BY MERVIN P. PEREZ, T-II
Ang nasabing proyekto ay naglalayong matugunan ang hamon na dulot ng pandemyang ating kinakaharap sa kasalukuyan. Layunin din ng proyektong ito na maibsan ang gastusing pinansyal ng paaralan sa pag-iimprenta ng mga SLMs at mas mapadali ang pamamahagi ng e-SLMs. Layunin din nitong mas lalo pang maiangat at mahubog ang kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa SHS ukol sa pagggamit ng mga teknolohiya bilang paghahanda sa kanila sa hamon ng buhay.
Bilang recipient ng mga Tablet PCs ng Kagawaran ng Edukasyon, napagpasyahan ng pamunuan ng paaralan na ipahiram at ipagamit sa mga mag-aaral ang naturang mga gadgets alinsunod na rin sa memorandum bilang 00-0720-0063 na nagbibigay pahintulot sa mga paaralan na pansamantalang maipagamit sa mga mag-aaral ang mga ICT devices, habang nag-aaral sa kani-kaniyang tahanan.
Agad isinagawa ang pagpaplano na pinangunahan ni G. Reynante A. Naral, punong-guro. Ito ay inumpisahan sa pagbuo ng iba’t ibang komite para mas mapadali at maisaayos ang pagbuo ng guidelines at MOA, pagsasagawa ng survey, pagpapadala ng request letter at pag-download ng mga learning materials. Isinagawa rin ang online launching at orientation gamit ang FB livestream para sa mga mag-aaral at magulang, at google meet naman para sa mga guro noong Pebrero 19, 2021. Sinimulan namang ipamahagi ang naturang mga gadgets noong Pebrero 24, 2021 sa mga magulang at mag-aaral kung saan sila ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement at tumanggap ng kopya ng gabay ukol sa paggamit ng mga nasabing ICT device.
Ayon kay Gng. Amalia Ganzo, magulang ng isa sa mga mag-aaral, makakatulong nang malaki ang proyektong ito upang mas mapadali at mapagaan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nasiyahan naman si Kaye Ronquillo, isang Grade 12 learner na nagkaroon ng ganitong proyekto ang paaralan dahil hindi na sila mahihirapan sa pagkuha ng kopya ng kanilang mga learning materials.
Sa pahayag ng ICT Coordinator na si Gng Janeth T. Calatrava ng nasabing paaralan naging matagumpay ang pagda-download ng e-SLMs sa mga Tablet PCs.
Sinigurado naman ni Gng. Lanie G. Dagum, SHS coordinator at adviser ng Grade 11-Harvey na magkakaroon ng lingguhang pagmomonitor sa kondisyon ng mga Tablet PCs.
Naniniwala naman ang punong-guro na si G. Reynante Naral na ang proyektong ito ay magkakaroon ng kontribusyon hindi lamang sa pagharap sa bagong normal ng edukasyon kundi upang mas mahubog ang kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral sa mas makabuluhang pagkatuto sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya at kasanayan para sa mas malalaking hamon ng buhay.
BY REYNANTE A. NARAL, P-I
Sa pagnanais na matugunan ng paaralan ang hamon na kinakaharap ng mga guro sa kasalukuyan, minabuti ng punong –guro na si G. Reynante A. Naral na magsagawa ng isang masinsinang pagsasanay ukol sa paggamit ng iba’t-ibang pamamaraan o platform ng pagtuturo noong ika-17 ng Marso, 2021.
Ang pagsasanay na ito ay naglalayong mabigyan, mahasa at mapaangat ang antas ng kaalaman ng mga guro sa pagagamit ng;
a. Google meet
b. FB Messenger/ ChatroomMicrosoft PowerPoint Presentation with screen recording
c. software recording and editing video lessons at iba pang mga digital supplementary learning materials
d. iba pang teknolohiya para sa alternative classroom observation modalities
Ang pagsasanay na ito ay bilang tugon ng Paaralan sa DepEd Order No. 35 s. 2016 o ang Learning Action Cell at pagsunod na rin sa mandato ng kagawaran ng edukasyon ukol sa pagsasagawa ng mga pagsasanay sa mga guro mula ika-15 ng hanggang ika-19 ng Marso, taong kasalukuyang, upang mahubog at mapangalagaan ang kanilang kaalaman at kakayahan para sa kapakanan ng mga mag aaral’
Ayon kay Gng. Mervin P. Perez School LAC Coordinator, ang gawaing ito ay isa lamang sa mga nakalatag na mga pagsasanay sa School Learning Action Cell o SLAC Plan ng paaralan sa taong kasalukuyan.
