Kylle Montealto & Annjanette Flores, Feature Writing (10/09/24)
Sa bawat hakbang ng ating paglalakbay sa edukasyon, may mga gabay na hindi natin malilimutan—ang ating mga guro. Sila ang mga tahimik na bayani na walang sawang nagbibigay ng kanilang oras, kaalaman, at pagmamahal upang hubugin ang ating kinabukasan. Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang kanilang walang kapantay na dedikasyon at sakripisyo. Ang Teacher’s Day ay hindi lamang isang paggunita, kundi isang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa ating buhay at sa lipunan.
" Isang ExCELlent at Supportive Teacher Nga Po"
Madalas nating makasama ang mga guro na sumusuporta sa anumang landas na ating tatahakin. Ayon sa karamihan, ang mga guro ay parang pangalawang magulang—sila ang nagbibigay ng inspirasyon para sa pagtupad ng ating mga pangarap.
Dahil dito, espesyal ang kwento ng karanasan ng isang mag-aaral na sa pag-iral ng buhay ay ang guro lamang ang nagbigay ng mahalagang gabay sa kanyang pag-unlad.
Espesyal ang kwento ni Bil Anicoche, SBO President, tungkol sa kanyang paglalakbay kasama si Ms. Maricel G. Lawaan, isang guro na naging inspirasyon at kasama sa kanyang mga pagpupunyagi.
"She was one of the most supportive teachers that I have had, and she helped me achieve my goals along the way and educated me in a way that no other teacher did," ani Bil. Ang mga pagsisikap ni Ms. Maricel ang naging dahilan ng tagumpay ni Bil, at siya’y nagsilbing inspirasyon sa marami upang huwag magpatinag sa harap ng mga hamon sa buhay.
“MartINA ng Rovers”
Sa ating buhay, mayroon tayong tinatawag na INA na nagbibigay liwanag sa tahanan, ngunit para sa mga miyembro ng Rovers noon, si Dir. Martina Castino ang naging “INA” nila. Isang guro sa agham, maraming estudyante, kabilang si Gabriel Cabbat ng STEM, ang humahanga kay Dir. Martina.
"‘Huwag masyadong kabahan at relax lang,’ ito ang payo ni Dir. Martina na tumatak kay Gabriel," na nagpapahina ng kaba sa mga mahahalagang sandali ng kanyang buhay.
“BayaNI ng Klase”
Sa malawak na mundong ito, may mga gurong napaka-considerate at supportive, gaya ni Dir. Norely M. Glorani. Si Khalin, isang estudyante, ay nagbahagi ng kwento ng kanilang simulation na naging mabigat ang atmospera. Ngunit biglang sumulpot si Ma'am Nori, na may masayahing pag-uugali at nagbigay ng liwanag sa buong klase.
Ang kanyang salitang "Be who you are" ay naging gabay sa maraming estudyante, na sila ay karapat-dapat sa pagmamahal, respeto, at pagdiriwang kung sino sila.
"Mindset ba, Mindset": Mga Aral mula sa Lohika ni Dir. Russel
Ilan sa mga studyante mula sa paaralan ng VCMC ang naghayag ng kanilang mga saloobin at mensahe para sa kanilang mga paboritong guro. Isa na rito si Yesha Marie Magnaye. Ayon sa kanya, si Dir. Russel ang isa sa mga gurong nag-iwan ng makabuluhang aral na higit na nakaapekto at nakatulong sa kanya. Kilala si Dir Russel bilang tagapagturo ng Empowerment and Technologies. Para kay Yesha, naging isang matagumpay na guro si Dir. Russel hindi lamang dahil siya’y nagtuturo tungkol sa mga kompyuter kundi pati na rin sa mga bagay na kaniyang ginagamitan ng lohika.
“Dito sa school, maliban sa academics, tinuruan niya akong huwag mag-alala sa mga kaibigan,” sabi ni Yesha ng may ngiti sa kanyang mukha. Kanya ring ibinahagi ang sinabi sa kanya ni Dir. Russel: “Bakit ka ba nasa school? Di ba para mag-aral at para matuto?” Ang mga salitang ito ay talagang tumatak at nag-iwan ng makabuluhang-aral kay Yesha. Dagdag pa ni Yesha ay hindi raw niya malilimutan ang pagtulong ni Dir. Russel noong panahong nahihirapan siya sa gawaing patungkol sa pook-sapot.
Bilang pasasalamat, nais iparating ni Yesha ang kanyang mensahe para kay Dir. Russel: “Thank you, Sir Russel. Marami po akong natutunan simula nang naging teacher kita rito sa Victorious. Maraming tumatak sa akin at natulungan ako, hindi lamang sa academics kundi pati na rin sa buhay-buhay.”
Si Dir. Russel ay maaring isa lamang sa maraming guro, ngunit para kay Yesha Marie Manaye at sa iba pang mga studyante, siya ay isang guro na nagbigay ng aral na tumatak sa kanilang puso’t isipan--Mga aral na maaari nilang magamit sa kanilang personal na buhay.
“Liwanag ang Dala”
Sina Dir. Martina at Dir. Russel ang dalawang guro na tila liwanag ang dala sa buhay ni Sophia Antonio. Kanyang isinalarawan ang suporta at pagmamalasakit na ibinigay nina Dir. Russel at Dir. Martina, hindi lamang sa kaniya kundi pati na rin sa iba pang studyante sa Victorious.
Ayon kay Sophia, malaki ang kanyang pasasalamat sa mga payo, suporta at pagmamalasakit na ipinakita sa kanya nina Dir. Russel at Dir. Martina. Ang mga ito ay ang nagbigay sa kaniya ng inspirasyon at nagsilbing liwanag sa mga panahong siya ay may pinagdaraanan.
Hinding-hindi niya malilimutan ang mga panahong sina Dir. Russel at Dir. Martina ang kaniyang takbuhan tuwing siya ay nahihirapan. “Hindi mo kailangang patunayan ang sarili mo sa iba.” ito ang payo na nagmulat sa kanyang mga mata at nananatiling nakatatak sa kanyang isipan. Isang simpleng mensahe na nagpapaalala na hindi mo responsibilidad na i-satisfy ang expectations ng mga taong nakapaligid sa iyong buhay
Sa pagtatapos, nais iparating ni Sophia ang kanyang mensahe sa kanyang minamahal na mga guro: “Ipagpatuloy ninyo po ang pagiging mabait at maalaga sa mga estudyante dahil ‘iyon po ang kailangan namin.” ito ay nagpapatunay na ang bawat suporta at malasakit ng mga guro ay mayroong dulot at nagiging dahilan ng pagkakaroon ng inspirasyon sa loob ng paaralan.
Sa pagtatapos ng ating pagdiriwang ng Teacher’s Day, nawa’y patuloy nating pahalagahan at suportahan ang ating mga guro. Ang kanilang mga aral ay hindi lamang nakaukit sa mga pahina ng libro, kundi sa ating mga puso at isipan. Sa bawat tagumpay na ating nakakamit, naroon ang kanilang mga gabay at inspirasyon. Kaya’t sa araw na ito, at sa mga susunod pa, ipakita natin ang ating pasasalamat at pagmamahal sa kanila. Ang mga guro ay tunay na mga bayani ng ating panahon—mga bayani na nararapat bigyang pugay at pagkilala