G9-FILIPINO
ASYNCHRONOUS ALTERNATIVE LEARNING PLATFORM (PROJECT ALPHA)
ASYNCHRONOUS ALTERNATIVE LEARNING PLATFORM (PROJECT ALPHA)
Talambuhay ni Dr. Jose Rizal
Dr. Jose Rizal- ang pambansang bayani ng Pilipinas. Ang taong may matayog na pagtingin sa kabutihan ng bawat nilalang, lalong-lalo na ng kanyang mga kababayan, ay karapat-dapat pag-ukulan ng paghanga, pagpipitagan, at higit sa lahat ng puwang sa kaibuturan ng puso ng bawat Pilipino. Ang dakilang taong ito, bagama’t patay na, ay buhay pa sa alaala ng bawat Pilipinong nagmamahal sa kanyang simulain at idealismo.
Ang kanyang buong pangalan ay Jose Protacio Rizal Mercado y Alonzo Realonda. Siya ay ipinanganak sa lalawigan ng Laguna, noong ika- 19 ng Hunyo, 1861. Siya ay ikapitong anak ni Francisco Engracio Rizal Mercado y Alejandro at ng asawa nitong si Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos. Alinsunod sa kapasiyahan ng Gobernador-Heneral Claveria sa isang kautusan nito noong ika-21 ng Nobyembre, 1849 ay ginamit ng pamilya ang apelyidong Rizal na nangangahulugang luntiang bukirin.
Ang kanyang inang si Donya Teodora ang kanyang naging unang guro. Hindi lamang pagbasa, pagsulat, at pagbibilang ang natutuhan niya sa kanyang ina kundi maging ang pagdarasal at pagsagot sa mga dasal. Para kay Donya Teodora ang mga ito ay totoong mahalaga sapagkat para sa inang Pilipina noong mga panahong iyon, ang pagtawag sa Panginoong Diyos ang siyang dapat unang ituro sa mga anak.
Siyam na taong gulang si Jose nang siya ay ipinadala sa Biñan, Laguna at ditoý nag-aral sa ilalim ng pamamahala ni Ginoong Justiniano Aquino Cruz. Ngunit makalipas lamang ang ilang buwan ay pinayuhan na siya ng guro na mag-aral sa Maynila sapagkat lahat ng nalalaman nito ay naituro na sa kanya. Siya naman ay nagsimulang pumasok sa Ateneo Municipal de Manila noong ika-20 ng Enero, 1872. Dito siya nagpamalas ng kahanga-hangang talas ng isip, at nagtamo ng lahat ng mga pangunahing medalya at notang sobresaliente sa lahat ng aklat. Sa paaralang ito ay tumanggap siya ng katibayang Bachiller En Artes at pinarangalan ng sobresaliente (excellent), noong ika-14 ng Marso, 1977.
Sa Unibersidad ng Sto. Tomas, nang sumunod na taon, ay nag-aral siya ng Filosofia y Letras at lumipat sa pag-aaral ng medisina. Nagtapos din siya ng kanyang Land Surveying sa Ateneo noong 1878. Nagtungo siya sa Europa noong ika-5 ng Mayo, 1882 upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Sa Madrid, Espanya, ay nagtuloy siya sa pag-aaral ng Medecina at Filosofia. Nang taong 1884 ay nagsimula si Rizal sa pag-aaral ng Ingles, marunong na siya noon ng Pranses, sapagkat nag-aaral na siya ng wikang ito buhat nang umalis sa Pilipinas. Bukod sa wikang ito ay nag-aral din siya ng panahong yaon ng Italyano at Aleman sapagkat naghahanda siyang maglakbay sa iba’t ibang bansa sa Europa, at alam niyang hindi magiging mahalaga ang paglalakbay na ito kung hindi niya malalaman at magagamit ang mga nasabing wika sa pag-aaral ng mga kaugalian ng mga tao roon at ng pagkakaiba nila sa Pilipino; at upang mag-aral din ng kasaysayan ng mga bayang nabanggit na mapaghahanguan ng mga aral na mapakikinabangan para sa kanyang mga kalahi. Dahil dito ay naging dalubwika si Rizal.
