Tinutubuan pa noon ng bakawan ang gilid na bahagi ng Tangos. Pangingisda ang pangunahing paraan na ikinabubuhay ng mga tao dito. Sa bungad ng baryong ito ng Tangos ay nakatayo ang isang maliit na kapilya noong 1883.
Nabago ang hamak na kapilya na ito sa panahon ni Fr. Magdaleno Castillo. Nang inihandog ang imahen ni San Roque na ayon sa mga matatanda ay nagmula sa pamilya ni Don Miguel Pascual, nagpatuloy ang pangangasiwa ng kapilya, pagmimisa at pagpapabago sa altar.
Taong 1951, sa kapahintulutan ni Msgr. Gabriel Reyes, Arsobispo ng Maynila, ang kapilya ay naitatag bilang isang nagsasariling parokya at ang misa ay ginanap ng itinalagang kura-paroko na si Fr. Gerardo Bautista.
Si San Roque, na itinuturing na patron ng mga mangingisda at ng dalawang malaking barangay ng Navotas, ay pintakasi rin laban sa peste at ng mga gumagawa ng baldosa, ng mga sakit sa tuhod at ng mga siruhano.
Ayon sa kuwento ng mga matatanda, noong ika-sampung siglo, naganap ang pagmimilagro ng mahal na patrong San Roque. Sa isang bayan na kung saan marami ang maysakit, naglakbay ang isang matandang, lalaki at sinabi sa mga naninirahan doon na sa bukana ng Tangos, may isang kapilya na mayroong balon. Ang tubig daw sa balon na ito ay nakapagpapagaling sa kanilang karamdaman. Maraming tao ang nagpunta sa sinasabing lugar at maraming gumaling. Ilan sa kanila ang nagsabi na ang matandang lalaki ay kamukha ng patrong San Roque.
Kaya't di naman dapat ipagtaka kung bakit noon pa man hanggang sa ngayon ay patuloy na dinarayo ang parokya sa tuwing ipagdiriwang ang kapistahan nito. Napili ang buwan ng Enero dahil sa panahong ito ay sagana sa huli ang mga mangingisda. Pangisdaan ang pangunahing ikinabubuhay ng mga taga-rito.
Makulay, magarbo at masaya. Ito ang kapistahan ni San Roque na siguradong bubusog sa mga mata ng mga manonood na humahanay sa daan para saksihan ang natatanging okasyon na ito. Ang mga musiko at mga karosa gayundin ang mga palabas at paligsahan ang bumubuo sa kapistahan ni San Roque na sinisumulan sa pagnonobena, pagmimisa, pagpruprusisyon sa umaga at gabi, at pagpapakain sa sinumang namimiyesta.
Ayon na rin sa mga matatanda, umaabot sa dalawampung grupo ng manunugtog tuwing piyesta. Nagmula sa mga taga-rito ang isang banda na mahilig sa musika na ang tawag ay Musikong Bunganga dahil ginagamit nila ang kanilang bibig sa pagtugtog.
Ginaganap din sa ilog ang pagoda sa umaga na nilalahukan ng mga may-ari ng mga bangka, malaki man o maliit, upang ipagdiwang at magbigay-pugay sa patrong San Roque. Sa pagoda, inililibot sa ilog na nasasakupan ng parokya ang imahen ni San Roque para humingi ng tulong sa patron na biyayaan ang mga mangingisda ng masaganang huli. Para sa karamihan, si San Roque ang simbolo ng kanilang pag-asa.
By: Navotas: Sentrong Pangisdaan ng Pilipinas magazine
OBERON “OBER” PECJO
Ober Pecjo was an organist during the time of Monsignor Ramos and the original composer of the Awit kay San Roque in 1982.
AWIT KAY SAN ROQUE
Isang Dakilang Araw, Ngayo'y ipinagdiriwang.
Bayang tinutulungan ay may kaligayahan!
Sa mga biyaya na aming nakakamtan,
Sa mga ginhawang aming nalalasap,
San Roque! San Roque! Salamat sa'yo!
San Roque! San Roque! Iyo ang puso ko!