Curriculum Framework of EsP
ANG BATAYANG KONSEPTWAL NG EDUKASYON SA PAGPAPAKATAO
Ang Edukasyon sa Pagpapakatao (EsP) bahagi ng K to 12 curriculum na gagabay at huhubog sa mga kabataan ang tunguhin o outcome ng pag-aaral sa batayang edukasyon ay ang panlahatang pag-unlad taglay ang mga kasanayan sa ika–dalawampu’t isang siglo. Kabataang nagpapasya at kumikilos nang may pananagutan tungo sa kabutihang panlahat, lilinangin at pauunlarin ang pagkataong etikal ng bawat mag-aaral.
Limang Pangunahing kakayahan (Macro Skills) na dapat taglay ng bawat bata :
1. Pag-unawa. Mahalagang maipamalas niya ang kakayahang mahinuha ang mga konsepto at prinsipyong nagbibigay-paLiwanag sa sariling karanasan, mga sitwasyong namasid, sinuri at pinagnilayan gamit ang obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
2. Pagninilay. Sa gitna ng mabilis na daloy ng impormasyon at ingay ng kapaligiran, kailangang mag-ukol ng panahon ang mag-aaral sa maingat at malalim na pag-iisip sa mga sitwasyong naobserbahan at mga konseptong natutuhan tungkol sa moral na pamumuhay.
3. Pagsangguni. Kailangang humingi siya ng payo o gabay sa mga taong may higit na kaalaman o kasanayan sa moral na pamumuhay at marunong magsala (weigh) ng mga impormasyong mula sa iba’t ibang uri ng media batay sa obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
4. Pagpapasiya. Kailangang matuto siyang bumuo ng sariling posisyon, paniniwala, paninindigan o kilos na isasagawa batay sa obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
5. Pagkilos. Mahalagang mailapat niya ang konsepto o prinsipyong nahinuha mula sa mga konkretong sitwasyon ng buhay at maipakita ang kahandaang isabuhay ang mga mabuting ugali (virtues) na natutuhan batay sa obhektibong pamantayan ng moral na pamumuhay.
Ang mga pangunahing kakayahang ito ay nililinang sa apat na tema sa bawat taon sa paraang “expanding spiral” mula Kindergarten hanggang Grade 12. Ang sumusunod ang apat na tema: (a) Pananagutang Pansariliat Pagiging Kasapi ng Pamilya , (b) Pakikipagkapwa at Katatagan ng Pamilya, (c) Paggawa Tungo sa Pambansang Pag-unlad at Pakikibahagi sa Pandaigdigang Pagkakaisa, at (d) Pagkamaka-Diyos at Preperensya sa Kabutihan.
Pitong pangunahing pagpapahalaga (core values) ang nililinang sa mga temang ito: Kalusugan at Pakikiisa sa Kalikasan, Katotohanan at Paggalang, Pagmamahal at Kabutihan, Ispiritwalidad, Kapayapaan at Katarungan, Likas-kayang Pag-unlad, Pagkamaka-Pilipino at Pakikibahagi sa Pambansang Pagkakaisa (Values Education for the Filipino: 1997 Revised Version of the DECS Values Education Program, ph. 10-11).
Mga Pamantayan sa Programa (Learning Area Standards)
Naipamamalas ng mag-aaral ang pag-unawa sa mga konsepto sa pananagutan sa sarili, pamilya, kapwa, bansa/daigdig at Diyos; nakapagpapasya at nakakikilos nang may pananagutan tungo sa kabutihang panlahat upang mamuhay nang may kaayusan at kaligayahan