REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
DEPARTMENT OF EDUCATION
REGION III
SCHOOLS DIVISION CITY OF BALIWAG
EDUCATIONAL DISTRICT FIVE
STA. BARBARA HIGH SCHOOL
REPUBLIC OF THE PHILIPPINES
DEPARTMENT OF EDUCATION
REGION III
SCHOOLS DIVISION CITY OF BALIWAG
EDUCATIONAL DISTRICT FIVE
STA. BARBARA HIGH SCHOOL
OATH TAKING CEREMONY
SILIPIN ang makasaysayang Oath-Taking Ceremony ng mga Bagong Halal na Opisyal ng School Parent-Teacher Association (SPTA) at mga Opisyal ng School Clubs para sa Taong Panuruan 2025-2026!
Ang kanilang panunumpa ay isang patunay ng kanilang pananagutan at dedikasyon para sa mas maganda at mas matagumpay na taon ng pagtutulungan sa pagitan ng mga magulang, guro, at mag-aaral.
Sa ilalim ng kanilang pamumuno, inaasahan ang mas marami pang proyektong magpapaigting sa ating samahan at pagkakaisa. Sama-sama tayong magtulungan para sa ikauunlad ng ating paaralan at buong komunidad ng Sta. Barbara.
ARAL READING PROGRAM KICK-OFF CEREMONY AND PARENTS ASSEMBLY
Isang makabuluhang pagsisimula ng “ARAL Reading Program” ang matagumpay na isinagawa sa ginanap na “Kick-Off Ceremony & Parents' Assembly” ng Mataas na Paaralan ng Sta. Barbara!
Pinangunahan ito ni Bb. Marilen D. Pascual, ang ARAL Reading Coordinator, kasama ang masisipag na ARAL Reading Tutors na sina Gng. Danica R. Dela Peña at Bb. Aira May-Ann M. Cruz. Katuwang din sa nasabing gawain ang iba pang guro ng SBHS na buong pusong sumuporta sa hangarin ng programang ito.
Layunin ng ARAL Reading Program na paunlarin ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbasa at higit pang mapalalim ang kanilang pang-unawa sa bawat tekstong binabasa. Isa itong hakbang patungo sa mas matagumpay na pagkatuto para sa bawat Sta. Barbaranian.
Lubos ang pasasalamat ng ating sintang paaralan sa mga magulang na dumalo at nakibahagi sa gawain. Ang inyong suporta ay mahalagang salik sa tagumpay ng programang ito.
#BastaStaBarbaranianNakababasaYan
Parenting Seminar and 1st Quarter Distribution of Card
SILIPIN: Isinagawa nitong nagdaang araw ang “First Parenting Seminar, Parents Conference, at Pamamahagi ng First Quarter Report Cards para sa Taong Panuruan 2025–2026” sa Mataas na Paaralan ng Sta. Barbara. Nagsimula ang programa ganap na ika-1 ng hapon at naging sentro ito ng mahalagang talakayan sa pagitan ng paaralan at mga magulang.
Tinalakay sa seminar ang ilang mahahalagang paksa gaya ng:
• Boy Scout Membership, na inilahad ni Gng. Romelice T. Ebojo, BSP Coordinator, kung saan ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagiging kasapi sa Boy Scouts sa paghubog ng disiplina at pamumuno ng kabataan.
• PTA at School Paper Fee, na ipinaliwanag ni Bb. Marilen D. Pascual, PTA Secretary at School Paper Adviser, upang malinawan ang mga magulang sa layunin at alokasyon ng mga nasabing boluntaryong kontribusyon.
• Bonifacio: Isang Sarswela, na binigyang-buhay ni Gng. Clarence D. Veneracion, guro sa Araling Panlipunan, upang itampok ang kasaysayan at sining bilang bahagi ng holistic na edukasyon.
• ARAL Reading Program, na ibinahagi ng Punong-guro I na si Gng. Ria Sanchez, bilang programang sumusuporta sa mga mag-aaral na nangangailangan ng “reading intervention” at masusing paggabay sa pagbasa.
Sinundan ng nasabing “Parenting Seminar” ang pagbibigay ng iba pang mahahalagang anunsyo at pamimigay ng “Report Cards” sa kani-kaniyang mga silid-aralan sa pangunguna ng mga gurong tagapayo ng bawat baitang at pangkat.
Lubos ang aming pasasalamat sa mga magulang na nakiisa at nagpakita ng kanilang suporta sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa nasabing gawain.
Ang inyong presensya ay mahalagang bahagi ng tagumpay ng programang ito. Kayo po ang aming katuwang at inspirasyon sa patuloy naming misyon na ihanda ang mga mag-aaral para sa mas maliwanag na kinabukasan.
August - AVAM
Nationalism and Patriotism
Ang Nationalism ay pagmamahal sa bayan na nakaugat sa damdamin, paniniwala, at pagpapahalaga sa wika, kultura, at pagkakakilanlan, samantalang ang Patriotism ay ang kongkretong pagpapakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng gawa tulad ng pagtulong sa kapwa, pagsunod sa batas, at pagiging handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng bansa; at kapag pinagsama, nagiging ganap itong anyo ng tunay na pagmamahal sa bayan na may damdamin at pagkilos.
General PTA Orientation and Elections
Isinagawa ngayong araw ng Mataas na Paaralan ng Sta. Barbara ang kauna-unahang “General PTA Orientation and Elections” para sa Taong Panuruan 2025–2026!
Sa pangunguna ng pamunuan ng paaralan at pakikiisa ng ating mga magulang at panauhing mula sa barangay at lokal na pamahalaan, matagumpay na naidaos ang oryentasyon hinggil sa mga mahahalagang usapin ukol sa kapakanan, kaligtasan, at kaayusan ng mga mag-aaral.
Ipinagbigay-alam ng piling guro at tagapagsalita ang mga napapanahong isyu at patakaran ng paaralan—mula sa proteksyon ng mag-aaral, tamang paggamit ng gate pass tuwing lunch break at voluntary contributions, hanggang sa kalinisan, kalusugan, at mga alituntunin sa paaralan. Ang layunin: bigyan ng malinaw na gabay at kaalaman ang mga magulang upang maging katuwang sa edukasyon ng kanilang mga anak.
Pagkatapos ng pangkalahatang pagpupulong, isinagawa ang “Homeroom PTA Meetings” sa kani-kanilang silid-aralan, kung saan nagkaroon ng halalan para sa mga opisyal ng bawat baitang at pangkat.
Matapos nito, nagsama-sama ang lahat ng nahalal na “Homeroom PTA Officers” sa pangunahing lugar ng pagpupulong upang isagawa ang pangkalahatang halalan para sa “School PTA Officers” ng Mataas na Paaralan ng Sta. Barbara.
Maraming salamat sa lahat ng mga magulang at tagapangalaga na taos-pusong nakiisa sa gawaing ito. Ang inyong presensya at suporta ay mahalagang bahagi sa pagtataguyod ng isang edukasyong tunay na makatao, makabayan, at dekalidad.