Taong 1983, sa pamamagitan ng programa ni Gng. Imelda Marcos noong si Pangulong Ferdinand Marcos pa lamang ang pangulo ng Pilipinas, sa pakikipag-ugnayan ng mga namumuno sa Sitio Bayan, nabigyan sila ng paaralan. Sa pakikipagtulungan ng mga residente ng Sitio Bayan lalo na ang Senior Citizen at sa magandang pamumuno ng dating Konsehal Severo Balauro sinimulan nila ang pagpapatayo ng paaralan.
Gumamit sila ng punongkahoy para sa haligi at kawayan naman ang bubong at dingding nito. Walang bayad o suweldo ang mga nagtrabaho dito.
Ipinatayo ang paaralan sa Matangab, mataas na bahagi ng Sitio Bayan na kung tawagin ng mga residente ay Hilltop. Ang lote kung saan nakaposisyon ang paaralan ay pagmamay-ari ni Ginoong Patricio Bisqueg. Si Ginang Zenaida Castro ang unang guro na nagturo sa paaralang ito na noon ay dalawang grado lang ang mga mag-aaral. ang mga ito ay Una at Pangalawang Baitang.
Taong 1987 inilipat ang paaralan sa lote ni Lorenzo Domingo. Dumami ang mga mag-aaral kaya naging apat na baitang na ito. Ang sumunod na guro ay sina Ginang Presentacion Juan at Ginoong Edwin Samin na siyang naging TIC o Teacher - in - Charge sa paaralang ito. Dahil kulang sila sa pondo, nagpunta sina ginang Presentacion Juan at Ginang Habita Domingo sa opisina ni Gobernador Rodolfo Aguinaldo para humingi ng tulong. At sa panahong iyon ang kasalukuyang Superbisor ng Distrito ay si Ginang Nerina Israel Padilla. Siya ang nagbigay ng pangalan ng paaralan na San Luis Primary School. Kasunod sa pangalan ng kanyang ama na si Ginoong Luis.
Ayon sa kuwento nina Ginoong Robustiano Gaspar at Mang Severo, naging kumpleto na elementarya ang paaralang ito noong taong 1997.
Hulyo 2016, gumamit na ang mga guro ng laptop sa pagtuturo nila sa mga batang mag-aaral. Sa taong ito mayroon na namang naging guro na tga - Sitio Bayan, siya ay si Arnel Vallejo.
Dahil sa kagustuhan at pagpupursige ng mga guro na mabigyan ang mga mag-aaral ng dekalidad na edukasyon, naisipan nilang magkaroon ng proyekto sa telebisyon. Dahil na rin sa suporta ng mga magulang, nagkaroon ng telebisyon ang ilang klase. Mula nga noong Marso 2017, gumamit na ng laptop at telebisyon ang mga guro sa pagtuturo.
Sa taon ding ito, mayroong isang batang mag-aaral ng San Luis Elementary School ang nagbigay ng karangalan sa lugar na ito. Siya si Cristel M. Bengcan. Siya ay labing-tatlong gulang at tubong Sitio Bayan.
Nadiskubre ang kayang galing sa paglalaro ng Javelin Throw noong siya ay nasa ikalimang baitang pa lamang. Siya ang nagchampion sa mga sumusunod: Unit Athletic Meet, District Athletic Meet, Municipal Meet, CAFDESAA , Provincial Meet, at CAVRAA. Narating niya ang Palarong Pambansa na ginanap sa San Jose, Antique noong April 23-29, 2017. At nakamit niya ang pangatlong parangal.