kaysa sa poverty report noong 2018, kung saan 17.7 milyong Pilipino ang naitalang namumuhay sa ilalim ng poverty threshold. Ito ay nangangahulugang mayroong 12.43% na pagtaas sa poverty rate sa loob ng 4 na taon, o 3.1% average growth kada taon. Ayon rin sa kanilang latest report, tumaas rin ng 1.01 milyon ang mga Pilipinong “food-poor,” o ang mga Pilipinong hindi abot ang minimum income para sa naitalang basic food requirement ng gobyerno. Ang unemployment rate naman ay umabot na ng 7.8%, na nangangahulugang 3.71 milyong Pilipino. Importante rin na ibahagi na ang latest report ng Philippine Statistics Authority ay binangga ng maraming kritisismo. Unang-una, kahit sa 2022 inilathala ang report, 2021 pala ginawa ang mga surveys at data gatherings. Ang poverty threshold rin mismo ay binatikos ng mga statisticians at mga ekonomista, sapagkat ayon sa report, kailangan lamang ng isang pamilya na may limang (5) miyembro ng USD 1.41 kada araw para makabili ng sapat na pagkain.
Ayon sa Manila Times (2022), kailangan ng gobyerno at ang Philippine Statistics Authority na gumamit ng mga statistikal na modelo na akma sa global standards on poverty, partikular sa batayan ng ASEAN at ng iba pang mga internasyonal na union. Sinabi rin sa inilathala ng report ng Philippine Statistics Authority na patuloy pa rin ang diperensya sa poverty rate sa pagitan ng mga siyudad na lugar at sa mga rural areas. Ang Metro Manila pa rin ang may pinakamababang density sa kahirapan habang ang Bangsamoro Autonomous Region naman ng Muslim Mindanao ang may pinakamataas. Alinsunod sa mga ito, ang pribadong polling station na Social Weather Station (2022) ay naglathala rin ng kanilang latest report ukol sa pananaw ng mga pamilyang Pilipino patungkol sa kanilang estadong pang-ekonomiya. Ayon sa kanilang datos, 48% ng mga pamilyang Pilipino ay nagsasabing sila ay mahirap at lalong naghirap dahil sa pandemya.
Ayon sa Asian Development Bank (2009) sa kanilang historikal na pagsasaliksik, mayroong malaking diperensya sa hindi pagkakapantay-pantay sa pinansyal na katayuan sa mga iba’t ibang panlipunang uri sa bansa. Dahil dito, hindi nasasagip ng mga pang-ekonomiyang pang-unlad ang poverty reduction. Malawak rin ang problema sa mga pagkukulang ng kalidad sa mga anti-poverty na programa ng gobyerno at ang mga lokal na institusyon; karaniwan ay mga pansamantalang paggaan lang ang mga ito at hindi tinitira ang mga sistematikong problema na nagsasangay sa kahirapan. Mahina rin ang kapasidad ng mga LGU sa paghain ng mga poverty reduction programs, lalo na sa mga rehiyong katulad ng ARMM kung saan talamak ang presensya ng kahirapan sa maraming pamilya. Kahit man gumawa ang gobyerno ng mga patakarang alinsunod sa MDGs (millennium development goals) noong 2015 patungo sa pagbawas ng poverty rate, hindi naabot ang mga target dito, at hindi na nagkaroon ng pagsubaybay na mga programa at plano ang gobyerno patungkol dito.
Upang malutasan ang problema ng kahirapan na nagpapanganib ng kalidad ng pamumuhay sa bansa, ayon sa ADB, kailangan ng multi-dimensional at multidisciplinary na pamamaraan ang gobyerno patungkol sa paglutas ng kahirapan. Hanggang ngayon, wala pa ring matibay na direksyon ukol dito. Dahil diyan, kasama na rin ang patuloy na pagtaas ng inflation rate at pagtuloy ng economic decline ng Pilipinas lalo na sa ating unemployment rate, patuloy pa rin tumataas ang ating poverty rate nang walang senyales ng pagbagal.
Isa ang kawalan ng edukasyon sa sa mga pangunahing sanhi ng kahirapan sa Pilipinas. Ngayon, ang bilang ng porsyento ng mahihirap na mamamayang Pilipino ay nasa 20 milyon na. Nakapanlulumong isipin na ang daming mahihirap ang patuloy na humihirap ngunit ang gobyerno ay hindi nakapagsasagawa ng sapat na mga programa at inisyatibang pakikinabangan ng mga nasa laylayan. Ang isang sanhi nito ay mismong mga nakatataas o ang nasa pamahalaan ang sumasaklaw sa mga mahihirap. Ibig sabihin, ang mga nailulunsad na mga proyekto ay nakasandig pa rin sa pansarili nilang interes lalo na ang mga may malalaking negosyo o pribadong korporasyon. Sa taong 2020 lang, nagkaroon ng 275 billion na pondo ng gobyerno upang makatugon sa pangangailangan ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya (Gita-Carlos, 2020; Limos, 2020). Ngunit sa kabila ng lahat ng mga hiniram na bilyon-bilyong pera, mas lalong naghirap ang bansa at nadagok sa mga utang—ang mahirap ay mas lalong naghihirap; muli, walang inisyatiba ang pamahalaan ukol sa pag-angat ng mga nasasakupan mula sa laylayan
Sa patuloy na paglaganap at pag-usbong ng sinasabing “golden nation” sa katatapos lamang eleksyon, patuloy pa rin ang rumaragasang isyu ng kahirapan at korapsyon. Isa sa mga katanungan na sasagutin ng kasalukuyang administrasyon. Ang tindi ng korapsyon ay may malawak na epekto sa sangay ng kabuhayan at pamumuhay ng tao tulad ng pagkonsumo sa mga produkto at serbisyo o ang simpleng oportunidad na makakuha ng pangangailangan (Gonzalez, 2021). Isa rin itong kanser ng pamahalaan na naging ugat ng maraming kahirapan ng bansa, at ang kapangyarihan na magnakaw ng kaban ng bayan ay isang hamon para sa mga mamamayan. Naging isang sistema ng lahat ng sektor ng ating gobyerno ang korapsyon (Lachica, 2021). Dahilan ng patuloy na paglugmok ng kahirapan ay ang patuloy na laban mula sa oligarchy, patronage politics ng mga trapo at ang political dynasty na nagpapanatili sa luma at di makabuluhang administrasyon at pamamahala (Penaflor, 2015). Sa baluktot na sistema ng pamamahala, mas maliit ang nalilikom at nabibigay na pondo para sa imprastraktura, at mas maliit pa para sa mga benepisyo at sweldo ng mga mamamayan at iba pang mga sangay ng nasyon, tinatawag na rin itong “vicious cycle” dahil sa sistema na hinaharap ng korapsyon (Multiply user Emmanuel, 2009). At sa kasalukuyang administrasyong Marcos at Duterte, may kakayahang muling pabagsakin ang integridad ng demokrasya, kayamanan ng bayan, at ang boses na nagbubuga ng katotohanan at aksyon para sa pagbagsak ng korapsyon at ng pag-angat mula sa kahirapan (Scientia, 2022).
