Sipat- Suri sa mga Penomenal na Patalastas: Ang Ugnayan ng Lipunan, Komersiyo, at Araling Filipino

Veronica Basa 1

Prof. Israel DC. Sanguinsin, MAE 2

Language Department, College of Arts and Sciences, 1

Don Honorio Ventura State University, Bacolor, Pampanga, 2001,  Philippines 

Bulacan State University, City of Malolos, Bulacan 2

veronicabasa021415@gmail.com

ABSTRAK


Sa tulong ng dulog Feminismo, Komersiyo, at Araling Filipino sinuri ang ugnayan ng lipunan, komersiyo, at araling Filipino sa pamamagitan ng  mga piling penomenal na patalastas kagaya ng Belo Medical Group na Pandemic Effect, ang Stop Tita Shaming ng Julie’s Bakeshop at ang Pustiso ng RC Cola dahil sa mga bilang ng manonood (views)  at sa pagkakaroon ng paksang patungkol sa kababaihan. Gamit ang limang sistema ng semiotika (kayariang pangwika/ lingguwistika, larawang gumagalaw at ‘di gumagalaw, kaligirang tunog at musika, kilos pahiwatig, at espasyong pangkapaligiran) sinuri ang mga patalastas gamit ang content analysis o pagsusuring pangnilalaman na isang tipo ng kuwalitatibong pag- aaral upang makita kung anong mga usaping feminismo, komersiyo, at araling Filipino ang nakapaloob sa mga ito. Ang pagsusuring nagawa ay pinagtibay ng mga eksperto sa Feminismo, Komersiyo, at Araling Filipino at nakapasa sa lahat  ng pamantayang inilahad sa pagsusuri. Naipakita sa kaibuturan ng pananaliksik ang papel ng kababaihan sa larangan ng komersiyo kung paano ginagamit ang imahen ng kababaihan sa pagpapakilala ng mga produkto at serbisyo na nakaugnay sa pananaw ng lipunang Pilipino. Sa pagsusuri, ang layunin ng mga patalastas ay virality. Maging sikat ang brand, produkto, at serbisyo gamit ang mga kakaibang patalastas negatibo man o positibo ang mensahe ng mga ito sa mga manonood. Naisiwalat din ng pagsusuri ang ilang kultura at kaugaling Filipino na hindi na katanggap- tanggap sa lipunan sa kasalukuyang panahon. Sa kabuoan, ang mga nasipat at nasuri ng mananaliksik na imahen ng lipunan at komersiyo ay maaaring maging lunsaran ng mga guro sa pagtuturo ng panunuring pampanitikan gamit ang mga dulog na ginamit sa pananaliksik.


Mga Susing Salita: Araling Filipino, lipunan, Feminismo, komersiyo, patalastas, at semiotika

PANIMULA 


Ang pagkilala sa lipunan ay isa sa mga mahahalagang bagay na dapat isaalang- alang ng isang guro sa Filipino sapagkat ang pagtuturo nito ay hindi lamang umiikot sa wika kundi ito’y kinapapalooban din ng lipunan at kultura. Kailangan nitong magkaroon ng malawak na kaisipan hinggil sa mga bagay na bumubuo rito. Lahat ng larangan sa lipunan ay may representasyong nais ipakita. Bilang isang guro mahalagang masuri at masipat ang mga ito upang magamit sa pagtuturo. 


Isa sa mga larangang madalas kakitaan ng mga imahen at representasyon ay ang komersiyo. Ang komersiyo ay itinuturing na transaksiyon sa lipunan (Chen, 2022). Ito’y tinaguriang “social dealing” sa negosyo man o sa iba pang bagay sa lipunan. Ang komersiyo sa kasalukuyan ay hindi na lamang nagaganap sa pamamagitan ng pakikipag- usap kundi pati na rin sa iba pang paraan ng komunikasyon. Ang komersiyo ay may malaking parte sa lipunan, sapagkat nag-iiwan ito ng impresyon sa mga tao lalo na’t maraming paraan upang ito’y maipalaganap at isa na rito ang paggamit ng midya. Ang midya ay isang uri ng komunikasyong ginagamit ng tao upang magkaugnay at makapaghatid ng mensahe (Livesey, 2011). Ito ang pangunahing paraan lalo na sa kasalukuyan upang makipag-ugnayan. Ang midya ay isa sa mga makapangyarihang instrumento sa pagpapahayag ng damdamin, paghahatid ng impormasyon at pagpapakilala ng mga produkto, gamit ang patalastas na isang uri ng advertising.


