Replektibong Sanaysay
Replektibong Sanaysay
Paghahanda sa Kalamidad na Bagyo
Ang geograpikal na lokasyon nang Pilipinas ay napapalibutan ng mga anyong tubig kasama na rito ang pinakamalaking dagat sa buong mudo na Dagat Pasipiko, kung kaya’t ganon na lamang ang dami nang bagyong nabubuo at dumaraan sa Pilipinas taun-taon. Sa isang buong taon, humigit kumulang dalawampung bagyo ang tumatama sa Pilipinas. Kilalang masiyahin ang mga Pilipino kung kaya’t kahit gano karaming bagyo at kalamidad ang danasin nati’y tayo’y nananatiling positibo ang kaisipan. Ngunit, ano-ano nga ba ang maaaring mga gawing paraan at solusyon upang sa gayon ay mabawasan kahit papaano ang epekto nang bagyo sa atin?
Bilang kami ring mga kapwa Pilipino na nararanasan din ang mga bagyong ito, naisipan naming gumawa ng munting proyekto na makakatulong sa munting komunidad na Barangka na aming napili. Patungkol ito sa paghahanda sa paparating na bagyo nang mga mamamayan sa komunidad at paggawa nang solusyon sa pagbabara nang mga estero’t kanal.
Ang pinakaunang hakbang sa proyektong ito’y pag-iisip nang iba’t-ibang mga pamamaraan kung paano makakatulong sa mga mamamayan sa komunidad sa paghahanda sa natural na sakuna na bagyo. Pangalawa’y ang pagplano kung paano ang magiging daloy nang seminar at pagkuha ng permiso sa Punong Barangay sa pagsasagawa ng naturang proyekto na paglalagay ng mga drainage net sa mga estero’t kanal ng napiling komunidad na Barangka. Ito’y hindi naging madali sapagkat nangangailangan rin ito nang pondo, enerhiya, at maraming oras upang maisakatuparan ang proyektong ito.
Maraming mga reyalisasyon ang aming napagtanto sa buong dalawang proyekto na ito. Simula sa pagpaplano pa lamang, sa pagsasakatuparan, at pagtatapos nang proyekto. Sa panimula’y hindi namin sigurado kung posible ba ang aming naiisip na gagawin at kung may magiging epekto nga ba ito sa mga mamamayan sa komunidad na aming napili. Sa kalagitnaan naman na kung saan ay unti-unti na naming isinasakatuparan ang aming munting plano noo’y aming napagtanto na ito’y hindi magiging madali dahil sa mga kadahilanan na aming nabanggit katulad na lamang ng pondo, enerhiya, at oras na aming gugugulin sa paggawa nito. Panghuli ay ang pagtatapos at pagiging matagumpay nang aming proyekto na nagsimula lamang sa isang plano. Kami’y nagkaroon nang munting kasiyahan sa aming mga puso at sarili na kahit sa simpleng paraan ay kami’y nakapaghatid ng kaalaman, impormasyon, at proyekto para sa kanilang komunidad.
Lahat nang mga malalaking proyekto na inyong nalalaman at nakikita sa inyong kapaligiran ay nagsimula lamang sa isang munting plano o pangarap. Kami’y mga estudyante pa lamang din at maraming limitasyon ngunit hindi ninyo malalaman kung makakaya niyo ang isang bagay kung hindi ninyo ito susubukan. Marahil ang proyekto nami’y hindi ganoon kalaki kumpara sa mga ibang mga organisasyon o kumpanya, ngunit ito’y magandang panimula para sa aming mga kabataan na magkaroon nang pagkukusa na makilahok sa mga ganitong proyektong makikinabang ang mga mamamayan. Ang proyektong ito’y maaaring maliit at simple lamang, ngunit marahil sa pamamagitan nito’y ito’y magsisilbing inspirasyon sa mga kabataan na kahit gaano man kalaki o kaliit ang proyekto na kanilang gagawin, ito’y malaking tulong na rin sa pagkamit ng magandang kinabukasan para sa lahat.