Pagbasa mo palang sa pamagat na aking sinulat, alam ko na magtataka ka kung bakit numero ito. Huwag kang mag-alala hindi ito patungkol sa aking kaarawan o numero ng aming bahay o mas di kaya plaka ng tricyle ng aking tatay. Hayaan mo, sa dulo ng aking kwento, malalaman mo din kung anong meron sa likod ng numero na ito sa aking buhay at marahil sa buhay mo din .
Hay! sabik na sabik ka na talagang malaman kung saan nga ba patungkol ito. Gayunpaman, mas nakakapanabik na pagninilaynilayan mo muna ang nakatatagong lihim ng mga numerong ito.
Dito sa mga ‘bilang’ na ito, mas nabago ako; nabago ang mga pag-uugali ko, mas nakilala ko kung ano ang kahinahan at kalakasan ko. Dahil din dito, nahubog ako at nagumpisang mangarap. Mangarap ng malaya at may kasiyahan. Mangarap ng walang humpay at maniwala na ang mga pangarap ay natutupad.
Hindi ko rin makakalimutan na sa mga numerong ito, nasaksihan ko ang pag-ikot ng mundo ko. Nakilala ko kasi ang aking mga kaibigan at mga taong kailanman hindi ako iniwan, hindi napagod na intindihin ako at higit sa lahat tinuruan ako ng mga bagay na kailangan ko tungo sa aking magandang hinaharap.
Hindi ko din sukat akalain na sa mga numerong ito, mas nauunawan ko din ang salitang “pagmamahal at dedikasyon.” Sino nga ba’t makakalimot sa dalwang salitang ito na mula lunes hanggang biyernes, naibabahagi at naipapadama nila sa atin ang tunay na pagmamahal at walang limitasyong pag-uunawa. Tiyak, sa mga numerong 102788, kung wala ito hindi ako makakasulat ngayon ng binabasa mo.
Alam mo din ba, nang dahil sa mga numerong ito, natagpuan ko ang lugar na masasabi kong tahanan. Dito hindi ko alintana ang mga problema. Malaya lang ako maglaro, makipagkwentuhan at matuto. Hindi limitado ang aking kaisipan at kasiyahan.
Ngunit, napagtanto ko, konting panahaon na lang, bibitaw na pala ako sa mga numerong ito. Mga numerong pansamantala lang pala sa mga mata ko pero alam ko na sa puso ko nakatatak na ito! At sa aking pag-alis, bibitbitin ko pa rin ang mga aral at magandang asal na siyang hinubog nito sa pagkatao ko. Kaya bago ako magtapos sa Hunyo, nais kong munang pasalamantan ka, 102788, maraming - maraming salamat sa iyo Mababang Paaralan ng Curva! Ikaw ay mananatili sa puso’t isip ko! Muli, MARAMING SALAMAT!