Shao, nanguna sa SC Election
ni John Mathew Cabiltes (12A - ABM) | Agosto 26, 2021
Pormal nang kinilala ang mga bagong miyembro na bubuo sa Konsehong Pangmag-aaral (SC) ngayong panuruang taon 2021-2022 matapos ang halalang isinakatuparan noong Agosto 20, 2021, at si Richard Shao ng 11A-ABM ang nanguna rito na nakakuha ng 377 boto sa kabuuang 482 na botante.
Isinagawa ang botohan sa pamamagitan ng pagsagot sa Google Forms at pagpapadala ng mensahe sa Wechat para sa mga mag-aaral na nasa Tsina. Ito’y nagsilbing kauna-unahang halalang birtwal para sa SC.
Ang halalan ay naging bukas para sa mga mag-aaral na nasa baitang 5 hanggang 12. Binuksan ang botohan sa ganap na ika-8nu at sinara ng ika-2nh. Sa mismong araw rin ng halalan nabilang at nailabas agad ang resulta. Sa 17 na kandidato, narito ang 12 mag-aaral na nagsipagwagi at ang bilang ng botong nakamit.
Shao, Richard (11A-ABM) - 377 boto
Ching, Abbygail (12A-ABM) - 303 boto
Chavez, Renjiro (11A-ABM) - 297 boto
Lim, Kirsten (12C-STEM) - 240 boto
Teng, John Raphael (12C-STEM) - 220 boto
Cai, Qing Qing (9A) - 197 boto
Siao, Clark Angelo (12C-STEM) - 194 na boto
Ong, Bryle Derrick (12C-STEM) - 187 boto
Ong, Brent Dominic (12C-STEM) - 183 boto
Go, Stephanie (11C-STEM) - 173 boto
Kiongson, George Marianne (11C-STEM) - 156 na boto
Kang, Aspen Zanchi (10A) - 151 boto
Sa pangunguna ng Office of Students Affairs, ang kauna-unahang birtuwal na halalan ay isinagawa na may layuning makilahok ang mga mag-aaral sa pagpili ng nais nilang mamuno sa kanilang konseho gayundin sa pagtitiyak na magkakaroon ng mas inklusibong karanasan ang bawat mag-aaral sa kabila ng pagkakaroon ng bagong normal na sistema ng edukasyon.
“Alam nating lahat na bago ang pamamaraan sa ating institusyon ang ganitong klaseng halalan. Ang mga hamong lumabas sa pagsasagawa ng halalan ay ang pagkilatis ng mga account ng mga mag-aaral sa PCC at ang pagbibilang ng mga boto sa dalawang midyum na ginamit sa pagboto.” Ani ni G. Mike Bryan Arcega, ang tagapayo ng Konsehong Pangmag-aaral.
Ayon din kay G. Arcega “Bukod sa taon-taong programang idinaraos, marami pang aabangan ang mga mag-aaral, dahil ang layunin ng SC ay muling maramdaman ng mga mag-aral ang sigla at saya ng bawat programa at proyekto na dating ginagawa sa ating paaralan.” Dagdag pa niya.