Modyular na Gawain: Oktubre 9, 2023 || Lunes
MGA GAWAIN NGAYON ARAW.
Basahin ang buhay ni Emilio Aguinaldo.
Sagutin ang mga sumusunod na gawain.
Si Emilio Aguinaldo, ang pinakabatang heneral na naging pangulo ng Republika ng Pilipinas at siya ay ipinanganak noong Marso 12, 1869. Isa siya sa bayaning nakibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas laban sa mga Español at Amerikano. Ang kaniyang mga magulang ay sina Don Carlos Aguinaldo na isang Gobernadorcillo at Trinidad Famy. Ika-pito sa walong magkakapatid, nag-aral siya ng elementarya at sekondarya sa Colegio de San Juan de Letran ngunit huminto ng pag-aaral ng namatay ang kaniyang ama noong nagkaroon ng Cholera Outbreak taong 1882.
Sa kaniyang pagsisikap ay nakitaan siya ng pagkapolitiko kaya siya ay naging cabeza de barangay ng Cavite noong 1894. Sumali siya sa Katipunan, ang samahan na pinamumunuan ni Andres Bonifacio, at dito siya ay naging pinuno ng kampong Magdalo. Naging importanteng lokasyon ang Cavite ng rebolusyon dahil dito nanalo ang Magdalo sa maraming labanan laban sa España.
Nagkaroon ng malaking agwat at nagkaalitan ang dalawang kampong Magdalo at Magdiwang. Dito na namagitan ang pinuno na si Andres Bonifacio at nahalal bilang pangulo si Aguinaldo habang nasa mababang posisyon si Andres Bonifacio bilang Ministro ng Interyor. Dito na nagalit si Andres Bonifacio at pinawalang-bisa ang eleksiyon. Sa utos ni Aguinaldo, ipinahuli niya si Bonifacio kasama ang kapatid nito na si Procopio at hinatulan ng pagtataksil at sinintensiyahan ng parusang kamatayan. Pagkatapos ng pangyayaring ito, napilitan si Aguinaldo na lumikas patungong Hong Kong matapos pinirmahan ang Kasunduan sa Biak-na-Bato.
Si Commodore George Dewey ang naging daan ng pagbabalik ni Aguinaldo sa Pilipinas. Bumalik siya sa kaniyang posisyon at tuluyang lumaban sa mga Español noong Mayo 19, 1898. Noong Hunyo 12, 1898 ideneklara niya ang kalayaan ng Pilipinas nang iwinagayway niya ang watawat ng Pilipinas sa kaniyang bahay sa Kawit, Cavite at sumuko ang mga Español sa Amerika.
Noong Enero 21, 1899 itinatag niya ang Malolos Constitution sa Malolos, Bulacan. Noong Pebrero 4, 1899, binaril ng sundalong Amerikano ang sundalong Pilipino sa kalye Silencio at Sociego, Sta. Mesa, Manila. Dito na nagsimula ang hudyat ng digmaang Pilipino-Amerikano. Nagsimula ang labanan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano.
Si Pangulong Emilio Aguinaldo ay tumakas ng siya ay bantang dadakpin ng mga Amerikano. Nagbuwis ng buhay ang maraming heneral na Pilipino sa pagtago sa kay Aguinaldo. Ang iba ay sumuko na ngunit maraming buhay ang nawala. Si Aguinaldo ay nahuli sa Palanan, Isabela ng puwersang Amerikano sa pamumuno ni Heneral Frederick Funston noong Marso 23, 1901 at naging dahilan upang matapos ang kaniyang pagkapangulo.
Unang Gawain: Isulat ang sagot sa kwaderno.
•Ano ang ginawa ni Hen. Emilio Aguinaldo upang matamo ang Kalayaan ng bansa?
•Paano mo papahalagahan ang kanyang ginawa para sa bayan?
Ikalawang Gawain: Panuto: Ibigay ang hinihingi sa bawat pangungusap. Isulat ang tamang sagot sa kwaderno.
1. Siya ang pinakabatang heneral na naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
2. Kailan ipinanganak si Emilio Aguinaldo?
3. Nahati ang Katipunan sa dalawa. Anong pangkat ng KKK ang kanyang pinamunuan?
4. Sino ang naging daan ng pagbabalik ni Aguinaldo sa Pilipinas?
5. Kailan idineklara ni Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas?
MAG-ARAL at MAGHANDA SA TALAKAYAN BUKAS. Maraming Salamat mga Batang Alangilan! 😀