Newagac Elementary School, A School with a Heart in Education
Ang Kasaysayan ng Paaralang Elementarya ng Newagac
Ayon sa mga unang naninirahan sa barangay Newagac walang pormal na paaralan ang mga bata noon. Sila’y nag-aaral sa silong ng bahay ng pamilyang Cinco. Ang kauna-unahang guro ay si G. Abraham Edisani na nagturo ng kombinasyong klase noong 1950-1960 ( unang baitang at ikalawang baitang). Nang lumaon, tumaas ang bilang ng mga mag-aaral kaya sila’y lumipat sa bahay ng pamilyang Felipe at si Gng. Catalina Bejarin ang naging guro at asawa ng Tinyente del Barrio na si Santos Bejarin.
Dahil nakita ng mga opisyales ng barangay ang pagnanais ng mga bata na mag-aral at mga guro na magturo, napagkaisahan nilang mag-ambag ambag ng tigtatatlong bugkos ng palay sa bawat tahanan para may magamit sila sa pagpapatayo ng paaralan. Ang kauna-unahang silid –aralan ay yari sa buho at pawid sa pamamagitan ng bayanihan at ito ay ipinatayo sa lote na ibinigay ng pamilyang Foster.
Para makaipon ng karagdagang pundo para sa pagpapatayo ng paaralan, nagdaos sila ng sayawan na may bayad (benefit dance). Dahil dito, matagumpay na naipatayo ang kauna-unahang gusali ng Paaralang Elementarya noong 1960. Si G. Jose Tomas ang nagturo ng Grado I at Grado II at si Gng. Catalina Bejarin naman ang nagturo ng Grado III at Grado IV.
Pagkalipas ng mga taon, dumami ng dumami ang bilang ng mga mag-aaral kaya sila’y nagpadonasyon sa mga iba’t ibang ahensiya, maykaya, at mga nagtatrabaho sa abroad. Sa pamamagitan ng mga ambag, napasemento ang mga gusali. Ang mga klase ay may tig iisang grado. Nagkaroon na rin ng opisyal na pangalan ang paaralan, “PAARALANG ELEMENTARYA NG NEWAGAC” na noon ay Newagac Commuity School.
Iba’t ibang administrasyon ang namamahala sa paaralan. Noong 1950-1960 Abraham Edisani, 1960-1966 Gng. Catalina Bejarin, 1966-1972 G. Jose Tomas, 1972-1979 G. Romeo Malenab, 1979-1985 Bb. Iluminada Peralta, 1985-1991, 1997-2000 G. Forencio Calimag, 1991-1997 Minda T. Alberastine, 2000-2008 Romel Cabildo, 2009-2013 Anabel Corpuz at si Gng. Sherylmia A. Oclos 2013 hanggang sa kasalukuyan.
Ngayong taon 2020-2021, may 14 classroom teachers at isang principal.
Napaganda at napaunlad nang husto ang paaralan dahil sa pagkakaisa ng mga guro, mga magulang at mga opisyales ng barangay.
Ang paaralang Newagac ang may pinalamalaking populasyon at may pinakamalawak na lupain.
At ang Paaralang Newagac ang kauna-unahang nagkaroon ng “RCN Type Building dito sa Gattaran.