History of the School

Ang Kasaysayan ng Paaralang Barangay ng Subic

Bawat bagay ay may kuwento ng pinagmulan. Bawat pangyayari ay may kasaysayan at bawat karanasan ay salaysay sa bawat yugto ng buhay. Hindi ganap ang paglalarawan ng pinagsimulan ng paaralan kung hindi bibigyang pagpupugay ang isang taong naging dahilan kung bakit nagkaroon ng paaralan ang pamayanan ng Subic. Isang nilalang ang marapat na gunitain at itampok sa kanyang namumukod tanging naiambag sa kasaysayan ng Paaralang Nayon ng Subic na dating nakilala bilang Pang-alaala kay Ernesto Escaler.

Sa kanyang hangarin na maiangat ang maralitang pamumuhay sa sinilangang lugar at sa kaisipang ang edukasyon ang susi ng tagumpay ng mga kabataang pag-asa ng hinaharap, si G. Ernesto Escaler ay naging sandigan at instrumento upang maitayo sa nayon ng Subic ang isang institusyon ng bukal ng kaalaman. Naitala ang Marso 14, 1969 na isang makasaysayang araw sa Nayon ng Subic matapos ipagkaloob ni G. Escaler ang may 5 073 ektarya na kanyang lupain na pinagtayuan ng gusali na kinilala ngayon bilang Paaralang Barangay ng Subic.

Isang gusali na may dalawang silid-aralan ang unang mukha ng paaralan. Satellite school ito noon ng Paaralang Sentral ng Hilagang Baliwag kaya nagbukas ng unang klase sa mga batang mag-aaral sa ikaapat na baitang. Ang punung-gurong namahala sa unang taon ng paaralan ay si Gng. Salome Villaroman. Nang sumunod na taon ay nadagdagan din ang mga silid-aralan. Binuksan ang pintuan ng paaralan para sa mga mag-aaral mula sa Baitang I at kung saan nagtalaga rin dito ng pitong guro. Taong 1972 nang magpadala ang dibisyon ng pangulong-guro sa paaralan sa katauhan ni G. Maximiano A. Ventura. Dalawang taong panuruan lamang ang nakalipas at noong Marso 1972, naganap ang unang palatuntunan sa pagtatapos sa Paaralang Subic.

Mahabang panahon ang ipinaglingkod ni G. Ventura sa Paaralang Subic. Sa pamamahala sa paaralang ito siya nataas ng tungkulin bilang Principal I noong 1974. Sa kanya ring panunungkulan ay nakapagpatayo ang paaralan ng ilan pang mga gusali at naging kumpletong paaralang elementarya. Ang dating pito na bilang ng kaguruan ay nadagdagan ng lima pa.

Taong panuruang 1985-1986 nang magpasyang mamahinga sa tungkulin si G. Ventura. Agosto 1986 nang humalili sa kanya bilang pangulong-guro si G.Federico P. Payuran.

Tulad ng kanyang sinundang punung-guro, bumilang din ng maraming taon ang paglilingkod ni G. Payuran sa paaralan. Matapos ang sampung taon ng panunungkulan bilang head teacher, nagpasya siya na mangibang bansa at nagbitiw sa tungkulin noong taong 1996. Humalili pansamantala bilang gurong tagapamahala si G. Ireneo Guittap. Sa kanyang pagsisigasig na maging mabunga ang pagtitiwalang iniatang sa kanya, pinangunahan ni G. Guittap ang paglikom ng pondo at mga suportang materyal at pinansyal upang maipatayo ang dalawang gusali ng paaralan na sa kasalukuyan ay ginagamit bilang tanggapan ng punung-guro at silid ng edukasyong pantahanan.

Nahirang na pangulong-guro ng paaralan si G. Norberto M. Catacutan sa pagbubukas ng taong panuruan 1997-1998. Ngunit hindi tulad ng mga administrador na sinundan, isang taon lamang ang ipinaglingkod ni G. Catacutan at siya’y nalipat ng ibang distrito ng sinundang taon 1999. Gayundin ang pamamahala ni Gng. Lucia A. Trinidad na naging pangulong-guro ng paaralan ng ilang buwan lamang na taon ding iyon at nataas ng tungkulin at naglingkod sa purok ng San Ildefonso.

Sa kawalan ng punong gurong mamamahala sa pagpasok ng taong panuruan 1999-2000, pansamantalang itinalaga bilang OIC si G. Emmanuel T. Bacos hanggang dumating ang kahaliling pangulong-guro ni Gng. Trinidad na si G. Rufo A. Romano na nagmula sa Paaralang Pang-alaala kay J.V. Ycasiano sa Purok din ng Hilagang Baliwag noong Oktubre 1999.

Tumagal ng apat na taon ang pamamahala ni G. Romano hanggang sa siya’y magretiro noong 2002. Sa kanyang binakanteng tungkulin ay pumalit si Gng. Godofreda M. Maἦaol noong Hulyo ng nasabi ring taon.