Ipinalaganap ng kasalukuyang administrasyon ni Presidenteng Ferdinand Marcos, Jr. na isa sa kanilang pananaw ay mabawasan ang poverty rate sa isang digit na lamang sa loob ng kanyang anim (6) na taon na katungkulan. Upang makamit ito, sinabi ni Diwa Guinigundo (2022) na kailangang ayusin ng gobyerno ang health mitigation program, social amelioration, small business support, at economy recovery efforts upang mabawasan nang lubusan ang presensya ng malubhang kahirapan sa bansa.
Isinulat ni Paolo Manalac
Bagaman mapanghamon, maraming mga indibidwal pa rin mula sa iba’t ibang sektor ang nagnanais solusyonan ang isyu ng kahirapan sa Pilipinas; sa macro na lebel, isa na dito ang gobyerno. Subalit, sa pagusbong ng pandemya dulot ng COVID-19 virus, lumala pa lalo ang nasabing isyu, sapagkat maraming mga bagong regulasyon o batas ang naimplementa upang mapigilan ang tuluyang pagkalat ng nasabing virus–kung saan marami ang natanggalan ng trabaho. Ang mga pamilyang dating nabubuhay sa hirap ay mas lalo pang nabaon sa kanilang hinaharap sa pagkawala ng trabaho ng kani-kanilang pamilya. Ayon sa isang Discussion Paper Series ni Celia Reyes (2021) ng Philippine Institute for Development Studies, inaasahan ng pamahalaan ng Pilipinas na tuluyang puksain ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng mga sumusunod sa taong 2030:
Unang una, ang agraryang reporma. Sa mga nakaraang dekada, pinaglalaban ng mga magsasaka ang land reform, kung saan ito ay naglalayong bigyan ang mga tenant-farmers–o ang mga magsasaka na nagsaka sa isang partikular na lupa–ng kapiraso o bahagi ng lupa mula sa kani-kanilang mga amo, upang pag mamayarian nila ito (Manapat, 2018). Gayunpaman, sa pag-usbong ng modernisasyon, hindi maikakaila ang pagtaas ng mga presyo ng mga bagay-bagay at ang pagdami ng mga indibidwal, lalo na ng mga magsasaka na naghihirap at hindi man lang gaanong kumikita sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. Makikita na kinakailangan ng panibagong klase ng reporma; dito papasok ang agrarian reform program. Ayon sa Food and Agriculture Organization of the United Nations (2020), ang Comprehensive Agrarian Reform Law of 1998 (Republic Act 6657) na iprinoklama ni dating pangulong Corazon C. Aquino ay nakapokus sa pagbubuo ng maayos na relasyon sa pagitan ng mga magsasaka at landlords, kung saan papamahagian din sila ng lupa, at gayundin na sinisiguro ang kabuhayan ng mga magsasakang ito, na sila ay kumita upang mas magkaroon ng maayos na buhay.
Pangalawa, ang Comprehensive Tax Reform Program (CTRP). Ayon sa website ng Department of Finance, ang CTRP ay iminungkahi ng administrasyong Duterte upang matupad ang pagbabagong ninanais ng dating pangulo, kung saan nilalayon nitong maiwasan ang pagtaas ng numero ng mga Pilipinong naghihirap at ang isyu ng hindi pagkakapantay-pantay (inequality). Sinasabi na ito ay “mas simple, patas, at mabisa.” Datapwat, ito ay naging kontrobersyal at nakatanggap ng maraming batikos mula sa maraming indibidwal at iba’t ibang organisasyon sa bansa. Sa isang artikulo na inilathala ng Anakbayan noong taong 2018, ibinahagi ng organisasyon na taliwas sa layunin ng administrasyon o ng pangulo ang naidudulot ng nasasabing programa o batas. Sapagkat imbis na pakinabangan ito ng mga Pilipinong nasa lower at middle class sa pinansyal na aspeto, pinalala lamang ito.
━━━━━
...inaasahan ng pamahalaan ng Pilipinas na tuluyang puksain ang kahirapan sa bansa...sa taong 2030.
━━━━━