Ang advertising ay isang pamamaraang ginagamit ng mga negosyante o korporasyon upang ihatid sa kaalaman ng mga mamimili ang iba’t ibang produktong maaari nilang mabili sa pamilihan (Mabaquiao, 2008). Gamit ang mga patalastas ay naipaaabot ng mga negosyante sa mga konsuyumer ang mga kaalamang dapat nilang malaman hinggil sa mga produkto at serbisyo na iminumudmod, sa ganitong paraan nagaganap ang komersiyo. Malaking parte ng komersiyo ang mga patalastas sapagkat habang dumarami ang naaabot ng patalastas ay lumalawak naman ang nasasaklaw ng negosyo. 

Ang mga patalastas ay hindi lamang hinuhubog ng iba’t ibang mga industriyang gumagawa nito kundi pati na rin ng kultura sa lipunang kinabibilangan ng mga nasa likod nito kaya’t masasalamin sa nilalaman ng mga patalastas kung ano ang ipinakikilala ng kulturang popular, kung ano ang sikat, ano ang maganda at katanggap-tanggap. Samakatuwid ang patalastas bilang bahagi ng komersiyo ay bahagi rin ng lipunan dahil makikita sa mga patalastas ang panlahat na kultura ng kontemporaryong panahon. Sa pananaliksik na ito, ang mga patalastas ang naging tulay upang makita ang ugnayan ng komersiyo, lipunan at Araling Filipino. Ang Araling Filipino ay ginagamit na paraan upang mapag-aralan ang pag-iisip, kultura, at lipunan ng mga Pilipino. Tulad ng mga nasusulat na panitikan, sinusuri din ang mga patalastas upang makita ang mga ideolohiya na isinisiwalat nito. Ang mga ganitong pagsusuri ay malaking bahagi sa pagpapatibay ng Araling Filipino. Gamit ang iba’t ibang mga dulog, naipakikita sa mga pagsusuri ang ibang imahen ng mga patalastas maliban sa pagpapakilala ng mga produkto nito. Ang pagsuri sa mga patalastas ay isang paraan upang makilala ang lipunan. Kung gayon, nagiging malaking bahagi ang komersiyo sa pagkakaroon ng matibay na ugnayan ang mga kultura. Hinahayaan nito na bigyang depinisyon at alamin ng mga tao ang kulturang mayroon sa lipunan. 


Sa mga naunang pag- aaral tungkol sa mga patalastas tulad ng From Femininity to Feminism: A Visual Analysis of Advertisements Before and After the Femvertising Movement (Case, 2019), sinuri ang mga mensahe at disenyo ng mga nakaimprentang  patalastas gamit ang Social Semiotic Theory upang makita ang kulturang nakapaloob dito partikular na ang pagkakaiba ng representasyon sa kababaihan sa mga patalastas sa paglipas ng panahon. 


Sa pag- aaral namang ito, sinuri ng mananaliksik ang mga patalastas na napapanood. Katulad ng unang pag-aaral na nabanggit, ginamit din ng mananaliksik ang teorya ng semiotika upang makita naman ang representasyon ng mga kababaihan sa kasalukuyang panahon sa mga patalastas na mapapanood sa iba’t ibang mga platapormang onlayn. Ang semiotika ay pag- aaral ng mga sign (tanda) sa iba’t ibang mga materyal. Tinawag itong “the life of signs within society” ni Ferdinand De Saussaure. Mapapansing layunin ng naunang pag- aaral na makita lamang ang pagkakaiba ng mga patalastas na ito gamit ang dulog Feminismo. Samantala, sa pananaliksik na ito, layunin ng mananaliksik na makabuo ng kritikal na pagsusuri sa mga patalastas gamit ang dulog feminismo, komersiyo, at Araling Filipino upang maging lunsaran ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino at makita ang imahen ng lipunan at makilala ang mga umuusbong na kultura’t paniniwala na bahagi ng pagtuturo nito. 


 Pinili ng mananaliksik na gamitin ang mga kakaibang patalastas sa pagsusuri o mas kilala sa tawag na oddvertising. Ang oddvertising ay kakaiba at nakatutuwa. Ito ay kombinasyon ng salitang odd at advertising na tumutukoy sa mga patalastas na may offbeat o hindi ordinaryong nilalaman at paraan ng pagkukuwento.


Ilan sa mga kakaibang patalastas na ito ay pinagbibidahan ng mga kababaihan. Nagkakaroon ng representasyon ang kababaihan sa mga patalastas na ito na naging dahilan upang magkaroon ng isang malalim na interpretasyon sa mga nais iparating nito. Ang pagkakaroon ng representasyon ng kasarian sa midya ay nakaiimpluwensiya sa kultura, pamantayan at katanggap- tanggap na ugali ng mga tao (Collins, 2011). 


