Marami ang takot sa karayom na hawak ng mga nurse o doktor sa tuwing tayo ay nagkakasakit. Ngunit, hindi nito mapapantayan ang takot na nadarama ng mga Pilipino sa tuwing sila ay nakatatamo ng malubhang karamdaman. Para sa karamihan, delikado ang tulis ng karayom tuwing ito ay dadapo sa ating balat, ngunit ang pagdapo nito ay siya ring magiging rason ng ating kaligtasan.
Kasing-ningning ng dulo ng karayom ang layunin ng Department of Health (DOH) na mabakunahan ang higit sa 3.8 milyong estudyante ng mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ang programang "Balik Eskwela" ay naglalayong mabakunahan ang mga estudyante mula sa unang baitang hanggang sa ika-pitong baitang. Ang mga bakunang nais na ilabas ng DOH ay ang measles-rubella at tetanus vaccines. Nais din nilang mabakunahan ng HPV jabs para sa proteksyon mula sa cervical cancer ang 973,930 na babaeng mga estudyante mula sa baitang apat. Dahil dito, unti-unting mababawasan ang mga kaso ng mga naturang sakit.
Naghatid naman ng pasasalamat ang Kalihim ng DOH na si Dr. Teodoro Herbosa kay Pangulong Marcos sa paglalaan nito ng PHP 853 milyon na badyet sa pagpapatupad ng programa sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas. Ito ay isang magandang implikasyon na suportado ng ating gobyerno ang pagpapanatili ng malusog at masiglang buhay ng mga susunod na henerasyon.
“We also thank our partners from the DepEd and the local government units across the country for helping us save the lives of our students,” saad niya pa.
Ang pagbibigay ng bakuna ay magsisimula sa October 7, 2024 na magtatapos naman sa buwan ng Nobyembre. Kada biyernes bawat linggo ay maaaring magpabakuna ang mga batang gustong magpabakuna sa lahat ng eskwelahan ng DepED.
Matatandaang nagkaroon ng pagtigil sa operasyon ang SBIP noong kasagsagan ng Covid-19 dahil sa mga restriksyon ng pandemya. Dahil dito, lumala ang mga kaso ng measles at rubella, diphtheria, at neonatal tetanus na naging sanhi ng kahindik-hindik na pagkamatay ng maraming kabataan.
Kakulangan sa Kaalaman o Kakulangan sa Tiwala?
Dahil sa mga nakaraang isyu tungkol sa mga bakuna, nadungisan ang imahe ng DOH na naging sanhi ng pag-ayaw ng ilan sa mga magulang ng mga kabataang babakunahan.
Isiniguro naman ng Kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Sec. Sonny Angara na magsasagawa ang DepEd ng kampanya upang mas mahikayat ang mga estudyante pati na rin ang kani-kanilang mga magulang na magpaturok ng bakuna.
Saad naman ni Dr. Herbosa, kinakailangan pa rin ng pahintulot ng magulang upang mabakunahan ang mga bata. Kung hindi naman papayag ang magulang ay pupunta ang mga health workers sa kani-kanilang tahanan upang tanungin ang mga magulang kung bakit hindi nito nais na pahintulutan ang anak na magpabakuna, at ipaliliwanag ang mga benepisyo ng mga bakuna. Sa ganitong paraan, walang kabataan ang mahuhuli sa pagpapanatili ng kaligtasan sa ating bansa.
Sa bawat tusok ng karayom na nararamdaman sa ating balat, ay mayroong isang pangarap na masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng bawat batang Pilipino. Ang "Balik Eskwela" ay hindi lamang isang programa kundi isa itong paglalakbay, dahil sa bawat turok ng karayom, isang hakbang ang naiaambag nito para sa proteksiyon ng mga susunod na henerasyon.