Ayon kay Wenceslao Retana, unang sumulat ng talambuhay ni Rizal, ang unang kalahati ng Noli Me Tangere ay isinulat ni Rizal sa Madrid noong magtatapos ang 1884 o nang magsisimula ang 1885; ang sangkapat na bahagi ay isinulat niya sa Paris, at huling sangkapat ay sa Alemanya. Ayon sa natatala sa manuskrito ay natapos ni Rizal ang Noli Me Tangere sa Berlin noong ika-21 ng Pebrero, 1887. Ipinalimbag ang nobelang ito sa limbagan ng kapisanang itinatag ni Ginang Lette sa Berlin kung saan natapos ito noong Marso 1887. Dalawang libong (2,000) sipi lamang ang ipinalimbag, at ang ibinayad niya sa pagpapalimbag ay hiniram niya kay Dr. Maximo Viola, taga-San Miguel Bulacan.
Ang nasabing halaga ay umabot sa 300 piso ay binayaran niya kay Dr. Viola nang dumating ang ipinadalang pera ng sa kanyang mga magulang. Ang El Filibusterismo na siyang kasunod na aklat ng Noli Me Tangere ay ipinalimbag naman sa Ghent, Belgium , noong 1891. Noong ika-8 ng Hulyo, 1892, ay itinatag ni Dr. Rizal sa Maynila ang La Liga Filipina, isang samahan na ang maithiin ay ang mabago ang naghaharing sistema ng pamahalaan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mapayapang paraan at hindi ng paghihimagsik. Gaya ng nasabi sa unahan, dalawampu’t isang taon pa lamang si Rizal nang lisanin niya ang Pilipinas noong ika-5 ng Mayo 1882 upang magpatuloy ng pag-aaral sa Espanya, Pransya, at Alemanya. Nagbalik siya sa Pilipinas noong ika-5 ng Agosto, 1887.
Umalis siyang muli sa Maynila noong ika-3 ng Pebrero, 1888 upang magtungo sa Europa, Hongkong, Yokohama (Japan), San Francisco, New York (US), at Liverpool, London (UK). Nilisan niyang muli noon ang Pilipinas sapagkat umiiwas siya sa matinding galit sa kanya ng mga Espanyol dahil sa nobela niyang Noli Me Tangere. Muli siyang nagbalik sa Maynila noong ika-26 ng Hunyo, 1889. Alinsunod sa kautusan ni Gobernador-Heneral Despujol noong ika-7 ng Hulyo, 1892, ay ipinatapon si Rizal sa Dapitan noong ika-15 ng Hulyo noong taong ding iyon dahil sa bintang na siyaý may kinalaman sa kilusang ukol sa paghihimagsik. Ito ay maliit na isla sa hilagang-kanluran ng Mindanao. Sa Dapitan ay nagtayo si Rizal ng isang maliit na paaralan at nagturo sa mga batang lalaki roon.
Samantalang nakikidigma ang Espanya sa Cuba, upang hindi madamay sa kilusang ukol sa paghihimagsikan sa Pilipinas, ay hiniling ni Rizal na makapaglingkod sa Cuba. Siyaý binigyan ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco ng pahintulot na makapaglayag papuntang Cuba. Ngunit habang naglalakbay si Dr. Rizal , patungong Espanya nang magtatapos ang taong 1896, ay hinuli siya sa kanyang sasakyang barko nang dumaong ito sa Barcelona at ibinalik siya sa Pilipinas. Ipiniit si Dr. Rizal sa Maynila sa Real Fuerza de Santiago. Nang iharap siya sa hukumang Militar at litisin, ay hinatulan siya ng kamatayan. Isinulat ni Dr. Rizal ang “Mi Ultimo Adios” (Huling Paalam) bago siya barilin sa Bagumbayan (Rizal Park o Luneta ngayon) noong ika-30 ng Disyembre, 1896. Kaya ang ika-30 ng Disyembre ng bawat taon ay itinuturing na dakilang araw ng paggunita ng mga Pilipino sa pinakadakilang bayani ng Pilipinas, si DR. JOSE RIZAL. Naging araw ng pangilin ang ika-30 ng Disyembre ng bawat taon, alinsunod sa itinakda ng Pamahalaang Amerikano sa Pilipinas.
