Sustainable Development
Sustainable Development
Ang terminong sustainable development ay pangkaraniwang inililiwat sa Filipino bilang “napapanatiling pag-unlad” at “likas-kayang kaunlaran.” Ito ay prinsipyo sa pag-aayos para sa pagsusustini ng limitadong resources na kinakailangan sa pagtugon maging sa pangangailangan ng mga susunod na henerasyon.
Kahulugan ng Sustainable Development
Ang sustainable development ay kaunlaran na nakatutugon sa pangangailangan ng kasalukuyang henerasyon na may pagsasaalang-alang din naman sa mga pangangailangan ng mga susunod na henerasyon. Ang sabi nga, “Aanhin pa ang sosyo-ekonomikong kaunlaran kung ang kapalit naman nito’y pagkasira o pagkawala ng kalikasan”
Karaniwang ipinapaliwanag ang likas-kayang kaunlaran bilang magkakatugma, hindi nakakapinsala sa maselang pandaigdigang ekosistema, hindi nangangailangan ng pagkaubos ng pinagkukunang-yaman, at hindi nagdudulot ng masama at hindi makontrol na panlipunan at pang-ekonomiyang epekto. Nakapaloob dito ang lubos na paggamit sa mga tubo at benepisyo ng kaunlarang pang-ekonomiya, habang kasabay nito ay pagprotekta at pagtiyak sa pagpaparami ng de-kalidad at magagamit nang matagalan na mga likas na yaman.
Nakapaloob sa sustainable development ang uri ng pagkonsumo na mabuti sa kapaligiran, tulad ng makikita sa sumusunod na pag-uugali:
a. paggamit ng mga kalakal sa matipid at makatuwiran na paraan.
b. Hindi pagtangkilik sa mga kalakal na mula sa mga hindi napapalitang likas na yaman at lumilikha ng mga mapanganib na dumi o basura pagkatapos gamitin.
c. pagbili at paggamit ng mga kalakal na may maliit na pinsala sa kapaligiran.
d. pag-konsumo ng mga kalakal na eco-friendly (halimbawa ay mga pagkain na walang chemical addities, preservatives, at mga kauri nito.)
Kasaysayan ng Pagkabuo ng Konsepto ng Sustainable Development
1969 - National Environmental Policy Act (NEPA)
Layunin: Tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan lalo na sa aspektong pangkabuhayan at panlipunan hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa hinaharap.
1970 - US Environmental Protection Agency (EPA)
Layunin: Linangin at pangalagaan ang kalikasan sa buong daigdig. Pangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan at likas na yaman kung saan nakasalalay ang lahat ng gawain ng tao.
1972 - United Nations Conference on the Human Environment
Layunin: Patatagin ang pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapaligiran.
Inilathala ang World Conservation Strategy (WCS) na naglalahad ng malinaw na konsepto ng Sustainable Development.
Nakasaad sa kasunduan na ang sangkatauhan ay bahagi ng kalikasan at ang kanilang buhay ay nakasalalay sa kakayahan ng kalikasan na tugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.
Naatasan na bumuo ng isang pandaigdigang programa para sa pagbabago (global agenda for change) noong taong 1984.
Itinatag ang Rio Declaration on Environemnt and Development na kumilala sa karapatan ng mga bawat bansa na itaguyod ang kaunlarang panlipinan at pangkabuhayan.
Naganap ang maraming pagpupulong para paigtingin at palakasin ang mga programa ukol sa likas-kayang pag-unlad.
Tinawag na Rio-20 dalawampung taon mula nang unang pagpupulong sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ang nasabing pagpupulong ay nakatuon sa dalawang mahalagang tema:
a. Ekonomiyang makakalikasan (green economy) para sa pag-ahon sa kahirapan.
b. Pangkalahatang balangkas para sa Sustainable Development.
Mga Hamon sa Pagtatamo ng Sustainable Development
Ang likas-kayang kaunlaran ay isang magandang konsepto. Ganunpaman, maraming hinaharap na hamon ang prinsipyong ito at ang mga programang nakapaloob dito. Narito ang ilan:
Consumerism
Ang consumerism ay tumutukoy sa proteksyon o pagtataguyod ng mga interes ng mga mamimili; ang gawi ng lipunan ukol sa pagkuha ng pangangailangang kalakal o consumer goods.
Ang mga consumerist economy ay naghihikayat sa mga tao na tumangkilik at gumamit ng maraming kalakal.
Ang aggressive consumerism ay ang dahilan ng paglago ng ekonomiya ng maraming bansa. Gayunpaman, ito rin ang dahilan sa mabilis na pagka-ubos ng mga hindi mapapalitang mga pinagkukunang-yaman ng daigdig.