Hindi maikakaila na malaki ang epekto ng mga patalastas sa pananaw ng mga tao. Nabibigyan nito ng panibagong imahe ang lipunan na pinaniniwalaan ng mga tao bilang katanggap- tanggap. Ang mga pagbabagong ito sa lipunan ay marapat lamang na masuri at mabigyan ng kaugnayan sa proseso ng pagbebenta at pagtangkilik ng mga produkto at serbisyo.


Sa kasalukuyan, makikita sa mga patalastas ang mga nabanggit na konsepto. Ang mananaliksik ay bumuo ng isang kritikal na pagsusuri sa mga piling penomenal na patalastas na may kaugnayan sa usaping feminismo, pangkomersiyo at araling Filipino. Nais ng mananaliksik na suriin ang mga piling penomenal na palatastas upang makita ang ugnayan ng tatlong ito.


Ang mga patalastas ay makapangyarihan. Kaya nitong magturo at makapagpabago ng pananaw. Nakatutulong ang mga ito upang lalong lumalim ang kaisipan ng bawat indibidwal sa mga nangyayari sa lipunan. Kaya naman napakahalaga na magkaroon ng bukas na isipan ang lipunan lalo na ang mga guro sa Filipino hinggil sa mga bawat mensaheng inihahayag ng mga patalastas. Sa pag-inog ng lipunan ay maraming mga umuusbong na mga isyu at kaisipan na dapat masipat at masuri.

METODOLOHIYA


Ang pananaliksik na ito ay isang Kwalitatibong pagsusuri. Ginamit ang metodong Case Study na may layuning makabuo ng isang detalyadong paglalarawan at pag-unawa sa bagay na sinusuri (Heale at Twycross, 2018). Upang maisagawa ito ginamit ng mananaliksik ang dulog na content analysis o pagsusuring pang nilalaman. Ito ay naghahangad na maunawaan ang isang pangyayari sa pamamagitan ng pagtuon sa kabuuang larawan sa halip na paghiwalayin ang mga ito sa mga baryabol. Ito ay kinapapalooban ng mga uri ng pagsisiyasat na may layuning malalimang maunawa ang pag-uugali, ugnayan ng tao at ng mga panlipunang realidad tulad ng kultura na hindi maaaring mabilang.  Nakatuon ang content analysis sa mga katangian ng mga materyales at ano ang kahulugan na makikita sa mga ito. Ito ay isang pamamaraan sa pananaliksik na inilapat sa mga nakasulat o biswal na materyales para sa layuning makilala ang mga katangian ng mga materyales tulad ng mga aklat, dyaryo, web page, blog, talumpati, programa sa telebisyon, adbertisment, komposisyon ng musika, at iba pang uri ng dokumentasyon (Ary, et. al 2012). Ang paggamit ng pagsusuring pangnilalaman ay may layuning makita at maipalabas ang mga nakatagong kahulugan sa isang akda.



        RESULTA NG PAG- AARAL



KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON


       Narito ang mga naging kongklusyon sa pag- aaral:


Batay sa naging resulta ng pag- aaral na ito, ang mga sumusunod ay iminumungkahi ng mananaliksik: 



SANGGUNIAN


Ary, D., Jacobs, L.C., Sorensen, C., Walker, D. (2012). Introduction to Research in Education, 488-490. Cengage Learning

Case, L. (2019). From Femininity to Feminism: A Visual Analysis of Advertisements Before and After the Femvertising Movement. Strategic Communications and Communication Design Elon University

Chen, J. (2022). Commerce: What It Is, How It Differs From Business and Trade. https://www.investopedia.com/terms/c/commerce.asp

Collins, R.L. (2011). Content analysis of gender roles in media: Where are we now and where should we go?. Sex Roles, 64(3-4), 290-298. https://doi.org/10.1007/s11199-010-9929-5

Heale, R. at Twycross, A. (2018). What is a case study. http://dx.doi.org/10.1136/eb-2017-102845

Livesey, C. (2011). Defining Mass Media. www.sociology.ord: http://www.sociology.org.uk/media_defined.pdf

Mabaquiao, N. (2008). Ang Nanganganib na Awtonomiya ng mga Mamimili: Isang Pagsusuri sa Etika ng mga Pangnegosyo’t Pambatang Patalastas. https://ejournals.ph/article.php?id=7927



ANG MAY AKDA


Si Veronica Basa ay kasalukuyang nagtuturo ng mga asignaturang Filipino sa Don Honorio Ventura State University, Main Campus sa ilalim ng College of Arts and Sciences.

Siya ay nakapagtapos ng Bachelor in Secondary Education major in Filipino at kasalukuyang tinatapos ang tesis para sa digring Master of Arts in Education major in Filipino sa Bulacan State University, Malolos Bulacan. 

Sa kasalukuyan siya ay isa sa mga tagapayo ng Organisasyon ng mga Mag- aaral sa Filipino sa Don Honorio Ventura State University.