ARALIN 2
Kaligirang Pangkasaysayan ng Noli Me Tangere
Ang Noli Me Tangere ang kauna-unahan nobelang isinulat ni Dr. Jose Rizal. Magdadalawampu't apat na taon pa lamang siya nang isulat niya ito. Ang nobelang ito ay maituturing na walang kamatayan kung paanong walang kamatayan ang kabayanihan ni Rizal. Ayon kay Dr. Ferdinand Blumentritt, ang Noli Me Tangere ay “isinulat sa dugo ng puso." Ngunit ano nga ba ang tunay na layunin ni Rizal sa pagsulat ng nobelang ito? Narito ang kanyang sariling paliwanag:
"Ang mga salitang Noli Me Tangere, na sinipi sa Ebanghelyo ni San Lucas (na dapat ay Ebanghelyo ni San Juan 20:13-17), ay nangangahulugang "Huwag mo akong Salingin." Ang aklat ay naglalaman ng mga bagay na hanggang sa kasalukuyan ay walang sinumang makapangahas na bumanggit. Ang mga bagay na iyon ay napakaselan kaya't walang makasaling man lamang. Pinangahasan kong gawin ang di mapangahasang gawin ng sinuman. Sinagot ko ang mga paninirang-loob na daan-daang taon ay ikinulapol sa amin at sa aming bayan. Inilarawan ko ang kalagayan ng lipunan at ang ayos ng pamumuhay roon, ang aming mga paniniwala, mga pag-asa, mga hangarin, mga karaingan, mga pagdadalamhati. Itinambad ko ang mga pagpapaimbabaw na sa balatkayong relihiyon ay siyang nagpahirap at nagmalupit sa amin. Ipinakilala ko ang kaibahan ng tunay sa di-tunay na relihiyon sa relihiyong ang kinakalakal ay ang Banal na Kasulatan upang magkasalapi, upang kami'y papaniwalain sa mga kaululang sukat ikahiya ng Katolisismo kung kanya lamang malalaman. Iniangat ko ang tabing upang ipakita kung ano yaong nasa likod ng mga madaya at nakasisilaw na pangako ng aming pamahalaan. Sinabi ko sa aming mga kababayan kung ano-ano ang aming mga kapintasan, ang aming mga bisyo, ang aming pagwawalang bahala sa mga pagdaralita roon na nagpapakilala ng karuwagan at tunay na masisisi sa atin. Saanman ako makakita ng kabaitan, ito'y aking ipinagbabansag at pinag-uukulan ng karampatang paggalang. Ang mga pangyayaring aking isinaysay ay pawang katotohanan at nangyayari; ang mga iyon ay maaari kong patunayan. Maaaring ang aklat ko ay may mga kapintasan kung sining at ganda ang pag-uusapan, iyan ay hindi ko itatanggi: datapwat ang hindi matutulan ay ang kawalan ng pagkiling ng aking pagsasalaysay.