Ang consumerism ay hamon sa mga panawagan ng likas kayang pag-unlad ukol sa katamtaman at responsableng pagkonsumo at sa paghikayat sa mga konsumer na magkaroon ng tamang kamalayan at maging higit na sensitibo at responsable sa paggalang sa kapaligiran.
Ang isang paraan ay ang pagtangkilik sa mga kasangkapan na hindi nangangailangan ng maraming enerhiya para likhain, hindi nagreresulta sa pagkaubos ng mga pinagkukunan, at hindi nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran.
Kaakibat ng likas-kayang pag-unlad ay ang likas-kayang pagkonsumo (sustainable consumption), kung saan nakapaloob ang:
(a) malaganap na tamang kamalayan ukol sa kalikasan;
(b) paggamit ng mga kalakal at serbisyo na eco-friendly;
(c) pagkonsumo ng mga bagay na may mababang pangkapaligiran at panlipunang gugol; at pagsasakatuparan ng prinsipyo ng hustisya sa mga ka-henerasyon at maging sa mga susunod.
Energy Sustainability
Ang energy sustainability ay tumutukoy sa pagiging likas-kaya ng enerhiya o ng paggamit nito. Taliwas sa prinsipyong ito ang maraming gawi ng tao gaya ng mga sumusunod:
– pag-aaksaya ng tubig at enerhiya (gaya ng hindi pagpatay ng ilaw o pagpapanatili ng plugs sa sockets kahit hindi ginagamit),
– hindi pagre-recycle,
– hindi pagre-reuse (muling paggamit ng mga bagay na maaari pang gamitin),
– hindi pagre-repurpose, at
– paggamit ng sariling sasakyan kung pwede namang mag-carpool.
Nakapaloob din sa energy sustainability ang paggamit ng sustainable energy, isang anyo ng enerhiya na nakatutugon sa pangangailangan natin sa enerhiya ngayon na hindi nanganganib na maubos, bagkus ay maaaring magamit nang paulit-ulit.
Hindi ito nagdudulot ng anumang pinsala sa kapaligiran at magagamit nang malaya nang walang bayad. Ang mga mapagkukunan ng napapalitang enerhiya tulad ng solar, wind, geothermal, hydropower at ocean ay napapanatili dahil sila ay matatag at sagana.
Ang araw ay magpapatuloy na magbibigay ng kaniyang sikat hangga’t lahat tayo ay narito sa mundo. Ang init na dulot ng araw ay magpapatuloy na gumawa ng hangin. Sa matagal na panahon, ang mundo ay magpapatuloy na maglalabas ng init mula sa loob nito.
Ang pag-andar ng ating planeta, ng araw, at ng buwan ay hindi pa titigil at mananatiling lilikha ng mga paglaki ng tubig sa dagat.
At ang proseso ng evaporation ay patuloy na magpapasingaw sa tubig na pagdaka’y mahuhulog naman sa anyo ng ulan o yelo na dadaan sa mga ilog o batis at magsasanib sa karagatan at maaaring magamit upang makalikha ng enerhiya sa pamamagitan ng hydropower.
Pinatutunayan ng mga ito na ang lahat ng mga pinagkukunan ng likas-kayang enerhiya ay napapanatili at magpapatuloy na magbigay ng enerhiya sa mga darating na henerasyon.
Hindi kabilang sa napapanatiling enerhiya ang mga pinagmumulan na nanggagaling sa mga fossil fuels at ang mga nagdudulot ng basura.
Ang likas-kayang enerhiya ay muling napupunan at ito ay makatutulong upang mabawasan ang mga emisyon ng greenhouse gases at hindi ito nagdudulot ng pinsala sa kapaligiran.
Poverty
Halos 10 porsiyento ng populasyon ng mundo ay sinasabing nabubuhay pa rin sa matinding kahirapan at nakikipagbaka upang matugunan ang pinaka pangunahing mga pangangailangan tulad ng kalusugan, edukasyon, at akses sa tubig at sanitasyon.
Ang karamihan sa mga taong nabubuhay sa mas mababa sa $ 1.90 sa isang araw ay nakatira sa sub-Saharan Africa.
Ang kahirapan ay may maraming mga dimensyon, ngunit kabilang sa mga sanhi nito ang kawalan ng trabaho, pagbubukod sa lipunan (social exclusion), at pagiging peligroso ng ilang populasyon sa mga kalamidad, sakit, at iba pa na pumipigil sa tao na maging produktibo.
Ang mga kalamidad ay maaaring sanhi rin ng iresponsableng mga aksyon at desisyon ng tao tulad ng maaksayang pagkonsumo ng mga bagay at enerhiya at walang habas na pag-ubos sa mga bagay sa kalikasan.
Ang pag-alis ng kahirapan sa lahat ng anyo nito ang isa sa dakilang pandaigdigang mga hamon at isang mahalagang kondisyon sa konsepto ng likas-kayang kaunlaran. Ang unang sustainable development goal ay ang “tapusin ang kahirapan sa lahat ng anyo nito saanman.”