Sa masigasig na panunungkulan ni Gng. Maἦaol ay maraming mga proyekto ang naisakatuparan sa paaralan. Kaagapay ang masisipag na pamunuan ng Parents, Teachers and Community Association (PTCA) sa pangunguna ni G. Melencio Calingasan bilang pangulo, nakapagpagawa ang paaralan ng “mini park” na nagging magandang laruan, pahingahan at pasyalan ng mga mag-aaral. Siya din ang pangulong-guro nang maitayo ang covered court ng paaralan mula sa proyekto ni kinatawan Pedro Pancho. Sa kanya ding pamumuno pinaayos ang malaking bahagi ng bakanteng lugar ng paaralan na ginawang school garden at pinalibutan ng konkretong bakod. Ang hardin, pinakamalaki sa Purok ng hilagang baliwag ay isa sa naging dahilan upang tanghalin ang Paaralan ng Subic bilang “grand slam champion” sa Project SIKKAP. Naging epektibo din sa kanyang panahon ang campus journalism kung saan ang mga mag-aaral at ang Kudyapi, opisyal na pahayagan sa Filipino, ay nagwagi ng mga karangalan hanggang sa pangrehiyong kumpetisyon.

Kaakibat ng kanyang pagsisikap at mahusay na paglilingkod, si Gng. Maἦaol ay nataas ng tungkulin bilang Principal I at nalipat sa mas malaking paaralan ng Tibag noong 2007. Humalili bilang pangulong-guro na di-naglaon ay nataas din ng tungkulin bilang punong-guro si Gng. Marilyn P. Samson. Tulad ng sinundang punung-guro, nagpamalas din si Gng. Samson ng kahanga-hanga at namumukod-tanging pamumuno. Sa pisikal na anyo ay tunay na kasiya-siya ang malaking pagbabago sa paaralan. Pagbungad pa lamang sa paaralan ay tatambad na agad ang mga palyo (canopy) mula sa entrada hanggang sa katapat ng mga silid-aralan sa ika-apat na baiting. Nagpagawa rin si Gng. Samson, sa pakikipagtulungan ng PTA, ng mga konkretong upuan at mesa na nagsisilbing pahingahan at kainan ng mga mag-aaral. Mayroon na ring bahay-kubo na naging pangunahing atraksyon sa harap ng gusali ng mga silid-aralan ng Baitang 6 at Kindergarten at mga upuan na animo’y mga gulong ng kalesa na lalong nagpapatingkad sa kariktan ng tanawin.

Hindi lang sa pisikal na anyo maipagmamalaki ang mga pagbabago at pag-unlad sa paaralan sa ilalim ng pamamahala ni Gng. Samson. Sa patuloy na paglakad ng panahon, kasabay ng pamamayagpag at pag-ani ng karangalan mula sa iba’t ibang paligsahan na kanilang sinalihan pandistrito man o pandibisyon ang mga magagaling na mag-aaral ng Subic. Hindi rin pahuhuli ang mga mahuhusay na guro ng paaralan. Ang bawat silid-aralan ay kabilang sa mga pinakamagaganda at pinakamaayos na mga silid-aralan base sa ginaganap na taunang pre-assessments.

Marami na ang nagtapos at patuloy na umaani ng tagumpay sa iba’t ibang larangan ng buhay hindi lamang dito sa bayang sinilangan kundi maging sa ibayong dagat ng mga naging produkto ng paaralan.Malagas man ang maraming dahon sa tangkay ng panahon, patuloy ang Paaralan ng Subic sa paghubog at paghulma sa mga kabataan na kabahagi sa inaasam na pagbabago at pagbangon ng pag-asa.

Hindi naglaon ay nataas ng tungkulin si Gng. Samson bilang Principal II, siya ay nalipat ng Makinabang Elementary School, pumalit sa kanya ang isang taong napakabait at down to earth sa katauhan ni Gng. Zenilda Ignacio mula sa Pandi District na dating Master Teacher na pumasa sa Principal Test kaya napunta sa Subic Elementary School. Siya ay naglingkod sa Subic Elementary School mula taong panuruan 2012-2014. Tulad ng sinundang punung-guro, nagpamalas din si Gng. Ignacio ng kahanga-hanga at namumukod-tanging pamumuno. Sinamantala niya ang pagkakataon na maaari na siyang maglingkod sa sarili niyang bayan kaya’t siya ay nag-apply sa Division Office kaya siya ay muling nabalik sa kanyang dating distrito ng Pandi.

Taong 2014-2015 ay pumalit si Gng. Ceferina B. Gongon na mula sa Baliwag South, nagpakita rin siya na husay sa pamumuno at nagsikap na panatilihing maganda at maunlad ang paaralan. Hindi naglaon ay nalipat siya sa JVYcasiano kung saan doon ay ipinagpatuloy niya ang paglilingkod bilang Punung-guro. Sumunod ay si Gng. Lorna E. Bojangin na naglingkod ng taong 2015-2017 sa paaralan. Isa rin siyang mahusay at magaling na Punung-guro, iniisip niya ang lahat ng makakabuti sa paaralan at kapakanan ng mga batang nag-aaral dito pati na rin ang mga guro. Hindi rin naglaon ay nalipat si Gng. Bojangin sa Catulinan Elementary School. Maraming mga proyekto ang nagawa ng mga nakaraang mga Punung-guro. Nang malipat si Gng. Bojangin ay pumalit naman si Gng. Leonila R. Yanto bilang Punung-guro mula taong 2017 hanggang 2021. Siya naman ang nag-alay ng dedikasyon at pagmamahal sa paaralan, sa mga batang nag-aaral lalong-lalo na sa mga kaguruan. Sa ngayon ay binubuo ng 13 guro ang Subic Elementary School, 1 Master Teacher II, 2 Teacher III, 7 Teacher II at 3 Teacher I. Maraming naging pagbabago sa paaralan na hanggang sa ngayon ay napapakinabangan at napananatili sa pamamahala ng Punung-guro.