Nanghinawa si Alejandro Abadilla, isang batang makata noong dekada kuwarenta sa pagkababad ng mga matandang makata sa tradisyunal at popular na anyo ng pagtula: sukat, tugma at talinghaga. Ang kanyang “Ako ang Daigdig” (1940) ay naghudyat ng pagrerebeldeng hawig sa ginawa ni Jose Garcia Villa noong dekada beinte. Iginiit ng tula ang katapatan sa pagtula ng makata kaysa sa pagpapatali sa kinasanayang anyo at pagtataguyod ng konserbatibong ideolohiya. Ang “Ako ang Daigdig” ay artikulasyon ng pagtanggi sa restriksyong ipinapataw ng lipunan sa manlilikha ayon nga kay Lumbera. Ang makabuluhan at tunay na likha ay malaya at matapat sa sarili (paglikha) ng makata. Sa mga nagkritika sa tulang ito, nakita ang ideolohiyang itinataguyod ng tula: ang katapatan sa sining lamang, ang sining para sa sining. Eksaktong salungat na posisyon ng mga “matandang” makata bago ang panahon ni Abadilla, na ang pagiging manunulat ay pagiging tinig din ng sambayanan at paglikha ay naglilingkod para sa bayan. Mauunawaan ang gayong posisyon ng mga matandang makata sapagkat para sa kanila nasa sinapupunan ng kasaysayan ng bayan ang paglikha. Nasaksihan natin ito sa tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Bayan” ni Bonifacio ang pagsisilbi sa bayan (para sa kamulatan at rebolusyunaryong pagkilos) ang puno’t dulo (hindi lamang motibasyon) ng paglikha ng makata. Subalit, “napagod” si Abadilla sa landas at ideolohiyang iyon. Humiwalay, winasak ang tradisyunal na anyo, ipinamalas ang inobasyong pormalista, ang pagiging modernong makata. Tingnan ang “pagwasak” na ito sa ilang halimbawang bahagi ng tula at ihambing ito sa tradisyunal na tulang “Ang Pakpak”(1928) ni Jose Corazon de Jesus.
Ako ang Daigdig
Ako
ang daidig
Ako
ang tula
Ako ang tula
ang daigdig
ang tula
Ang Pakpak
Bigyan mo ng pakpak itong aking diwa,
at ako’y lilipad hanggang kay Bathala…
Maiisipan ko’y mga malikmatang
sukat ikalugod ng tao sa lupa;
malilikha ko rin ang mga hiwaga,
sa buhay ng tao’y magiging biyaya.
Kapansin-pansin ang pag-iingat sa kinasanayang anyo ng tulang “Ang Pakpak” habang malayung-malayo ito sa anyo ng “Ako ang Daigdig” kapag pinag-usapan ang sukat ng tradisyunal na tulang Tagalog. Nang una nga itong ipinakita at inialok ni Abadilla para malimbag sa magasin, ang tanging nasabi ng editor ay “tula ba ‘yan?” Sapagkat noon lamang siya nakakita ng ganoong anyo ng tula. Ito ang unang pagkakataong nakita niya ang tulang malayang taludturan. Dahil nasanay siyang may tiyak na sukat (madalas ay labindalawang pantig) ang sukat ng tulang tradisyunal. Pansinin din na wari ay walang talinghaga ang tula ni Abadilla kung itatabi sa tula ni de Jesus na nagsabi ng “bigyan ng pakpak (talinghaga) ang diwa”. Sa “Ako ang Daigdig” umiikot ang lahat sa “Ako,” “tula,” at “daigdig”. Talinghaga ba ang mga ito? Ano ang maibibigay na kahulugan ng “ako”? Katumbas ba ito ng sarili? Ano ang daigdig? Katumbas ba ito ng uniberso? Ano ang tula? Ito ba ang tinutukoy na “daigdig” ng ako? Sundan pa ang pag-unawa sa tula sa mga saknong sa ibaba. Kung ang tula ang daigdig ng ako, paano ito naiiba sa iba pang daigdig? Pansinin ang ginamit na mga pang-uring “walang maliw” at “walang kamatayan”. Sa anong antas nito iniluklok ang sariling daigdig? Ang tula?
Ako
ang daigdig
ng tula
ang tula
ng daigdig
Ako
walang maliw na ako
ang walang kamatayang ako
ang tula ng daigdig
Ano ba ang sagwang sabay sa paghatak
kundi siyang pakpak ng bangka sa dagat?
Ano ba ang kamay ng taong namulat
kundi siyang pakpak ng kanyang panghawak?
