Noong ika-dalawampu’t pito ng Agosto taong dalawang libo’t dalawampu’t apat ay naganap ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika sa departamento ng Senior High School. Ang Buwan ng Wika dalawang libo’t dalawampu’t apat ay may temang Filipino: Wikang Mapagpalaya! Tunay na maganda ang tema ngayong taon dahil ang wikang Filipino ay may puwang sa malayang pag-gamit ng wika. Ang salita ay walang hangganan at nagbabago sa paglipas ng panahon.
Ang selebrasyon ay pinangunahan nang mga punong abala na sila Rene Alexander S. Balbuena at Charity Joy Oliveros ng ika-labing dalawang baitang, strand na STEM. Bago pormal na magsimula ang selebrasyon ipinakilala ng mga punong abala ang SBO Bussiness Manager Academics, Iha Zeidi Yael Canalita upang magdasal at ang SBO Assistant Secretary, Princezkha Ann Dela Cruz upang magkumpas ng ating pambansang awit. Nagbigay din ng pambungad na salita at mensahe ang ating butihing punong guro na si Dir. Anecito T. Sabong, LPT. Ang mga hurado naman para sa mga patimpalak ng pagkanta, deklamasyon, sayaw at talumpati ay pinangunahan ng punong guro ng institusyon na si Dir. Anecito T. Sabong, LPT. Kasama niya rin sa mga hurado sila Dir. Elsa P. Gojar, ang gabay tagapayo ng departamento ng Senior High School at si Dir. Malou G. Ruiz. Sa patimpalak naman ng mga Lakan at Lakambini ang mga naging hurado ay sila Dir. Joyriz Macasadog, Dir. Norely M. Gloriani at punong guro, Dir. Anecito T. Sabong, LPT.
Hindi magiging masaya ang selebrasyon kung wala ang mga palaro. Pinangunahan ng mga opisyal ng Student Body Organization (SBO) ang mga larong pinoy. May inorganisa na tatlong larong pinoy ang organisasyon. Ang unang laro ay Patintero na nilalaro ng dalawang grupo, ang unang taong nakaharang ay magsisilbi bilang pasukan at mga susunod naman ay ang mananaya sa kabilang grupo. Ang pangalawang laro ay ang Piko, ito ay may parang bahay na inuukit gamit ang chalk o bato, ang bahay ay may mga numero mula isa hanggang sampu. Nilalaro ito ng lima hanggang anim na tao at kinakailangan na may pamato, ang magsisilbing pamato naman ay bato. Sa larong ito dapat ay hindi maapakan ng manlalaro ang kaniyang pamato at dapat ay hindi rin siya magkamali sa pag-apak sa mga numero, ang may pinakamalayong narating ang itatanghal na panalo. Ang panghuli naman ay Tumbang Preso, sa larong ito dalawang grupo rin ang maglalaban at kinakailangan na may tsinelas ang mga manlalaro at lata na kanilang patutumbahin sa buong laro. Nagsimula ang laro sa pagbabato ng tsinelas na dapat ay tatama sa lata, kapag ang lata ay natumba mag-uunahan ang dalawang grupo sa pagkuha ng tsinelas at tatayain nila ang isa’t-isa.
Sa mga sandaling naglalaro ang mga mag-aaral ng departamento ng Senior High School, makikita mo ang saya sa kanilang mg mga mukha. Tunay na ang mga larong ito ang bumuhay at nagbigay kulay sa ating mga Kabataan.
Bago tuluyan na ipakilala ang inaabangan na mga Lakan at Lakambini ay nagkaroon muna ng presentasyon ang mga nasa ika-labing isang baitang. Sinimulan ng ika-labing isang baitang ng strand na HUMSS ang presentasyon, ipinakita nila na anuman ang pagdaanan ng mga Pilipino, makakahanap pa rin ito ng paraan upang ngumiti. Sumunod naman na ipinakita ng mga strand na ABM at TVL-ICT ang kanilang presentasyon sa isang nakakatindig balahibong sayaw na nagpapakita ng mga pananamit ng mga katutubong Pilipino. Dinala naman ng strand na STEM sa ika-labing isang baitang ang masayang kultura ng mga Pilipino sa pamamagitan ng malaya nitong representasyon sa kanilang mga damit, ang kanilang presentasyon ay nagpapaalala na ang Pilipinas ay isang bansang nagbabayanihan.
Nang matapos na ang mga mag-aaral ng ika-labing isang baitang sa kanilang presentasyon ay ipinakilala na ang mga Lakan at Lakambini. Inirampa ng bawat kandidato ng mga strand ang kanilang magagarbong Filipiñana at Barong Tagalog, tunay nga na hindi mawawala sa kultura nating mga Pilipino ang pagiging Maria Clara at Ibarra dahil ipinakita ng bawat kandidato ang katangian ng isang binibini at ginoo, ipinakita rin nila ang paraan ng sinaunang panliligaw kagaya na lamang ng pagbibigay ng pulang rosas sa mayuyuming binibini. Sa kabila ng kanilang mahinhin at makikisig na galaw ay masaya pa rin na ipinakita ang suporta ng mga strand ng ika-labing isa at ika-labing dalawa na baitang sa kanilang mga kandidato. Sinasalubong ng mga nakakabingi na hiyawan ng mga mag-aaral ang bawat kandidato ng Lakan at Lakambini. Nagsimula na rumampa ang pambato ng ika-labing isang baitang at pagkatapos nila ay sumunod naman ang pambato ng mga ika-labing dalawang baitang.