KASAYSAYAN NG PAARALANG BARANGAY NG PAITAN
Katulad ng kahit anumang bagay na marikit at sadyang mahalaga at kailangang munang pandayin ng panahon at dumaan sa maraming pagsubok, ang PAARALANG BARANGAY NG PAITAN ay maihahalintulad sa isang munting binhi na matiyagang ipinunla , itinanim, at unti-unting yumabong ng hindi mabilang na hilahil at pagbabagong-anyong kailangan nitong suungin bago nito nakamit ang kinalalagyan nito ngayon.
Maihahalintulad ito sa isang binhi na nahulog sa gitna na karimlan sa gilid ng isang matarik na bangin na nagawa pa ring tumubo at lumago , sapagkat ang ‘ pangarap at dakilang mithiin’ ng mga taal na taga-Paitan na magkaroon ng isang paaralan sa kanilang barangay ay ganong kadaling nakamit ng mga taga-rito. Sa halip , bumilang ng ilang dekada bago ito naisakatuparan at naging ganap lamang na Paaralang Barangay ng Paitan ng tumuntong ang bagong siglo, taong 2000.
Nagsimula bilang Paaralan ng Primarya ng Paitan , ang Paaralang Barangay ng Paitan ay maituturing na isa sa pinakabata at ‘pinakabunsong paaralan ’ sa buong Distrito ng Hilagang Baliwag sapagkat nagsimula lamang nito na maging ganap na mababang paaralan noong 2000; kung saan ang kauna-unahan nitong Araw ng Pagtatapos ay naitala noong ika-3 ng Abril 2001 sa ilalim ng pamamahala ni Dr. Adoracion D. Cruz, Tagamasid Pampurok ( ngayon ay retirado na ) at ng Pangalawang Punong Guro nito na si Gng. Nenita F. Tolentino na halos isang taon nang iginupo ang karamdamang kanser pagkatapos nitong magretiro.
Sa panahon ni Dr.Nicanor G. Giron, na noon ay Punong Guro rin ng Paaralang Pang-alaala kay Dr. Guillermo Dela Merced ng barangay Barangca, ang Paaralang Primarya ng Paitan ay mayroon lamang unang gusali na binubuo ng dalawang magkatabing silid na pinagmagandahang-loob na ipinatayo ng Filipino-Chinese Chamber of Commerce noong 1989. At nang sinundang taon-1990- mga munting mag-aaral na sumailalim sa ‘combination classes’ ang unang nagtamo ng karunungan mula dito kung saan si Gng. Lorilyn Cordial-Fajardo ang masasabing kauna-unahang guro ng Kagawaran ng Edukasyon na nagsilbi sa mga nasabing mga mag-aaral sa noo’y Paaralang Primarya ng Paitan na sinundan ng dalawa pang silid-aralan noong 1994. Taong 1993 nang itayo ang pundasyon ng paaralan para maging isang ganap na paaralang barangay sa ilalim rin ng pamamahala ni Dr.Nicanor G. Giron.
Ganap na naipagkaloob ng Munisipyo ng Baliwag sa ilalim ng pamamahala ng noo’y Alkalde ng bayang Baliwag na si Mayor Rolando F. Salvador ang titulo ng lupa at ang katibayan ng donasyon nito mula sa mga anak at iba pang kamag-anak ni Don Luis Tongco sa PAARALANG BARANGAY NG PAITAN noong 1999.
Kasabay ng pagkilala mula sa dating Paaralang Primarya ng Paitan tungo sa tawag ngayon na PAARALANG BARANGAY NG PAITAN noong 2000, itinatag ang panibagong silid-aralan rito na sinundan ng isa pa noong taong 2002; at noong taong 2006, itinatag naman ang isa pang may kaliitang silid na nakatalagang maging Silid-Aklatan ngunit nang magkaroon ng klase para sa Kinder noong taong Pampanuruan 2007-2008, ito ay nagsilbi nang silid-aralan ng mga mag-aaral sa Kindergarten mula noon hanggang ngayon dahil sa kakulangan sa silid-turuan. Taong 2012 nang mapagkalooban ito ng Provincial Government sa pamumuno ni Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado ng two-storey, four-classroom building, na ganap na natapos noong Setyembre 2013.
Nakatayo sa gitna ng kabukiran tulad ng mga kilalang punongkahoy sa Pilipinas: mangga at narra, ang Paaralang Barangay ng Paitan – ang pangalawa sa ‘pinakamaliit’ na paaralang elmentarya sa buong Distrito ng Hilagang Baliwag, ay maituturing na kahanga-hangang pagkatuklas sa ganang kanyang sarili…pano nga, sino ba ang makaiisip na mayroon palang paaralan na isang napakalayong pook na bagama’t hindi nga ang pinakadulo ng daigdig ay maghahatid naman sa isang maglalakbay sa pinakadulo ng hangganan ng Candaba,Pampanga at San Rafael, Bulacan?
