History
History
Kung ang pagbabasehan ay ang mga bago nitong silid-aralan, ang maganda at maaliwalas nitong kabuuan sino ang magsasabing ang Paaralang Sentral ng Pulilan ay isandaang taon na!
Kamangha-mangha tama?
Kung ito lamang ay buhay at makapagpapatotoo gaya ng lolo at lola mo, marahil ang bawat sulok nito ay ibabahagi sa iyo ang makukulay at masasayang alaala na umukit na sa kasaysayan.
Halika at tayo ay magbalik tanaw.
Ang ating minamahal na Paaralang Sentral ay nagsimula sa Panahon ng mga Amerikano noong 1919. Ito ay unang tinawag sa pangalang Paaralang Elementarya ng Pulilan. Base sa mga tala ito ay nagsimula lamang sa dalawang silid-aralan at dito ay may pitong baitang o antas. Ayon sa mga matatanda, ang mga guro noong mga panahong iyon ay talaga namang istrikto at ang parusang korporal ay karaniwan lang. Ang pagbabasa, pagsusulat at aritmetik ay buong husay na itinuturo sa mga mag-aaral kaya nga pag ikaw ay nakatapos sa ikapitong baitang ay pwede ka na ring magturo. (Wow!!Kaya pala ang mga lolo at lola na nakatuntong ng elemantarya sa lugar namin noon ay talaga namang magagaling.)
Ilang dekada pa ang lumipas at ang paaralan ay patuloy sa pag-unlad sa pamumuno ng mahuhusay na prinsipal at mga guro.
Taong 1981 ng ang paaralan ay naging tanyag sa pamumuno ng noon ay prinsipal na si Dr. Aurora F. Reyes. Pinaghusay niya hindi lang ang pisikal na aspeto ng paaralan kundi pinaigting nya rin ang pagpahusay sa multiple intelligences ng mga guro at mga mag-aaral. Sa panahon ng kanyang panunungkulan na ang Paaralang Sentral ay napagkalooban ng parangal na pinakakaasam ng lahat ng namumuno ng paaralan. Ang parangal na ito ay ang prestihiyosong “MOST EFFECTIVE ELEMENTARY SCHOOL IN REGION III”.
Lubhang kahanga-hanga!
Sa paglipas ng panahon hindi maikakaila na patuloy sa pag-unlad at pamamayagpag ng paaralan sa iba’t ibang larangan. Sinasabi na ang husay ng paaralan ay masusukat sa klase ng mga mag-aaral na nagmula rito. Maraming mga tanyag sa negosyo pulitika, medisina, inhinyera, arkitektura at iba pang larangan ang nagtapos sa ating sintang paaralan. Sina dating Bise Gobernador Aurelio Plamenco, Dra. Sixta Navarro-Foronda, doktora ng mga sikat na artista, Diego Demetrio na sikat sa mahuhusay nyang pinta. Commisioner Estelita Aguirre sa serbisyo publiko, Emma Castillo-Bajet sa larangan ng pagnenegosyo. Ilan lamang sila sa talaga namang nagging tanyag sa kani-kanilang larangan at hinahangaan ng karamihan na dapat tularan ng mga bagong sibol nating kabataan.
Sa kasalukuyaan, sa kanyang ika-102 malaki man ang ipinagkaiba sa orihinal nitong porma,mula sa dalawang klasrum na ngayon ay 70 na! Wala mang bakas ng dati nitong bikas hindi maikakaila na napakalaking bahagi na ng kasaysayan ng Pulilan at sa kanyang mamamayan ang naibahagi ng minamahal na paaralan. Sabay sa matuling pag-usad ng mga araw,katulad ng mga bituin ang ating sinisintang Pulilan Central ay patuloy na nagniningning.Sa iba’t ibang paligsahan namamayagpag pa rin sa paggabay ng 100 na mahuhusay na guro sa pamumuno at suporta ng ating punongguro na si Revelyn L. Maniego, EdD.
Nagbagong anyo man ang kanyang itsura ang ibinibigay nyang dunong ay nandito pa. Nakatutuwang isipin na sa paglipas ng panahon sabay sa mabilis na takbo ng buhay ang Paaralang Sentral ay patuloy na nakaagapay.