Bakit kaya naisip at nawika ng ating pambansang bayani ang lahat ng ito? Musmos pa lamang siya ay nasaksihan na niya ang kalunos-lunos na kondisyon ng Pilipinas dahil sa pang-aalipin ng mga Espanyol. Sa sarili niyang bayan, sa Calamba, unti-unting namulat ang kanyang mata sa kaawaawang kalagayan ng mga Pilipino. Naligalig siya sa pang-araw- araw na kalupitan ng mga Espanyol. Nasaksihan niya kung paanong ang matatandang lalaki ay hinahagupit ng mga guardia civil kung hindi wasto ang pagsaludo sa kanila, kung hindi nag-alis ng sombrero kung sila'y mapapadaan sa harapan nila; ang pagmamalupit sa mga babae at maging sa mga bata. Naging biktima rin ng kalupitan at kawalang-katarungan ang pinakamamahal niyang ina, si Donya Teodora. Ibinilanggo ito sa maling paratang na kasabwat ng kapatid na si Jose Alberto sa tangkang paglason sa asawa nitong huli. Hindi pa napapawi ang kalungkutan sa pamilyang Rizal dahil sa pagkabilanggo ni Donya Teodora ay nagkaroon ng pag-aalsa sa Cavite na ibinintang kina Padre Burgos, Gomez, at Zamora, kasama ang ibang lider na Pilipino. Ang tatlong paring martir ay binitay sa pamamagitan ng garote sa Bagumbayan.
Ang mga pangyayaring ito'y nagpakilala kay Rizal na nangangailangan ng malaking pagbabago ang kanyang bayan-pagbabagong sa pamamagitan lamang ng karunungan at ng edukasyon matatamo. Kaya nang mabasa niya ang aklat na The Wandering Jew (Ang Hudyong Lagalag) ay nabuo sa kanyang puso na sumulat ng isang nobelang gigising sa natutulog na damdamin ng mga Pilipino at magsisiwalat sa kabuktutan at pagmamalupit ng mga Espanyol. Kaya bago matapos ang taong 1884 ay sinimulan niya itong isulat sa Madrid, Espanya at doo'y natapos niya ang kalahati ng nobela. Ipinagpatuloy niya ang pagsulat nito sa Paris noong 1885 at natapos ang sangkapat na bahagi. Natapos naman niyang sulatin ang huling ikaapat na bahagi ng nobela sa Alemanya noong Pebrero 21, 1887. Mula nang simulan niyang isulat ang Noli Me Tangere ay nagsimula nang magtipid si Rizal. May pagkakataong dalawang beses lamang siyang kumakain sa maghapon sa maliit lamang na restawran. Ito ay ginawa niya sa paglalayong makaipon ng salaping magugugol para sa pagpapalimbag ng nasabing nobela. Natapos niya ang Noli Me Tangere ngunit wala siyang sapat na halaga upang maipalimbag ito. Mabuti na lamang at dumalaw sa kanva si Maximo Viola na nagpahiram sa kanya ng salaping naging daan upang makapagpalimbag ng 2000 sipi nito sa Imprenta Lette so Berlin, Germany noong Marso 29, 1887.
Maraming humanga sa katalinuhang ipinamalas ni Rizal sa pagsulat niya ng Noli Me Tangere ngunit marami rin ang nagalit sa kanya lalo ang mga Espanyol. Gayon na lamang ang pangamba at takot ng kanyang mga kababayan, lalo na ng kanyang buong pamilya, dahil sa ibinunga ng kanyang nobela nang ang mga sipi nito ay makarating sa Pilipinas. Nabalitaan nila ang balak na pag-uwi ni Rizal sa Pilipinas dahil dito'y lalo silang nangamba na baka siya ay mapahamak sa kamay ng mga taong nagagalit sa kanya. Ngunit dahil sa kanyang matitibay at mahahalagang dahilan ay inibig niyang makabalik sa Pilipinas. Una, nais niyang bumalik sa Pilipinas dahil sa hangarin niyang maoperahan ang kanyang ina sa lumalalang panlalabo ng mga mata nito pangalawa ay upang mabatid niya ang dahilan kung bakit hindi tinugon ni Leonor Rivera ang kanyang mga sulat mula taong 1884 hanggang 1887; at panghuli, ibig niyang malaman kung ano ang naging bisa ng kanyang nobela sa kanyang bayan at mga kababayan.
