BISIG NG KASARINLAN
By: Jasmine Averil Callope
By: Jasmine Averil Callope
Saksi ang mga tala sa langit kung paano nagdusa ang ating bansa sa loob ng mahigit tatlong daang taon, ang mga kapatid mula sa nakaraan ay nagdusa sa dahas ng mga mananakop, ang kasaysayan ay nabahiran ng kapaitan at maraming buhay na nasayang dahil sa pagtapak nila sa ating karapatan. Nakakadurog magbalik tanaw sa dinanas natin sa kamay ng mga dayuhan, mapalad ang henerasyon sa kasalukuyan dahil sa demokrasyang tinatamasa na bunga ng wikang nagpabuklod at wikang nagsilbing instrumento sa pagkamit ng kalayaan.
Nang isilang ang wikang Filipino nagkaroon tayo ng pagkakakilanlan, nagkaroon ng boses ang dating sumisigaw lamang ng tulong mula sa kaibuturan, at may nabuong tulay upang ang bawat Pilipino’y magkaintindihan. Tila ningas ng pag-asa ang wika upang maisabuhay ang ating mga karapatan sa pagbahagi ng boses ng katotohanan, pagpahayag ng saloobin at pagkahubog ng maayos na relasyon sa kapwa.
Isang tinig ang nakapagbubuklod sa ating lahat, ngunit mayroon ring natatanging wika ang bawat rehiyon sa bansa na tinatawag na katutubong wika. Bukod sa paghasa sa pananalita ng wikang Filipino ay marapat na patingkarin din at ipalaganap ang kahalagahan ng wikang katutubo sapagkat ito ay tinagurian din bilang “wika ng kapayapaan.” Buhat ng impluwensiya ng ibang lengguwahe ay hindi na napagtutuunan ng pansin ang pagpasa at pagturo ng katutubong wika sa mga kabataan. Hirap ang ilan na umintindi at magsalita ng wikang katutubo at may bahagi ng wika ng kapuluan ang nanganganib na malipol. Kinakailangan paigtingin ang pagpapaunlaad, pananaliksik at pangalagaan ang katutubong wika sapagkat ito ay isang yaman na bumubuo sa ating bansa at pagkatao. Ito rin ay nagbibigay ng kalayaan na magpahayag ng damdamin sa pamamagitan ng masidhing paglalarawan gamit ang wika na pinaka-kumportable ibigkas. Tangkilikin natin ang wika ng ating rehiyon sapagkat ito ay ang ating kultura, at ang pagkamatay nito ay bubutas sa malaking parte ng ating kabihasnan.
Nagsisilbing panangga rin natin ang wikang katutubo laban sa mga mga bagay na pumipigil sa atin na gampanan ang ating karapatan na sumangguni sa tama. Sandata natin ito upang protektahan ang demokrasya sapagkat may sariling wika na tayo lamang ang makauunawa. Payabungin natin ang panitikang rehiyunal upang itawid ang malayang pamamahayag sa bawat lugar. Ituring na pundasyon ang wika upang tunguhin ang kaunlaran, pagkakaintindihan ng kapwa Pilipino, pagtanggap ng regalong ito mula sa mga ninuno at higit sa lahat ang pagkamit ng adhikain ng bansa.
This is the official website of the Yraga / Amudyong School Publication of the USANT Junior High School Department. Here you can get the freshest news delivered to you by the USANT JHS's campus journalists. You can access information at the tip of your fingers.