Buwan ng Wika 2021, pinasinayaan
ni Abbygail Wills Ching (12A – ABM) | Agosto 7, 2021
Sa pangunguna ng Kagawaran ng FilSocMATLE, pormal nang sinimulan ng Philippine Cultural College – Maynila ang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2021 na may temang “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino” noong Agosto 2.
Binuksan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang birtuwal na palihan na pinangunahan ni Dr. Edwin R. Mabilin bilang tagapanayam, isang pantas sa larangan ng Filipino at ang kasalukuyang Superbisor sa Programang Edukasyon sa Filipino at MTB-MLE ng DepEd – Maynila. Ipinaliwanag ni Dr. Mabilin sa mga mag-aaral ng Senior High School at mga empleyado ng paaralan ang pakahulugan at kaligiran ng tema ng pagdiriwang ngayong taon at ang opisyal na poster na inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino kaugnay rito.
“Ang tema ng Buwan ng Wika ay pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga nagmamay-ari nito.”, ani ni Dr. Mabilin. Dagdag pa niya, ang dekolonisasyon sa tema ay pagwawaksi ng pagtatangi o diskriminasyong pangwika at pangkultura sa bansa. Sa pagdiriwang ngayong taon, binibigyang diin ang pagpapataas at pagtatanghal ng sariling kultura at panitikan gamit ang wikang Filipino at wikang katutubo.
Nagwakas ang pasinaya sa pamamagitan ng paglalahad ng mga nakaambang gawain ng paaralan upang mas mabigyang kulay ang selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa 2021. Abangan ang mga paskil sa opisyal na Facebook Page ng paaralan na “Philippine Cultural College - Main” upang matunghayan muli ang mga ito.