Nang magbalik siya sa Pilipinas sa unang pagkakataon noong Agosto 6, 1887, si Rizal ay agad na nagtuloy sa Calamba upang maoperahan ang kanyang ina. Samantala habang siya ay nasa Pilipinas, ang kanyang Noli Me Tangere ay isinailalim sa masusing pagsusuri ng kanyang mga kaaway. Ito ay ipinasuri sa isang sadyang Komisyon, na matapos magsuri ay nagpasiyang dapat ipagbawal ang pag-aangkat, pagpapalimbag, at pagpapakalat ng mapanganib na aklat na iyon sa Pilipinas. Bilang hakbang sa pag-iingat, si Rizal ay pinabantayan ni Gobernador-Heneral Terrero kay Tenyente Jose Taviel de Andrade upang maligtas siya sa mga tangka ng kanyang mga kaaway. Hindi nagtagal ay pinayuhan siya ng nasabi ring Gobernador na umalis na muli ng Pilipinas alang-alang sa kanyang pamilya at buong bayan. Umalis siya sa Maynila noong ika-3 ng Pebrero, 1988. Sa kanyang pag-alis ay nagpunta siya sa Hongkong, Japan, San Francisco at New York sa Estados Unidos, at London sa United Kingdom. Habang siya ay nasa ibang bansa ay iniukol ni Rizal ang kanyang panahon sa pagsulat ng mga tugon sa mga tuligsa sa kanya.
Ang una'y tinugon niya ang mga polyeto ni Fray Rodriguez laban sa kanyang Noli Me Tangere. Inilagay niya sa katawa-tawang anyo ang naturang pari sa sinulat niyang La Vision de Fray Rodriguez. Ang kanya namang Por Telefono ay laban kay Fray Salvador Fort na nanguna sa lupong nagsiyasat at gumawa ng ulat upang ipagbawal na basahin ang Noli me Tangere ng sinumang Pilipino.
Tunay na maraming pinagdaanang unos at bagyo si Rizal sa pagsulat niya ng nobelang ito ngunit isa lang ang tiyak, ang nobelang ito ay tunay na walang kamatayan-patuloy na mananatili ang diwa at mensahe nito sa puso ng mga Pilipinong tunay na nagmamahal sa Inang Bayan. Sa kasalukuyan, ang Noli Me Tangere ay naisalin na sa iba't ibang wikang banyaga at patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga taong nakababasa nito.
ARALIN 3
Mga Mahahalagang Tauhan sa Noli Me Tangere
Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin o Crisostomo Ibarra, ay isang binatang nag-aral sa Europa; nangarap na makapagpatayo ng paaralan upang matiyak ang magandang kinabukasan ng mga kabataan ng San Diego.
Maria Clara de los Santos y Alba o Maria Clara, ay ang mayuming kasintahan ni Crisostomo; mutya ng San Diego na inihimatong anak ng kanyang ina na si Doña Pia Alba kay Padre Damaso.
Damaso Verdolagas o Padre Damaso, ay isang kurang Pransiskano na napalipat ng ibang parokya matapos maglingkod ng matagal na panahon sa San Diego; tunay na ama ni Maria Clara.
Don Santiago de los Santos o Kapitan Tiago, ay isang mangangalakal na tiga-Binondo; ama-amahan ni Maria Clara Elias ay isang bangkero at magsasakang tumulong kay Ibarra para makilala ang kanyang bayan at ang mga suliranin nito.
Narcisa o Sisa, ay isang masintahing ina na ang tanging kasalanan ay ang pagkakaroon ng asawang pabaya at malupit.
Basilio at Crispin -magkapatid na anak ni Sisa; sila ang sakristan at tagatugtog ng kampana sa simbahan ng San Diego.