Humigit kumulang pitong kilometro ang layo mula sa kabayanan ng Baliwag, ang Paaralang Barangay ng Paitan ay matatagpuan sa bandang kaliwa ng Daang Luis Tongco ( daang ipinangalan sa lolo ng angkan ng pinanggalingan ng mga taong nag-abuloy ng lote ng paaralan ) kung saan walang pagkaligaw ang sinumang naglalakbay kung isasaisip nito na ito lamang ang paaralan sa buong Distrito ng Hilagang Baliwag na kailangang bumagtas muna ang sinumang naglalakad o nakasasakyan sa isang munting tulay na nag-uugnay sa daang kalsada papasok sa bakuran ng paaralan.
Dahil sa layo nito mula sa bayan ng Baliwag, marami sa mga gurong naitatalagang mature dito ay hindi nagtatagal at kaagad ring nagpapalipat sa mas malapit na pagtuturuan na isa sa nagiging dahilan kung bakit isa ang paaralan sa may sa hindi magandang bungang idinudulot ng papalit-palit na mga guro. Isa na rito ang katotohanang na kung kailan ay sanay na at mahusay na ang guro ay saka naman ito malilipat sa bandang kabayanan. Kaugnay nito, maging ang naitatalaga ritong namamahala sa paaralan na may titulo lamang na Gurong Namamahala ay hindi rin nagtatagal sa paninilbihan kung kaya’t maging ang mga programa lalo na sa larangan ng pagpapaunlad sa kurikulum ay hindi nagkakaroon ng katiyakan na maipagpapatuloy. Bagong guro, bagong pamunuan… tunay, ang higit na naapektuhan ng ‘dungo’, ‘kimi’, mahiyain at kung minsan pa’y tulala.
Gayunpaman, maituturing na mula pa sa unang pagkakatatag nito bilang isang ganap na mababang paaralan, ang PAARALANG BARANGAY NG PAITAN ay nakapagbigay na sa Kagawaran ng Edukasyon sa bahaging ito ng Bulacan ng mga mahuhusay at maipagmamalaking mga Gurong Namamahala na sa kasulukuyan ay namayagpag sa kanilang sari-sariling paaralang pinaglilingkuran: ang kauna-unahang ‘Teacher Leader ‘ dito na si Gng.Lorna Esguerra-Bojangin (2000-2002) na ngayon ay Pang-ulong Guro 1 ng Paaralang Pang-ala-ala kay Dr.Nicolas V. Rustia ng Piel, Baliwag,Bulacan; na sinundan ni G.William C. Ortega, (2003) kasalukuyang Tagamasid Pampurok ng Distrito ng Timog Baliwag; Gng.Cecilia Enriquez-Valderama (2003-2006) ngayon ay Tagamasid Pampurok ng Obando District; at si Gng.Ma.Luisa Enrile-Santos ( Hunyo 2006-May 2008), gumaganap ngayon bilang Punong Guro ng Virgen Delas Flores Elementary School, Baliwag, Bulacan; Gng. Ma. Charito D. Robles-Cruz (May 2, 2008-July 14, 2013) kasalukuyang Punong Guro ng San Jose Elementary School, Baliwag, Bulacan. Sa kasalukuyan, ang paaralan ay pinamumunuan ni Gng. Maria Rowena C. Cababa, Teacher-in-Charge.
Itinuturing na pinakamalayo at pinakamaliit (sa larangan ng bilang ng mag-aaral), ang PAARALANG BARANGAY NG PAITAN ay may hanay na ng karangalang maipagmamapuri sa kabila ng pagiging tila ang ‘pinakaaba’ ta ‘pinakakapos’ kung ihahambing sa mga kasabayan nitong malalaki at maliliit na mga paaralan sa buong bayan ng Baliwag.
Isa sa maituturing nitong karangalan ay nang tanghaling itong KAMPEON sa PAMPAARALANG PAHAYAGAN sa buong Sangay ng Bulacan sa magkasunod na mga Taong Pampanuran 2008-2009 at 2009-2010. Humakot din ng parangal ang nasabing pahayagan ng paaralan na ‘The Threshold’ sa Regional Schools Press Conference noong taong 2009 kung saan nagkamit ito ng pagkilala bilang pangalawa sa ‘Pinakamahusay ng Pahayagang Pampaaralan’ at nag-uwi ng apat pang tropeo ng karangalan sa iba’t ibang kategorya.
Noon taong 2011, kinilala ito bilang KAMPEON sa Project SINOP KALAT SA PAARALAN AT PAMAYANAN (SIKAPP) – ang kauna-unahang paglahok at pagwawagi ng PAARALANG BARANGAY NG PAITAN sa larangan ng pagpapabuti sa aspetong pisikal ng paaralan.
Sa kasalukuyan, walang humpay pa ring pinagsusumikapang abutin ng PAARALANG BARANGAY NG PAITAN ang pinakarurok ng hangarin nitong maging buhay na patotoo sa PANANAW at MISYON nito na hindi imposibleng mangyari dahil na rin sa mas matibay at mabuting ugnayan ng Gurong Namamahala at mga guro sa mga magulang at buong pamayanan ng Barangya Paitan.
Ang munting kasaysayang ito ng isang munting paaralan --- ang PAARALANG BARANGAY NG PAITAN --- ay muling madudugtungan ng mga maitatalang kuwento ng tagumpay at pakikipagsapalaran ng mga mabubuting kamay na rito’y kasalukuyang umaagapay at gumagabay. Hanggang sa susunod na pahina ng makabuluhang kasaysayan.