HISTORY
HISTORY
Learn about the beginnings of our school and the milestones we’ve achieved.
Batay sa mga tala at salaysay ni Ginang Teresita De Mesa Cadicoy, dating Punongguro ng Sabang Elementary School (retirado), ang mga impormasyon ay nagsisilbing bahagi ng makasaysayang dokumentasyon ng paaralan.
Noong Hunyo 1945, sa isang maliit na bahay-kubo na nagsilbing “bagoongan*” noon, limampung (50) mag-aaral ang nagsimula ng kanilang pormal na pag-aaral. Ito ay nakilala bilang Sabang Community School. Ang kauna-unahang guro ay ang yumaong Gng. Salome Rances mula sa Catabangan, Ragay, Camarines Sur. Maikli lamang ang kanyang pananatili sapagkat sa kalagitnaan ng taong iyon, siya ay pinalitan ni Bb. Lagabong** mula sa Baho (ngayo'y San Juan), Del Gallego. Siya naman ay pinalitan ni G. Manuel Ubante, at noong Oktubre ng kaparehong taon, si G. Dominador Talan ang humalili sa kanya.
Noong sumunod na buwan, dumalaw si G. Dominador Corralde, Purok Tagamasid (Public Schools District Supervisor), sa paaralan at natuklasan niyang mayroong 80 mag-aaral sa ilalim ng pangangasiwa ni G. Talan. Nagpasya siyang hatiin ang klase sa dalawa—ang mga mahusay ay ilalagay sa Baitang II at ang natitira ay mananatili sa Baitang I.
Noong panahong iyon, ang Del Gallego ay bahagi pa ng Ragay District. Ang punong-guro ay si G. Bernabe Agliam at ang PSDS ay si G. Dominador Corralde. Noong 1946, sina G. Eugenio Juarez at G. Apolinar Minor ang humawak ng mga klase. Dumating naman si G. Marcelino Maras bilang tagapangasiwa ng paaralan. Siya ang nagsimula ng pagbubukas ng Baitang V at pagdaragdag ng isang guro sa Home Economics (HE) na si Bb. Conchita Ubalde.
Noong 1947, nagturo rin sa paaralan sina G. at Gng. Neopita Tipay mula Ragay. Pinalitan ni G. Masol** si G. Talan noong sumunod na taon, dahil si G. Talan ay magpapatuloy ng pag-aaral sa Maynila. Noong 1950, ang dating Rosalina Sebello na ngayo’y yumaong Gng. Rosalina de Mesa ang humawak ng Baitang V.
Dahil sa mabilis na pagdami ng mga mag-aaral, isang karagdagang gusali ang naipatayo sa tulong ng PTA sa pangunguna ng yumaong G. Melecio de Mesa. Ang mga sumunod na taon ay puno ng pagsubok at hamon habang may mga mag-aaral at guro na dumarating at umaalis. Gayunpaman, patuloy na sinuportahan ng paaralan ang lumalaking populasyon ng mga mag-aaral hanggang sa unang bahagi ng 1971, nang ito ay ganap na naging kompletong elementarya.
***Noong taong 1986, isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Sabang Elementary School ang naganap sa pamamagitan ng matibay na pagtutulungan ng pamahalaang barangay at ng sektor ng edukasyon. Sa bisa ng Resolution No. 8, s. 1986, pormal na ipinagkaloob ang Barangay Sabang Barangay Hall, kasama ang lahat ng mga pagpapahusay at imprastrakturang nakapaloob dito, sa Ministry of Education, Culture and Sports (MECS).
Ang nasabing donasyon ay isinakatuparan sa pamumuno ni Acting Barangay Captain Rosalio Basco, bilang kinatawan ni Barangay Captain Resureccion Basco na noon ay naka-leave. Tinanggap naman ito ng MECS sa pamamagitan ni Dr. Ariston M. Villareal, Public Schools District Supervisor ng Del Gallego District.
Ang makasaysayang hakbang na ito ay naging mahalagang pundasyon sa patuloy na pagpapaunlad ng serbisyong pang-edukasyon sa komunidad, at naging epektibo noong ika-15 ng Oktubre, 1986.
Ang Sabang Elementary School ay patuloy na nagpapatupad ng mga programa at inisyatiba na naglalayong mapahusay ang akademikong pagganap ng mga mag-aaral, paghubog ng kanilang pagpapahalaga, at pakikilahok sa mga gawaing ko-kurikular. Aktibo rin itong nakikibahagi sa mga gawain sa antas ng distrito at dibisyon, na nagpapakita ng angking talento at kakayahan ng mga mag-aaral.
Sa kasalukuyan, nananatiling matatag ang Sabang Elementary School sa kanyang pangako sa kahusayan, na humuhubog ng mga mag-aaral na may sapat na kakayahang bumasa at sumulat, may mabuting pagpapahalaga, at taglay ang mga kasanayang kinakailangan upang harapin ang mga hamon ng ika-21 siglo. Patuloy nitong pinangangalagaan ang kanyang pamana ng paglilingkod, dedikasyon, at malasakit sa kabuuang pag-unlad ng bawat mag-aaral.
Sa kasalukuyan, ang Sabang Elementary School ay itinuturing na ikatlong pinakamalaking paaralan sa Purok ng Del Gallego na may humigit kumulang 300 mag-aaral. Binubuo ito ng 11 gurong tagapayo sa pangunguna ng Punongguro, G. Rodrigo A. Collantes.
Patuloy na umaasa ang paaralan sa higit pang tagumpay sa tulong ng PTA, mga stakeholders, mga opisyal ng barangay, lokal na pamahalaan, at pambansang pamahalaan.
**Hindi matandaan ang buong pangalan.
***Idinagdag na impormasyon
1st Commencement Exercises
Class 1971-1972
Colorized Version by: Sir Rommar Manzano