Don Anastasio o Pilosopo Tasio/Tasyo, ay maalam na matandang tagapayo ng marurunong na mamamayan ng San Diego. Donya Victorina de los Reyes de Espadaña o Donya Victorina, ay isang babaing nagpapanggap na mestisang Kastila kung kaya abot-abot ang kolorete sa mukha at maling pangangastila. Mahilig niyang lagyan ng isa pang “de” ang pangalan niya dahil nagdudulot ito ng “kalidad” sa pangalan niya.
Padre Salvi o Bernardo Salvi– kurang pumalit kay Padre Damaso, nagkaroon ng lihim na pagtatangi kay Maria Clara.
Alperes – matalik na kaagaw ng kura sa kapangyarihan sa San Diego (itinuring ni Rizal na Hari ng Italya ng San Diego habang ang kura ang Papa ng Estado Pontipikal)
Donya Consolacion – napangasawa ng alperes; dating labandera na may malaswang bibig at pag-uugali. Don Tiburcio de Espadaña – isang pilay at bungal na Kastilang napadpad sa Pilipinas sa paghahanap ng magandang kapalaran; napangasawa ni Donya Victorina.
Linares – malayong pamangkin ni Don Tiburcio at pinsan ng inaanak ni Padre Damaso na napili niya para mapangasawa ni Maria Clara.
Don Filipo – tenyente mayor na mahilig magbasa ng Latin Señor Nyor Juan – namahala ng mga gawain sa pagpapatayo ng paaralan.
Lucas – kapatid ng taong madilaw na gumawa ng kalong ginamit sa di-natuloy na pagpatay kay Ibarra. Tarsilo at Bruno – magkapatid na ang ama ay napatay sa palo ng mga Kastila.
Tiya Isabel – hipag ni Kapitan Tiago na tumulong sa pagpapalaki kay Maria Clara.
Donya Pia Alba – masimbahing ina ni Maria Clara na namatay matapos na kaagad na siya’y maisilang.
Inday, Sinang, Victoria, at Andeng – mga kaibigan ni Maria Clara sa San Diego
Kapitan-Heneral – pinakamakapangyarihan sa Pilipinas; lumakad na maalisan ng pagka-ekskomunyon si Ibarra.
Don Rafael Ibarra – ama ni Crisostomo; nakainggitan nang labis ni Padre Damaso dahilan sa yaman kung kaya nataguriang erehe.
Don Saturnino – lolo ni Crisostomo; naging dahilan ng kasawian ng nuno ni Elias.
Balat – nuno ni Elias na naging isang tulisan
Don Pedro Eibarramendia – ama ni Don Saturnino; nuno ni Crisostomo
Mang Pablo – pinuno ng mga tulisan na ibig tulungan ni Elias.
Kapitan Basilio – ilan sa mga kapitan ng bayan sa San Diego Kapitan Tinong at Kapitan Valentin; ama ni Sinang
Tenyente Guevarra – isang matapat na tenyente ng mga guwardiya sibil na nagsalaysay kay Ibarra ng tungkol sa kasawiang sinapit ng kanyang ama.
Kapitana Maria – tanging babaing makabayan na pumapanig sa pagtatanggol ni Ibarra sa alaala ng ama.
Padre Sibyla – paring Dominikano na lihim na sumusubaybay sa mga kilos ni Ibarra.
Albino – dating seminarista na nakasama sa piknik sa lawa.
-Ang monologo ay isang uri ng pagtatanghal na ginagawang mag-isa ng sinumang gaganap sa karakter ng tauhang nais niyang itanghal sa madla.
- Ang Pang-uri ay salitang ginagamit upang maglarawan sa tao, bagay,hayop, at pook o lugar.
ARALIN 4
BUOD NG NOLI ME TANGERE
Ang binatang si Juan Crisostomo Ibarra ay bumalik sa Pilipinas pagkatapos ng pitong taong pag-aaral niya sa Europa. Naghandog ng piging si Kapitan Tiyago sa dahilang ito na kung saan inanyayahan niya ang ilang sikat na tao sa kanilang lugar.Nahamak si Ibarra ni Padre Damaso sa piging ngunit nagpaalam ng magalang niya ang pari dahil may mahalaga siyang lakarin.
