Pagsilang ng Bagong
Pag-asa
Isinulat ni: Szachi Ro-Chelle B. Daza
Isinulat ni: Szachi Ro-Chelle B. Daza
Mula sa sinapit ng ating mga ninuno, gampanin naman natin ngayon ang muling pagtataguyod sa wikang ipinamana nila. Tayo ang muling magtataguyod at muling bubuhay sa sarili nating wika dahil tayo ang pag-asa. Kabataan ang bagong pag-asa.
Isang daan dalawampu’t tatlong taon na ang nakalipas mula nang dumanak ang dugo ng mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhan. Ibinuwis nila ang kanilang mga buhay, dugo, at pawis upang maipaglaban ang ating bansa. Sa kabila ng mga luhang nag unahan sa pagpatak, takot at lungkot na kanilang nadama dahil sa pang-aalipusta at pagtapak ng mga dayuhan sa dangal ng mamamayang Pilipino, sila ay nanatiling matatag at matapang upang matamasa ang kalayaang matagal nang ipinagkait sa ating bansa. Hindi lamang tapang ang naging sandata sa bawat giyera na kanilang sinusuong, bagkus, pati ang ating wika, na naging dahilan ng pagkakabuklod ng bawat Pilipino.
Ang wika ay isa sa mga yaman na hinding-hindi maiaalis sa ating puso’t isipan. Ito ang susi sa pagtataguyod muli ng ating kakaibang sining at kultura. Atin itong ginagamit sa pang araw-araw bilang bahagi ng pakikipagtalastasan, ngunit higit pa dito, ang wika ay kabilang sa mga dahilan ng pagkakakilanlan ng ating bansa.
Sa henerasyon ngayon, bagaman may pandemya tayong kinakaharap, marapat na hindi ito maging balakid sa pagpapanatili ng mga katutubong wika ng ating bansa. Muli nating buhayin at ipagmalaki sa buong mundo na kakaiba ang ating kultura. Ang bagong henerasyon ang nagsisilbing pag-asa para sa dekolonisasyong pag-iisip ng mamayang Pilipino sa ating katutubong wika. Huwag nating hayaan na hindi marinig ang ating boses, at gamitin natin ito sa pagpapalago ng ating bayang sinilangan. Dahil tayo ang mga taong manlalayag sakay ng bangka, at ang ating wika ang magsisilbing alon patungo sa pagkakaisa at kapayapaan na ating inaasam para saating pinakamamahal na bansa, ang Pilipinas.
Iginuhit ni: Jascyl Jee H. Sayson
This is the official website of the Yraga / Amudyong School Publication of the USANT Junior High School Department. Here you can get the freshest news delivered to you by the USANT JHS's campus journalists. You can access information at the tip of your fingers.