Ang pagbura sa kahirapan ay tinalakay sa Kabanata II ng Johannesburg Plan of Implementation (2002). Kabilang sa mga binibigyang prayoridad na aksiyon sa pagpawi ng kahirapan ang:
a. pagpapabuti ng akses sa mga likas-kayang kabuhayan, mga pagkakataon sa negosyo, at mga produktibong mapagkukunan;
b. pagbibigay ng unibersal na akses sa mga pangunahing serbisyong panlipunan;
c. tuluy-tuloy na pagbuo ng mga sistema ng proteksyong panlipunan upang suportahan ang mga walang kakayanang suportahan ang kanilang sarili;
d. pagpapalakas sa mga taong nabubuhay sa kahirapan at sa kanilang mga samahan;
e. pagtugon sa epekto ng kahirapan sa mga kababaihan;
f. pakikipagtulungan sa mga interesadong donor at tagatanggap upang mailaan ang mas malaking bahagi ng official development assistance (ODA) para sa pagpawi ng kahirapan; at,
g. pagpapaigting ng internasyonal na kooperasyon para sa pagpawi ng kahirapan.
Health inequalities
Ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa kalusugan (health inequalities) ay mga pagkakaiba-iba sa kalusugan (o pagkakaiba-iba sa mga mahahalagang salik sa kalusugan) na sistematikong nauugnay sa pagiging nasa mababang estado sa lipunan o pagiging socially disadvantaged (halimbawa, pagiging mahirap, babae, o miyembro ng isang disadvantaged na lahi, etniko) na lalo namang nagpapadehado sa kanila sa lipunan.
Noong 2015, sinang-ayunan ng mga bansang kasapi ng United Nations ang sustainable development goals (SDGs), na nakapaloob sa “Transforming our World: The 2030 Agenda for Sustainable Development.”
Sa SDG agenda ay inulit ang panawagan para sa pagkakapantay-pantay sa kalusugan, sa layong matiyak ang malusog na pamumuhay at maitaguyod ang kagalingan (well-being) ng lahat ng tao anoman ang edad.
Ang mga SDG ay nangangailangan ng magkakasamang pagsisikap ng mga stakeholder sa loob at labas ng sektor ng kalusugan upang makamit ang mga pagpapabuti sa maraming mga kondisyon na nakakaapekto sa kalusugan at sa oportunidad para sa kalusugan—tulad ng kahirapan, diskriminasyon sa kasarian, kakulangan ng mga oportunidad na pang-edukasyon, pagkasira ng natural na kapaligiran, at hindi maayos na kondisyon sa paghahanapbuhay.
Ang Iba't-ibang Istratehiya at Polisiya na may Kaugnayan sa Pagtatamo ng Sustainable Development na Ipinatupad sa Loob at Labas ng Bansa
Mga Istratehiya at Polisiya
Mahalagang matukoy at maipaghambing ang iba’t ibang istratehiya at polisiya na may kaugnayan sa pagtamo ng sustainable development na ipinatutupad sa loob at labas ng Pilipinas. Narito ang ilang halimbawa.
1. National Environment Policy Act (NEPA)
Ang National Environment Policy Act (NEPA) ay batas pangkapaligiran ng Estados Unidos na pinagtibay noong Enero 1, 1970. Tinatawag din itong “Environmental Magna Carta” ng Estados Unidos dahil nakabalangkas dito ang mga pangunahing batas ng bansa ukol sa pangangalaga sa kalikasan.
2. Stockholm Conference
Noong 1972, pinasimunuan ng United Nations ang United Nations Conference on the Human Environment sa Stockholm, Sweden. Ang mga kinatawan mula sa 113 na bansa at higit sa 400 na NGOs ang dumalo.
Ang kumperensyang ito, na madalas na tinatawag na Stockholm Conference, ay ang unang pang-internasyonal na kumperensya na naglalayong direktang matugunan ang mga problema sa kapaligiran.
Ipinahayag ng Stockholm Conference na ang pangangalaga sa kapaligiran ay isa sa mga pangunahing isyung panlipunan at pang-ekonomiya na kinakaharap ng mundo.
3. World Commission of Environment and Development (WCED)
Noong 1983, nilikha ng United Nations General Assembly ang World Commission of Environment and Development (WCED). Ayon sa komisyong ito, dapat matugunan ng kaunlaran ang pangangailangan ng mga tao sa kasalukuyan at ng susunod pang salinlahi.
Ang konsepto ng sustainable development ay sinasabing pormal na nagsimula sa WCED, na tinatawag ding Brundtland Commission.
