Abstrak
Isa sa pangangailangan sa pagsusulong ng mga pag-aaral ng mga sakuna ang paglalapat ng pananaw pangkasaysayan at pangkalinangan sa konsteksto ng mga kalamidad sa lipunang Pilipino. Ang pagtalakay sa mga pamamaraan ng pagpapahayag, pagsasambit at pagsasalarawan ng mga sakuna ang isa sa maaaring pamamaraan upang mapalalim ang pag-unawa kung paano nahubog ng mga pwersang pangkalikasan ang kamalayang Pilipino, at kung paano ang kamalayang katutubo ang nagsasalamin ng mga pamamaraan ng pag-aangkop, pag-agapay at pakikitungo ng tao sa kalikasan. Kung ilalapat ang pananaw pangkasaysayan sa mga pamamaraan ng pagpapahayag na ito, makikitang malalim ang pinag-ugatan ng mga kaisipang kaugnay sa mga sakuna at kalamidad sa lipunan.
Sa pamamagitan ng paggamit ng mga lumang diksyunaryong pangkasaysayan, mga naitalang tradisyong pasalita at ilang mga pagpapahayag ng kaisipan sa nakaraan ukol sa mga kalamidad at sakuna, tatangkain ng pagtatanghal na mabigyan ng isang posibleng perspektiba sa pagsusuri at pag-unawa sa papel ng kalamidad at sakuna sa paghuhubog ng lipunan. Nakatutok ang pag aaral sa mga diksyunaryo at naitalang tradisyong pasalita sa wikang Tagalog, bagaman kinikilala na maraming mga wika sa Pilipinas na maaaring paglapatan din ng ganitong mga pag aaral.
Si Dr. Francis A. Gealogo ay Propesor ng Kasaysayan at dating Tagapangulo ng Kagawaran ng Kasaysayan sa Pamantasang Ateneo de Manila. Naging Komisyoner din siya ng National Historical Commission of the Philippines, Pangkalahatang Patnugot ng Diliman Review; Tagapamahalang Patnugot ng Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints; Associate Director for Research ng Institute of Philippine Culture; at College Secretary ng College of Social Sciences and Philosophy, at Katuwang na Tagapanuglo ng Kagawaran ng Kasaysayan ng UP Diliman. Nagtapos siya ng A.B. History (cum laude), M.A. History at Ph.D. Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman kung saan siya nagturo ng labintatlong taon bago lumipat sa Ateneo noong 2000. Interes niya sa pananaliksik at naging paksa ng kanyang mga lathalain ang demograpikal na kasaysayan; kasaysayan ng medisina at kalusugan; kasaysayang panlipunan at kasaysayan ng mga sakuna sa Pilipinas.