Namuhunan sa polarisasyon ng lipunang Pilipino ng taga-bayan at taga-bukid noong panahon ng kolonyalismong Kastila ang mga bagong mananakop na Amerikano. Sa usapin ng liderato sa pagtataguyod ng unang Republika ng Pilipinas, naging kahingian ang edukasyon. Mapapasakamay ng mga taga-bayan, ang elit (dating ilustrado sa panahon ng kolonyalismong Kastila) ang pagdedetermina sa independensiya at pagbubuo ng bansa. Dahil ang kultura ng taga-bayan ay produkto at sumuso sa kolonyal na Kastila naging inangkin at naging tagapagtaguyod sila ng kultura ng banyaga. Kung kaya, hindi mahirap isipin na kung mahaharap sa parehong pagpili ng paninindigan, ang tendensiya sa pagpanig sa interes ng banyaga (sa kanilang pag-iingat sa pang- uring interes) at iaangkop na kolaborasyon sa mga ito. Noong tumatakas pa lamang ang Presidente ng Republika sa mga tropang Amerikano sa mga bundok ng Cordillera, ang ilan sa prominenteng miyembro ng gabinete ni Aguinaldo ay pumanig na sa mga Amerikano. At nang mabuo ang Partido Federal naging bahagi nito sina Pedro Paterno, presidente ng Kongreso ng Malolos; Felipe Buencamino, direktor ng Public Works; Benito Legarda, bise-presidente ng Kongreso ng Malolos; at Felipe Calderon, ang pangunahing may-akda ng Konstitusyon ng Malolos. Dahil sa mga elit na ito pinaaga nito ang pagtatapos ng digmaang Pilipino-Amerikano at noong Hulyo 4, 1902, ipinoroklama ni Presidente Theodore Roosevelt na tapos na ang insureksyon sa bansa (Lumbera 1997, p.87). Ganito pa man, hindi napigilan ang mga gerilyang Pilipino na sundalo ng rebolusyon sa pamumuno nina Macario Sakay at Artemio Ricarte sa paglaban sa mga tropang Amerikano. Sa paghahangad ng bagong kolonyal na estado na makontrol nang ganap ang Pilipinas, nagpalabas ito ng mga batas na panggigipit at pagpapahirap sa mga Pilipino na patuloy na nagtataguyod ng independensiya gaya ng Sedition Law (1901), Brigandage Act (1902), Reconcentration Act (1903), at Flag Law (1907). Pagkaraan ng kampanya ng pagsupil, itinatag ng mga Amerikano ang mga institusyong politikal na pawang tatauhan ng mga taga-bayan at ng mga edukadong nakapagbabasa, nakapagsuulat at nakapagsasalita sa Espanyol (wika ng dating mananakop) at Ingles (wika ng bagong mananakop). Nang lumaon, isinantabi ng mga Pilipinong lider ang independensiya (Lumbera 1997, p.88).
Ang pag-unlad ng Panitikang Filipino sa panahong ito ay bunga ng paglaya ng palimbagan mula sa kontrol ng mga prayle noong panahon ng kolonyalismong Kastila. Pinahintulutan ang pagtatayo ng mga imprenta ng mga bagong negosyante. Lumaganap ang mga diyaryo at magasin na gumagamit ng wikang lokal. Sa mga tagatangkilik ng Tagalog, popular ang Liwayway (1902). Pinatindi ng mga Amerikano ang bisa ng kanilang pananakop sa pagtatayo ng pampublikong sistema ng edukasyon. Kaalinsabay nito, itinakda ang Ingles bilang medium of instruction sa lahat ng paaralan sa Pilipinas. Nang itinatag ang Unibersidad ng Pilipinas noong 1908, naging lugar ito sa pagsasanay sa mga kabataang Pilipino sa kolonyal na burokrasya. Naging pananda ng pag-angat sa uri ang edukasyon(g Amerikano). Nalagay sa mataas na kalagayan noong huling bahagi ng dekada beinte ang mga Pilipinong manunulat sa Ingles gaya ni Jose Garcia Villa. Ang mga katulad ni Villa ay pumaloob sa tradisyong pampanitikang Anglo-Amerikano (Lumbera 1997, p.96). Kung susuriin, nagiging tahanan ng mga manunulat na Pilipino sa Ingles ang unibersidad (akademya) samantalang naging tahanan naman ng mga manunulat na Pilipino sa Tagalog ang Liwayway. Muli, makikita rito ang polarisasyong mauugat pa sa panahon ng kolonyalismong Kastila. May magkaibang istatus ang manunulat