Ano ba ang dahon ng mga bulaklak
Kung hindi pakpak din ng panakip ng dilag?
Kung itutuloy natin ang paghahambing upang maunawaan ang pagrerebebelde o pagtalikod ng “Ako ang Daigdig” batay sa nauna at kasunod na bahaging nasa ibaba, matutukoy na ang paksa ng tula. Ano ang ipinauunawang paksa ng “Ako ang Daigdig”? ng “Ang Pakpak”? Nakita mo ba ang pag-unawa sa estetika ng persona sa tulang “Ako ang Daigdig”? Nakita mo ba ang deklarasyon ng indibidwalismo ng makata? Humiwalay ang rebeldeng si Abadilla sa iba at tumugon lamang sa sarili (sarili bilang sarili, sarili bilang makata). Samantala, ikinabit naman ang “pakpak” sa diwa ng hinahangad na kalayaan ng bansa sa tula ni de Jesus.
Ang pagsusulong ng mahigpit na sukat at tugma ng panulaang Balagtasista ay nakakabit din sa panulaang bigkas—may indayog/ritmo na nagbibigay daan sa higit na madaling pagmemorya sa gunita. At kahit na panahon na ng limbag, pinanghawakan nila ito. Winasak ito ng “Ako ang Daigdig”. Sa halip na tugmaang ipinamana ni Balagtas, mapapansin ang repetisyon na taktika ni Abadilla sa tatlong mahalagang salita sa kanyang tula—ako, tula, at daigdig. Ganito pa man, hindi maitatanggi na hindi ito sapat upang makipkip ang gunita sa tula. Dito mahahakang hindi nakabatay sa bigkas ang tulang ito ni Abadilla kundi sa sulat. Batid niyang ang pangangailangan sa pag-uulit-ulit ay masasagot ng sulat. Mababalikan sa sulat ang gunita.
Ako
ang daigdig
sa tula
ako
ang tula
sa daigdig
ako
ang daigdig
ako
ang tula
daigdig
tula
ako
Oh ibon ng diwa, ikaw ay lumipad,
tingnan mo ang langit, ang dilim, ang ulap,
buksan mo ang pinto ng natagong sinag,
at iyong pawalan ang gintong liwanag,
na sa aming laya ay magpapasikat
at sa inang bayan ay magpapaalpas.
Sa mga dahilang ito, sa pagyakap hindi lamang sa anyong banyaga kundi maging sa umano’y “pagtalikod” sa katutubo at adhikaing makabansa, itinuring ng ibang kritiko na makabanyaga (Amerikano) si Abadilla. Itong bagong batis sa panulaang Tagalog na itinanghal ng “Ako ang Daigdig” ay kinutya ni Aniceto Silvestre na nagsabing bunga lamang ito ng malabis na pagbabad sa mga babasahing dayuhan, halaw lamang sa mga akdang Ingles (Almario 1984, p. 112). Naging suliraning kailangang harapin ng mga makata at ng kanilang sining/paglikha ang pagkakalagay sa panahong ito sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano. Samantalang nariyan na ang “mapangahas na kabaguhan” sa salita ni Almario ng kabataang makata, totoo rin namang kolonya tayo ng Amerika. At isa ito sa laging inuukil-ukil sa mga modernista--makabansa ba o makabanyaga? Ano sa tingin mo? Sa pagiging modernista ni Abadilla, naging makabanyaga ba siya?
Para sa lagom na pag-unawa sa dalawang kilusang ito, tingnan ang tsart sa ibaba ang pagkakaiba ng modernismo sa Balagtasismo.
BALAGTASISMO
(1900-1932)
Mas maagang nabuo at nakapangibabaw
Nakaugnay sa tradisyunal at popular na anyo ng tula: sukat, tugma at talinghaga
Konserbatibo ang ideolohiya
Pagpapatuloy sa ideyalismo ng makabayang pagsulat
Pagkupkop sa patulang pabigkas
Manunulat bilang tinig ng sambayanan
Pakpak, Jose Corazon de Jesus (1928)
MODERNISMO
(1932-1961)
Nagsimula ilang taon bago magkagiyera
Mala-malayang taludturan; walang sinusundang pamantayan sa anyo
Reaksyon laban sa pananaw ng Balagtasismo
Mas bukas ang loob sa impluwensyang banyaga
Paglilimbag ng tula; pagkakaroon ng katangian ng tulang paloob
Manunulat bilang mapagsarili at makasarili
Ako ang Daigdig, Alejandro G. Abadilla (1940)