4. Agenda 21
Sa Conference on the Environment o Earth Summit, sa Rio de Janeiro, Brazil noong 1992, binuo at pinagtibay ang Agenda 21. Isa sa mga layunin ng programang ito ay ang isama ang mga isyung pangkalikasan sa mga pangunahing patakarang pangkaunlaran. Isinasa-alang-alang nito ang mga epekto ng mga pang-ekonomiyang aktibidad sa kalikasan, maging ang epekto ng pagkaubos ng likas na yaman na dulot ng pang-ekonomiyang produksyon.
Kabilang sa mga prinsipyo nito ay ang pagtutulungan ng mga estado sa pagpapanumbalik sa kalusugan at integridad ng sistemang ekolohikal ng mundo; pagbawas ng mga estado ng mga hindi likas-kayang paraan ng produksyon at pagkonsumo; paggamit ng istandard ng isang bansa na hindi dapat magbunga ng di-kailangang pinsala sa ibang bansa; at pagbuo ng mga pambansang batas hinggil sa liyabilidad at kompensasyon para sa mga biktima ng polusyon at iba pang pagsira sa kapaligiran.
Kasama rin sa mga prinsipyo ang pagbabawal sa paglilipat sa ibang bansa ng mga materyales na nagbubunga ng pagsalanta sa kapaligiran o pinsala sa kalusugan ng tao; pagbibigay ngbabala sa isa’t isa ukol sa mga natural na kalamidad na malamang na makapinsala sa kanila; pagggalang sa mga internasyunal na batas na nangangalaga sa kapaligiran sa panahon ng digmaan; at mapayapang paglutas ng mga estado sa kanilang mga alitan kaugnay ng kapaligiran.
5. Division for Sustainable Development (DSD)
Noong 2005, nagkaroon ng United Nations Division for Sustainable Development (DSD). Ipinahayag nito na makatwirang lumikha ang lahat ng nasyon ng mga programa at polisiya ukol sa likas-kayang kaunlaran.
Ang DSD ay nangunguna sa pagtaguyod at pag-uugnay sa pagpapatupad ng sustainable development agenda ng United Nations. Ginagabayan nito ang mga estado sa pagtupad sa kanilang pangako ukol sa sustainable development. Itinataguyod nito ang pagsasama at pagkakaisa ng mga patakaran ng mga estado ukol sa likas-kayang kaunlaran at ang implementasyon ng mga ito sa lipunan, ekonomiya, at kapaligiran.
6. Philippine Agenda 21 (PA 21)
Ang katugma ng Agenda 21 sa Pilipinas ay ang Philippine Agenda 21 (PA 21) na umiral sa bisa ng Memorandum Order No. 399 ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong Setyembre 26, 1996. Ito ay isang plano ukol sa sustainable development at kumilala sa tungkulin ng Philippine Council for Sustainable Development (PCSD) at iba pang kaugnay na sector.
Bumabalangkas ang PA 21 ng landas na nakatuon sa kapakanan ng mga tao na isinasaalang-alang ang kalagayan ng ecosystem, lifescapes, at landscapes. Kinikilala rin nito ang mga gampanin ng mga samahang pang-ekonomiya, kultura, gobyerno, ekonomiya, at foreign relations.
Itinataguyod ng Philippine Agenda 21 ang alternatibong pamamaraan sa kaunlaran. Layon nitong isakatuparan ang sustainability sa pamamagitan, halimbawa, ng integrated island development approaches na angkop sa Pilipinas bilang mapulong bansa, at pagpapalakas ng mga gampanin at relasyon ng mga stakeholders (gobyerno, civil society, labor secotor, at negosyo).
7. Philippine Strategy for Sustainable Development (PSSD)
Noong pang 1989, ipinatupad na sa bansa ang ang framework policy na Philippine Strategy for Sustainable Development (PSSD). Sa polisiyang ito, mariing isinasa-alang-alang ang mga isyung pangkalikasan, gaya ng konserbasyon ng biodiversity at rehabilitasyon ng mga ecosystem, sa pagbuo ng mga pasyang pang-ekonomiya, gaya ng pagtuturing ng presyo sa mga likas na yaman.
Itinataguyod din ng PSSD ang paglilimita ng pagdami ng bilang ng tao, pagpapaunlad sa kakayahan ng mga mamamayan, pagsusulong ng kaunlaran sa mga rural na dako, pagkakaroon ng sapat na edukasyong pangkapaligiran, pagsusulong ng mga di-kalakihang negosyo, at pagtuturo ng likas-kayang kasanayang pang-agrikultura at panggugubat.
8. Philippine Poverty-Environment Initiative (PPEI)
Kinikilala ng Philippine Poverty-Environment Initiative (PPEI) ang kaugnayan ng kahirapan at integridad ng kapaligiran. Kapag inabuso ng mga tao ang mga yaman sa kalikasan sa layuning maibsan ang kanilang kahirapan, ito ay lalong magpapalubha ng kahirapan pagdating ng araw.