May magandang kasintahan si Ibarra na si Maria Clara na anak-anakan ni Kapitan Tiyago at ang dahilan kung bakit dalawin niya pagkatapos ng piging.
Muling binasa ni Maria ang mga lumang liham ni Ibarra bago siya mag-aral sa Europa habang inalala nila ang kanilang pagmamahalan.
Bago umuwi si Ibarra ay nakita niya si Tinyente Guevarra na nagpahayag na namatay na noong isang taon ang ama ni Ibarra na si Don Rafael Ibarra.
Sabi ng Tinyente na inakusahan ang don ni Padre Damaso na erehe (taong hindi sumunod sa utos ng Simbahan) at pilibustero (taong sumasalungat sa utos ng pamahalaan) dahil hindi umano nagsisimba at nangunumpisal. Ngunit ayon sa Tinyente, nagsimula ito nang ipagtangoll ng don ang isang bata sa kamay ng isang maniningil na hindi sinadyang nabagok ang ulo kaya namatay.Nakakulong umano si Don Rafael habang may imbestigasyon ukol sa insidente ngunit ang mga kaaway niya ay gumawa nga mga kung anuano para ipahiya ang Don.Nagkasakit ang Don at namatay dahil sa naapektuhan siya sa mga pangyayari.
Ang padre ay hindi nakuntento at ipinahukay ang labi ng don upang ipalipat sa libingan ng mga Intsik ngutin nang dahil sa ulan ay itinapon ang kanyang labi sa lawa.Imbes na nagtangkang ipaghiganti ang yumaong ama, ipagpatuloy ni Ibarra ang nasimulan ng Don kaya nagpatayo siya ng paaralan sa tulong ni Nol Juan.Muntik nang mapatay si Ibarra kung hindi iniligtas ni Elias noong babasbasam na ang itinayong paaralan. Namatay ang taong binayaran ng lihim na kaaway.Si Padre Damaso ay muling nag-aasar kay Ibarra. Nang saglit nang inihamak ng padra ang ama niya ay nagalit at nagtangkang isaksak ang pari pero pinigilan siya ni Maria.Dahill doon ay natiwalag si Ibarra ng Arsobispo sa simbahan. Nasamantala ni Padre Damaso nito upang iutos sa Kapitan na hindi na ipagpatuloy ang kasal kay Maria Clara at ipakasal sa binatang Kastila na si Linares.Pero dahil sa tulong ng Kapitan Heneral ay nabalik si Ibarra sa simbangan. Pero hindi inasaang hinuli si Ibarra nang dahil umonay nanguna siya sa pagsalakay sa kuwartel.
Tumakas si Ibarra sa kulungan sa tulong ni Elias. Pumunta si Ibarra sa kay Maria bago siya tumakas. Itinanggi ng dalaga ang liham na ginamit laban sa kanya nang dahil sa inagaw ang liham kapalit sa liham ng ina niya na nagsasabi na si Damaso ang tunay niyang ama.
Pagkatapos nito ay tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila sa bangka patungo Ilog Pasig hanggang sa Lawa ng Bay at tinabunan si Ibarra ng mga damo.
Naabutan sila ng mga tumutugis sa kanila. Para makaligtas si Ibarra, naging pampalito si Elias at tumalon sa tubig. Akala ng mga tumutugis na ang tumalon ay si Ibarra kaya nila binaril si Elias hanggang nagkulay ng dugo. Naabutan ang balita kay Maria na namatay si Ibarra.
Natunton ni Elias ang gubat ng mga Ibarra at doon niya natuklasan si Basillo at ang namatay niyang inang si Sisa.
Bago namatay si Elias ay sinugo niya ang bata na kung hindi man daw niya makita ang bukang-liwayway sa sariling bayan, sa mga mapalad, huwag lamang daw limutin nang ganap ang mga nasawi sa dilim ng gabi.