Lathalain

Plahiyo

Ni Rhian Cenon

August 2, 2022

Nasa litrato, si Jayvee Ayen, isang magna cum laude graduate mula sa Camarines Sur Polytechnic Colleges (CSPC) noong 2022, at si Mariyela Mari Hugo, isang cum laude graduate mula sa Far Eastern University (FEU) noong 2019, na may parehong talumpati

Ano nga ba ang plahiyo? Ayon sa fil.wikipilipinas.org ang plahiyo o plagiarism sa Ingles ay tawag sa anomang bagay na kinopya. Plahiyador naman ang tawag sa taong nangopya ng anomang likha ng iba at higit na malala kung inaangkin niya ito.

Sa kasalukuyan ito ay isang mainit na isyu dahil sa napabalitang pangongopya ng isang valedictory speech. Umapoy ang social media nang mag-viral ang diumano’y pagkopya sa talumpati na may pamagat na "Lang". Malupit ang naging tugon ng mga netizen's sa isyung ito na siyang nagtulak para magkaroon ng opisyal na pahayag ang mga partidong nasasangkot sa isyu. Sa kabila nito tila hindi lubos ang pagtanggap ng mga netizen’s sa ipinahayag na paumanhin dahil nanatiling mainit ang mga tugon sa pangyayari.

Ang mga kasong plahiyo na tulad nito ay hindi nag-iisa. Marami nang mga kasong tulad nito ang napabalita, hindi lamang sa Pilipinas gayun din sa ibang bansa. Ngunit kung ating susuriin, ang pagkakasangkot sa isyu ng plahiyo ay tila isang dagok na pwedeng mag-iwan ng isang maitim na marka sa reputasyon ng isang indibiduwal o institusyon. Sabi nga sa wikang Ingles, "It may be forgiven, but it can never be forgotten".

Ang plahiyo ay isang isyu na sumasabog na parang isang bomba at ‘di lamang ang plahiyador ang nasusugatan nito. Malala ang epekto nito kapag ito ay ginawa ng isang taong nagkamit ng mataas na karangalan o ‘di kaya naman kapag ito ay ginawa upang magkamit ng karangalan.

Ikaw, naging plahiyador ka na ba? Sino nga ba ang hindi “guilty” sa pag-checheck sa Google sa mga panahong hindi natin lubos na maintindihan ang mga konseptong pinag-aaralan? Sino nga ba ang hindi nagsaliksik ng ideya sa mga panahong tuyong-tuyo na ang ating mga pag-iisip para matapos ang isang tinakdang gawain? Ano nga ba ang intensyon natin sa paggawa nito?

Hindi naman masama kung tayo ay kumuha ng ideya mula sa mga nabasang artikulo, maantig ang damdamin sa mga talumpating kayang baguhin ang takbo ng daigdig at humugot ng inspirasyon mula sa mga biswal na nilikha sa larangan ng sining. Hindi masama.

Ngunit, ano na lamang ang ambag natin sa mundo kung mula sa mga artikulong ating binasa, talumpating ating pinakinggan at sining na ating pinagmasdan ay hindi natin mailabas ang natatanging laman ng ating damdamin na siyang magpapahiwatig ng ating katauhan? Ang panunulad ba sa ideya at nilikha ng iba ang siya lamang layunin natin sa pagkamit ng edukasyon? Kung hanggang doon lamang ang nais natin, ano ang pwede nating maiambag para sa pagbabago? Kung makokontento lamang tayong gumaya sa iba, magagawa ba nating ibahagi sa mundo ang mga aral na maaaring tayo lamang ang makapagpapahayag?

Etika, dito hinugot ang gabay kung bakit ang plahiyo ay isang kamalian lalo na sa larangan ng edukasyon. Bakit nga ba mali ang plahiyo? ‘Di ba't madalas tayo ay nagpapahahayag ng ating mga ideya sa klase batay sa mga nakita natin sa libro o internet? Para saan nga ba ang mga gawaing iyon? Isa ba yung plahiyo?

Ang pagpapahayag ng nabasa at napag-aralan sa intensyong maibahagi ito sa nakakarami ay daan para sa pag-aaral at paghihimay ng mga konsepto. Ito ay hindi isang lantarang pag-aangkin ng ideya bagkus ang gawaing ito ang siyang inaasahang magiging daan upang umapoy ang ating mga isip at damdamin tungo sa paglikha ng mga ideya mula sa sarili nating kaisipan.

Samakatuwid, sa mga panahong tayo ay inaasahang lumikha ng sarili nating mga obra, maging sapat sana ang ating mga napag-aralan upang maisagawa ito. Maalala sana ng ating isip at damdamin na huwag magkubli sa tagumpay ng iba para lamang pagtakpan ang ating kahinaan. Huwag sana nating makaligtaan na ang pagsupil sa ating kahinaan ay isang pagkakataon upang makamit ang sariling tagumpay.

-----------------------------------------