Wika’t Kultura, binigyang diin sa Elementarya
ni Angelyn Shanly Ganipan (12C - STEM) | Agosto 26, 2021
ni Angelyn Shanly Ganipan (12C - STEM) | Agosto 26, 2021
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2021, inihandog ng Kagawaran ng FilSocMATLE sa mga mag-aaral ng elementarya ang kauna-unahang “Lola Basyang Serye” na isinagawa noong Agosto 11 hanggang 13 at ang “Birtuwal Pinoy” noong ika-18 ng Agosto.
Hindi naging hadlang ang bagong normal upang maipagdiwang ang naturang selebrasyon ngayong taon sa Philippine Cultural College - Maynila. Sa katunayan, nakisabay pa ito dahil sa pamamaraang birtuwal din naganap gamit ang zoom.
Ang Lola Basyang Serye na para sa mga mag-aaral ng baitang isa hanggang tatlo, ay nakatuon sa mga kuwentong pambata na may layuning maipamulat sa mga mag-aaral ang ganda at aral sa mga kuwentong nakalimbag sa wikang Filipino. Ibinahagi ito ng mga guro sa Filipino kasama si G. Daryl B. Teves, Tagapag-ugnay ng FilSocMATLE na kung saan idinaos sa loob ng tatlong araw:
Agosto 11, 2021
G. Daryl Teves - “Si Berting, ang Batang Uling” (3B)
Agosto 12, 2021
Bb. Sheila Marie Reyes - “Hating Kapatid” (2B)
Agosto 13, 2021
Gng. Violeta Arellano - “Ang Langgam at ang Kalapati” (1A)
Gng. Aileen Reyes - “Ang Matalinong Maliit na Sisiw” (2A)
Gng. Wishane Tan - “Mahabang-Mahabang-Mahaba” (3A)
Samantala, isinagawa naman ang programang Birtuwal Pinoy para sa mga mag-aaral ng baitang apat hanggang anim. Nagkaroon ng mga munting palaro para sa mga guro at mga mag-aaral. Ipinakilala sa gawaing ito ang yaman ng pagka-Pilipino at ng wikang Filipino, maging ang mga katutubong wika ng Pilipinas.
Tampok sa gawaing ito ang pagpapakilala sa mga simbolo ng pagka-Pilipino sa Sagisag-Pinoy na pinangunahan ni Gng. Arellano. Inihandog din ang mga piling awiting bayan na taglay ang iba pang mga wika sa Pilipinas sa Awiting Pinoy na inilatag ni Bb. Reyes. Pinilipit ang dila at nagbigay ng talasalitaan sa Salitang Pinoy ni Gng. Reyes. Ipinanood din ang mga katutubong sayaw sa Sayaw-Pinoy ni Gng. Leslie Anne Aton. Dagdag pa rito, ipinakilala rin si dating Pangulong Manuel L. Quezon bilang Ama ng Wikang Pambansa sa mga manonood sa pamamagitan ng maikling panayam ni G. Teves.
Kita ang kasiyahan at tunay na maraming matututuhan sa programang Birtuwal Pinoy dahil sa mga palaro na may kalakip na kuntil-butil para sa lahat.
“Nawa’y sa programang ito ay mamulat ang isipan at puso na ang Pilipinas ay may sariling tatak, sa birtuwal man natin ito nasaksihan, patuloy pa rin natin itong kilalanin bilang bahagi ito ng ating buhay upang mawaksi ang utak kolonyal.”, ani ni G. Teves. Bilang huling paalala, kanya ring isinaad na hindi lamang dapat sa Agosto mabigyang pagkilala ang pagiging Pilipino sapagkat ito’y pagkakakilanlan na ating nakasasalamuha sa araw-araw na pamumuhay.