sa Ingles sa manunulat sa Tagalog. Ang edukasyong banyaga ay nagbunga ng pamantayang banyaga na naging panukat sa kalidad ng panitikang naisulat sa panahong ito at nanlupaypay din ang makabayang adhikain na batayan ng panitikang Balagtasista. “Nakipaglaban” ang mga manunulat sa Tagalog upang iangat mula sa mababang pagtingin ang mga manunulat na Tagalog at ang mga akdang nakasulat sa Tagalog. Sinikap ng katulad ni Alejandro Abadilla, ang anti-kumbensyunal, na dalhin sa bagong landas ang panulaang Tagalog na naimpluwensiyahan ng modernismo. Mahigpit itong kaugnay ng umiral na ekonomya’t pulitikang nakatali sa Amerika, ng pangkalahatang panlasa’t takbo ng isip na Amerikanisado, at ng wika’t dalubhasaang nakabatay sa Ingles (Almario 1984, p.110). Sa kanyang “Ako ang Daigdig,” idineklara ni Abadilla ang pagpasok ng modernong pagtula sa bansa. Tumalikod ito sa landas na tinahak ng mga sentimental na Balagtasista, ang mga makatang kumapit sa panulaang Balagtas. Naramdaman ng mga modernista (at maibibilang dito si Abadilla) ang limitasyon ng pamamaaraang ginamit ni Balagtas na bagaman may sangkap katutubo ay nakabatay din sa isang luma’t naiwanan nang panitikan mula Europa (Almario 1984, p.111). Naging mainit sa panahong ito ang tunggalian ng mga modernista kontra Balagtasista.
Samantala, ang maikling kuwento ang magiging tagapagtanghal ng husay ng mga manunulat na Pilipino na gumamit ng Ingles. Sa panahong ito, sina Arturo B. Rotor at Manuel E. Arguilla ang pinakamahuhusay na manunulat. Pinaksa ng kanilang mga kuwento ang karanasan ng mga Pilipino na namumuhay noong dekada trenta. Inusisa ng mga kuwento ni Rotor ang buhay ng Pilipino sa siyudad. Si Arguilla nama’y metikulosong ipininta sa kanyang mga kuwento ang rural na buhay ng mga Pilipino (Lumbera 1997, p.97. Pinakamahusay niyang kuwento ang How My Brother Leon Brought Home a Wife (1941). [Alam n’yo bang iyan ang kauna-unahang kuwentong isinulat sa Ingles ng manunulat na Pilipino na pinakanagustuhan ko? First year high school ako nang maengkuwentro ko ang kuwento.] Ilan lamang ang mga manunulat na nabanggit na patunay ng nasimsim na impluwensiyang pampanitikang inihatid ng edukasyon, ng mga paaralan.
Nakita rin ito sa mga akda ni Deogracias Rosario, Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog. Kakikitaan din ng tatak bilang modernong manunulat si Rosario. Lumihis siya sa tradisyunal na landas na tinahak din noon ng mga nagsusulat sa Ingles. Sa kanyang mga akda higit na naging mahigpit ang estruktura ng Maikling Kuwentong Tagalog habang sinasalamin ang realidad ng bansa sa ilalim ng kolonisasyong Amerikano. Sa pagpaksa ng kuwentista sa usapin ng kolonisasyon sa Greta Garbo, hindi niya ginawang simplistiko ang atake sa pagpili ng panig. Hindi lamang ito pagtutunggali ng dalawang magkaibang posisyon. May malalim pang dapat pag-isipan sa danas ng kolonisasyon. Sa mga akda rin ni Rosario higit na naging mahigpit ang estruktura ng Maikling Kuwentong Tagalog. Marahil, dahil sa mga nabanggit na katangian ng kanyang panitikan, kinilala siyang “radikal ngunit aristokratiko”. Itinuturing siyang kuwentistang nasa unang hanay. Pinakaobra-maestra niya ang ang “Aloha” na napabilang sa 50 Kuwentong Ginto ng Batikang 50 Batikang Kuwentista (1938) na pinamatnugutan ni Pedrito Reyes. Kinilala ng pangkat na Panitikan na pinasimulan at binuo nina Alejandro G. Abadilla at Clodualdo del Mundo ang husay na ito ni Rosario. Ang pangkat na Panitikan at Veronicans (grupo ng mga Pilipinong manunulat sa Ingles) ay kapwa nagturing sa kanilang mga sarili rebelde ng panitikan at avant-garde na alagad ng sining (Lumbera 1997, p. 98).