Noong unang panahon, sinasabing ang Barangay ng Lambakin ay isang gubat kung saan ay makikita ang isang lambak. Ang salitang Lambakin ay nanggaling sa salitang-ugat na lambak na ang ibig sabihin ay patag na lugar sa pagitan ng dalawang burol. Sa may dulo nito matatagpuan ang Bahay - Pare o ang Casa del Padre Agustino na ginawang pahingahan ng mga Agustino. Ayon sa mga tala, may kahirapang ipaliwanag ito sapagkat hindi naman sakop ng kanilang misyon ang lugar na ito. Ipinagpalagay na tanging bakasyunan lamang nila o lugar pahingahan at hintuan sa pagtungo nila sa bandang hilaga. Mayroon din silang mga lupain sa bandang silangan, malapit sa San Mateo at maaaring ito ang sentro ng kanilang administrasyon dito.

Sa paglipas ng panahon ay marami ng tao ang nakatuklas sa munting gubat na ito. Sila ay nagtayo ng mga bahay at dito ay nanirahan. Karamihan sa mga tao dito ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagsasaka at pagtitibag ng mga bato dahil ito ay mataas na lupa. Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon na ng 50 kabahayan sa pook na natura. Sila ay nagtulong-tulong sa pag-aayos ng barangay.


Walang kalsada at paaralan dito. Sa Barangay Lias Lamang nag-aaral ang mga bata na dito ay nanirahan. Naglalakad lamang sila tuwing papasok sa paaralan sa Lias kung kaya't marami sa kanila ang tinatamad na pumasok sa paaralan.


Habang lumilipas ang panahon ay lumalaki rin ang populasyon ng naturang lugar. Mula sa salitang lambak ay nakagisnan na ng mga tao na tawagin itong Lambakin. Unti-unting inayos ng mga tao ang lugar na ito. May isang mayamang tao ang dito ay nangahas na magtayo ng pabrika. Dahil dito, ang ilan sa mga nanirahan dito ay nagkaroon ng hanapbuhay. Maraming tao ang dito ay napadpad, sila ay nagmula sa iba't ibang lugar.