Tula

12

Ni Nino Rafael Zerna

August 2, 2022

Source: From the Studio Ghibli Movie "Whisper of the Heart"

Palapit na ang hating gabi

Bagong araw, bagong mga pagsubok, bagong mga karanasan

Punto kung kailan ang ngayon ay magiging kahapon


Hindi madaling ikubli

Takot na hatid sa atin ng kinabukasan

Takot sa pagguho ng nakasanayan at sa pagdating ng pagbago


May mga humihiling

Na maudlot ang mga hiwalayan. Sana habang buhay

Na ang mga pagsasama'y manatiling ganito


Pag-alala sa nakaraan, pag-alala sa mga pinagdaanang

Nagdala ng ligaya sa ating mga mukha

Kasama ang ating mga kalakbay at kaibigan

Pagkakaibigang maaaring... alaala nalang talaga ngayon?


Ang mga boses nila'y naririnig ko pa

Mga tawanan, kuwentuhan, pati na rin ang mga kalokohang

Naghahatid sa amin sa gitna ng misa

Para makatanggap ng sermon at leksyon


Minsan... ang sakim talaga ng mundo

Nanakawin nalang ang natitirang panahong

Dapat na kasama sila

Pero wala... wala na

Dalawang taong nawalang parang bula

Mga pagkakataong ‘di na mauulit kailan man

Nakabibitin... bitin na bitin

Mga sandaling dapat sa amin

Pero ngayo'y ‘di na kayang anhin

Ubos na ang buhangin...


Kung bibigyan ako ng pagkakataon

Kamay ng orasa’y aking kukunin

Pabalik na iikutin

Pabalik sa mga panahong ‘di pa watak

Pabalik sa mga panahong masasabing hindi pa wala ang lahat

Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon


Wala pang alas dose, ramdam ko na

Ang pag-agnas ng mga lumang litratong

Parang kahapo'y bago pa lamang

Ang sakim talaga ng mundo

-----------------------------------------