Malaki naman ang pasasalamat ni G. Jerome Joy R. Bacudo, isa sa mga guro ng paaralan, na nagkaroon ng ganitong aktibidad, isang proseso kung saan mas nalinang ang kanilang kakayahan at kaalaman na makakatulong nang malaki upang maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin bilang guro at epektibong makamit ang mga pamantayan sa pagtuturo.
Nasiyahan naman sina Gng. Janeth T. Calatrava at G. Rahib L. Makasimbual bilang mga Resource Persons dahil naipamalas at naibahagi nila ang kani-kanilang mga kaalaman at kakayahan sa paggamit ng mga nasabing makabagong teknolohiya.
Tunay nga ang kasabihang “hindi mo maibibigay ang wala ka” kaya ang ganitong mga gawain kung saan nagkaroon ng kaalaman ang mga guro ay isang mabuting paghahanda upang mas lalo pang matugunan ng mga guro at maibigay ang pangangailan ng mga mag-aaral sa pagkakamit ng magandang kinabukasan sa kabila ng pandemyang ngayon ay nararanasan.
BY MAY B. SORROSA, T-III
Isa sa pinakamalaking hamon na kinaharap ng mga paaralan sa panahon ng pandemya ay ang pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng bawat pasilidad nito gaya ng mga silid-aralan, mga ICT devices tulad ng computers at iba pa, maging ng kapaligiran. Ito ay dahil na rin sa ipinapatupad ng pamahalaan na limited skeleton workforce. Kaya nitong unang quarter ng taong 2021 ay ipinagpauna ng pamunuan ng Perez National High School na magsawaga ng repair and maintenance activities.
Hindi maikakaila ng Perez National High School na hindi madali ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng mga pasilidad nito. Subalit upang matugunan ang suliraning ito, ay minabuti ng pamunuan ng paaralan at mga guro sa pangunguna ni G. Reynante A. Naral, punong-guro, na maipatupad ang nakalatag na proyekto sa Annual Implementation Plan ukol sa pagkakaroon ng tinatawag na repair and maintenance activities na nakapaloob sa nakalaang budget ng paaralan para sa unang quarter ng taong 2021.
Upang maisagawa ang nasabing maintenance activities na natutupad ang mga health protocols ay kumuha lamang ang paaralan ng sapat at iilang bilang ng mga tao upang gampanan ang mga gawain. Ilan sa mga natapos na gawain ng Perez National High School ukol sa repair and maintenance ang pagpipintura sa mga silid-aralan upang manatiling kaaya-aya ang mga ito at handa sa mga aktibidad na maaring maisagawa. Isinaayos rin at pininturahan ang mga bubong ng mga silid-aralan. Una rito ay isinagawa rin ng ang pagkukumpuni sa electrical connections sa mga silid-aralan, computer laboratory at opisina maging ang pagpapaayos at pagpapapintura ng pader ng paaralan. Lahat ng ito ay isinagawa sa layuning hindi lamang maging maayos at kaaya-aya ang kabuuan ng mga pasilidad sa paaralan kundi upang manatiling ligtas ang mga guro, mga magulang, at mga mag-aaral na tumutungo sa paaralan.
Nagdagdag rin ng mga kagamitan ukol sa Disaster Risks Reduction and Management ang paaralan tulad ng stretcher, disinfectants, PPE, non-contact thermometer, clinic supplies at iba pa na magagamit sa pagsasagawa ng disinfections kung kinakailangan.
Nagpahayag naman ng suporta sa ganitong mga gawain ang PTA President ng paaralan na si Gng. Sheryl Arepal. Ayon sa kaniya, nakahanda silang tumulong sa paaralan upang mas lalo pang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasilidad nito.
Patuloy na tinitiyak ng pamunuan ng paaralan na mapangalagaan pa rin ang mga pasilidad nito sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo mula sa school MOOE. Regular din na nililinis ng mga guro ang bawat classroom tuwing distribution at retrieval ng mga module at tuwing sila ay nasa skeletal working day.
Wala mang face-to-face interaction ang mga guro at mga mag-aaral sa paaralan dahil sa kasalukuyang kalagayan ng mundo, hindi ito magiging dahilan upang mapanatiling malinis, maayos at kaaya-aya ang paaralang itinuturing natin na ating ikalawang tahanan.